Mula sa Aming Archive
Paglalakbay Kasama ng mga Pilgrim
“HINDI ko kayang magbahay-bahay!” Napakaraming bagong estudyante ng Bibliya ang nakadama nang ganiyan hinggil sa pangangaral sa mga estranghero! Pero ang nagsabi nito ay isang pilgrim, isang makaranasang tagapagsalita at guro ng Bibliya.
Maraming mambabasa ng Zion’s Watch Tower na kumalas sa kinaaanibang relihiyon ang nananabik makipagsamahan sa mga katulad nilang uháw sa katotohanan ng Bibliya. Hinimok ng magasing ito ang mga mambabasa na hanapin ang iba pang nananampalataya at magtipon nang regular para pag-aralan ang Bibliya. Pasimula noong mga 1894, ang Watch Tower Society ay nagpadala ng naglalakbay na mga kinatawan para dalawin ang mga grupong humihiling na bisitahin sila. Ang makaranasan at masipag na mga lalaking ito, na tinawag nang maglaon bilang mga pilgrim, ay pinili dahil sa kanilang kaamuan, kaalaman sa Bibliya, kakayahan sa pagsasalita at pagtuturo, at katapatan sa pantubos. Karaniwan nang isa o dalawang araw lang ang pagdalaw nila. Pero punung-puno ito ng gawain. Maraming Estudyante ng Bibliya ang unang nakibahagi sa ministeryo sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga handbill para sa pahayag pangmadla ng isang pilgrim. Isa sa mga ito ay si Hugo Riemer, na naging miyembro ng Lupong Tagapamahala nang maglaon. Isang gabi, pagkatapos niyang magbigay ng pahayag sa isang paaralan, inabot siya ng lampas hatinggabi sa pagsagot sa mga tanong tungkol sa Bibliya. Pagod siya pero masaya, at sinabi niyang maganda ang kinalabasan ng pulong.
Sinabi ng Watch Tower na ang pangunahing layunin ng pagdalaw ng mga pilgrim ay ang pagpapatibay sa “sambahayan ng mga mananampalataya” sa pamamagitan ng mga pagpupulong sa tahanan ng mga ito. Ang mga Estudyante ng Bibliya mula sa kalapit na mga lugar ay dumadayo para makinig sa mga pahayag at makibahagi sa tanong-sagot na mga sesyon. Pagkatapos ng programa, makikita ang Kristiyanong pagkamapagpatuloy. Noong bata pa si Maude Abbott, dumalo siya sa isang pahayag sa umaga. Pagkatapos, lahat ay nagtipun-tipon sa isang mahabang mesa sa bakuran. “Napakaraming masasarap na pagkain—ham, fried chicken, iba’t ibang klase ng tinapay, pie, at cake! Ang lahat ay kumain hanggang sa mabusog. Pagsapit ng mga alas dos, nagtipun-tipon uli kami para sa isa pang pahayag.” Pero inamin niya, “Nang mga oras na iyon, lahat ay antok na antok na.” Minsan, nasabi ng makaranasang pilgrim na si Benjamin Barton, ‘Kung kinain ko ang lahat ng masasarap na pagkaing inihain sa akin, malamang ay matagal na akong wala sa daigdig na ito.’ Nang maglaon, isang liham mula sa punong-tanggapan sa Brooklyn ang nagpaalaala sa mababait na sister na “pang-araw-araw at simpleng pagkain” lang at “mahimbing na tulog” ang kailangan ng mga pilgrim.
Ang mga pilgrim ay mahusay sa pagtuturo at paggamit ng mga tsart, modelo, o anumang bagay para maging kawili-wili ang kanilang paksa. “Laging buháy na buháy” ang mga pahayag ni R. H. Barber. Parang ama naman si W. J. Thorn at nagsasalitang “gaya ng isang patriyarka noong unang panahon.” Isang araw, habang nakasakay sa isang Model A Ford, biglang sumigaw si Shield Toutjian, “Hinto!” Dali-dali siyang bumaba sa kotse, pumitas ng ilang ligáw na bulaklak, at tinuruan ang kaniyang mga kasama tungkol sa paglalang ni Jehova.
Mahirap din ang gawain ng mga pilgrim, lalo na sa mga nagkakaedad. Pero para sa ilan, ang pinakamalaking pagsubok ay nang magbago ang pokus ng kanilang gawain. Mangunguna na sila sa pangangaral
sa bahay-bahay. Sinabi ng The Watch Tower, isyu ng Marso 15, 1924, na ang “isa sa mga pangunahing atas” ng mga tunay na Kristiyano ay ang “magpatotoo tungkol sa kaharian. Isinusugo ang mga pilgrim dahil sa layuning ito.”Lumilitaw na hindi nagustuhan ng ilang pilgrim ang pagbabagong ito dahil iniwan nila ang gawaing paglalakbay. Ang ilan sa mga mapagreklamong ito ay bumuo pa nga ng sarili nilang grupo. Ikinuwento ni Robie D. Adkins ang tungkol sa isang pilgrim na napakagaling magpahayag pero naghimutok ng ganito: “Ang alam ko lang ay mangaral mula sa plataporma. Hindi ko kayang magbahay-bahay!” Naalaala pa ni Brother Adkins: “Muli ko siyang nakita sa kombensiyon sa Columbus, Ohio, noong 1924. Sa tingin ko, siya ang pinakamiserableng tao roon, nag-iisa sa lilim ng maliit na puno at napakalungkot kahit kasama ng libu-libong masasayang kapatid. Hindi ko na siya nakitang muli. Iniwan niya ang organisasyon di-nagtagal pagkatapos niyaon.” Sa kabilang banda, “maraming masasayang kapatid ang nagdaraan na may dalang mga aklat patungo sa kanilang mga sasakyan,” anupat sabik na sabik magpatotoo sa bahay-bahay.—Gawa 20:20, 21.
Maraming pilgrim ang ninenerbiyos sa pagbabahay-bahay, gaya rin ng mga kapatid na sasanayin nila. Pero dinibdib nila ang kanilang gawain. Ganito ang isinulat ni Maxwell G. Friend (Freschel), isang pilgrim na nagsasalita ng Aleman, tungkol sa pagbabahay-bahay: “Dahil sa gawaing ito, lalong sumasaya ang paglalakbay naming mga pilgrim.” Ayon sa pilgrim na si John A. Bohnet, buong-pusong tinanggap ng karamihan sa mga kapatid ang pagdiriin sa kahalagahan ng pangangaral tungkol sa Kaharian. Sinabi niyang marami ang “nag-aalab sa sigasig at sabik na pumuwesto sa unahan ng pagbabaka.”
Sa loob ng maraming taon, ang tapat na naglalakbay na mga kapatid na ito ay naging mabuting impluwensiya sa iba. “Walang kaduda-dudang napakahalaga at kapaki-pakinabang ang gawain ng mga pilgrim, gaya ng nakita ko noong bata ako,” ang sabi ni Norman Larson, isang matagal nang Saksi. “Malaki ang nagawa nila para mahubog ako sa tamang paraan.” Hanggang ngayon, ang gayong mapagsakripisyo at tapat na mga naglalakbay na tagapangasiwa ay tumutulong sa mga kapananampalataya na makapagsabi, “Kaya nating magbahay-bahay!”
[Blurb sa pahina 32]
Napakasaya kapag dumarating ang mga pilgrim!
[Larawan sa pahina 31]
Mga 170 lugar ang nasa listahan ng mga pupuntahan ni Benjamin Barton noong 1905
[Larawan sa pahina 32]
Si Walter J. Thorn ay isang minamahal na pilgrim na tinawag na Pappy dahil sa kaniyang tulad-ama at tulad-Kristong disposisyon
[Larawan sa pahina 32]
Si J. A. Browne ay ipinadala sa Jamaica bilang pilgrim noong mga 1902 para patibayin at pasiglahin ang 14 na maliliit na grupo
[Larawan sa pahina 32]
Dahil sa gawain ng mga pilgrim, napatibay ang pananampalataya at pagkakaisa ng mga kapatid, at napalapít sila sa organisasyon