May Iskedyul Ka Na ba Para sa Pag-aaral ng Bibliya?
May Iskedyul Ka Na ba Para sa Pag-aaral ng Bibliya?
NOONG nakaraang taon, ipinatalastas ng Lupong Tagapamahala ang isang pagbabago sa iskedyul ng mga pulong sa kongregasyon na magbibigay ng higit na panahon sa mga pamilya para pag-aralan ang Bibliya. Kung isa kang ulo ng pamilya, tiyaking mayroon kayong regular na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya na angkop sa iyong asawa at mga anak. Nanaisin din ng mga mag-asawang walang anak na gamitin ang panahong ito sa pag-aaral ng Bibliya nang magkasama. Magagamit naman ng mga binata’t dalagang walang pananagutan sa pamilya ang panahong ito para sa personal na pag-aaral ng Bibliya.
Marami ang nagpapasalamat sa kaayusang ito ng Gabi ng Pampamilyang Pagsamba. Halimbawa, isinulat ng elder na si Kevin: “Kulang ang salitang ‘salamat’ para masabi ang nadarama ng aming kongregasyon. Pinag-usapan naming mga elder kung paano gagamitin ang libreng gabing ito ayon mismo sa tagubilin ng Lupong Tagapamahala—mag-aral kasama ng aming pamilya.”
Isinulat naman ni Jodi na asawa ng isang elder: “Tatlong babae ang anak namin—edad 15, 11, at 2. Kalilipat lang namin sa sign-language congregation. Kailangan ang malaking panahon at pagsisikap para paghandaan ang lahat ng pulong. Pero dahil sa pagbabagong ito, nagkaroon kami ng ekstrang gabi para sa pampamilyang pagsamba!”
Isinulat din nina John at JoAnn, mag-asawang regular pioneer: “Dahil sa dami ng gawain sa kongregasyon, hindi kami laging nakakapag-family study. Ang bagong kaayusang ito ay regalo ni Jehova na talagang malaking tulong sa ating espirituwalidad—kung gagamitin natin sa pag-aaral.”
Tuwing Martes ng gabi ang iskedyul ng personal na pag-aaral ni Tony, isang binatang mga 25 anyos. Sa ibang mga araw siya naghahanda para sa mga pulong. Pero ang sabi ni Tony, “Martes ang pinakapaborito kong araw.” Bakit? “Ito kasi ang espesyal na gabing inilaan ko kay Jehova.” Ipinaliwanag ni Tony: “Halos dalawang oras akong nag-aaral ng mga paksang lalong nagpapatibay ng kaugnayan ko kay Jehova. Dahil mas marami akong panahon sa pag-aaral, napag-iisipan kong mabuti ang binabasa kong mga talata sa Bibliya.” Ang resulta? “Mas tumatagos ngayon sa puso ko ang mga payo ni Jehova.” Bilang halimbawa, sinabi niya: “Sa aklat na Insight, nabasa ko ang tungkol sa pagkakaibigan nina David at Jonatan. Marami akong natutuhan sa pagiging mapagsakripisyo ni Jonatan. Natulungan akong mas maunawaan kung paano maging tunay na kaibigan. Pinananabikan ko ang iba pang magagandang bagay na matututuhan ko tuwing Martes ng gabi!”
Tiyak na makikinabang nang husto ang lahat ng lingkod ni Jehova kung gagamitin nila ang ekstrang panahong ito para sa makabuluhang pag-aaral ng Bibliya at pampamilyang pagsamba.