Mga Magulang at Anak —Mag-usap Nang May Pag-ibig
“Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.”
1, 2. Ano ang karaniwang nadarama ng mga magulang at anak sa isa’t isa? Pero ano ang nahihirapan silang gawin kung minsan?
DAAN-DAANG bata sa Estados Unidos ang tinanong: “Kung malaman mong mamamatay na ang mga magulang mo bukas, ano ang sasabihin mo sa kanila?” Sa halip na banggitin ang mga problema at di-pagkakasundo, mga 95 porsiyento sa kanila ang sumagot: “Sorry po” at “Mahal na mahal ko po kayo.”
2 Karaniwan na, mahal ng mga anak ang kanilang mga magulang, at mahal din ng mga magulang ang kanilang mga anak. Totoo ito lalo na sa mga pamilyang Kristiyano. Pero kahit gusto ng mga magulang at anak na maging malapít sa isa’t isa, kung minsan ay nahihirapan silang mag-usap. At kahit tapatan namang nag-uusap ang magkakapamilya, bakit may mga paksa na iniiwasang pag-usapan? Ano ang ilang hadlang sa mabuting komunikasyon? Paano mapagtatagumpayan ang mga ito?
‘BILHIN’ ANG PANAHON PARA SA PAG-UUSAP
3. (a) Bakit nahihirapan ang maraming pamilya na magkaroon ng mabuting pag-uusap? (b) Bakit madali para sa mga pamilya sa sinaunang Israel na mag-usap?
3 Maraming pamilya ang nahihirapang maglaan ng sapat na panahon para sa makabuluhang pag-uusap. Hindi ganiyan ang kalagayan noong panahon ng mga Israelita. Tinagubilinan ni Moises ang mga ama noon: “Ikikintal mo [ang mga salita ng Diyos] sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” (Deut. 6:6, 7) Ang mga anak ay nasa bahay kasama ng kanilang ina o kasama ng kanilang ama sa bukid o sa lugar ng trabaho. Maraming panahon ang mga anak at mga magulang para magkasama at makapag-usap. Kaya naman, madaling nalalaman ng mga magulang ang mga pangangailangan, naisin, at personalidad ng kanilang mga anak. Marami ring panahon ang mga anak para makilala ang kanilang mga magulang.
4. Bakit problema ng maraming pamilya sa ngayon ang komunikasyon?
4 Ibang-iba naman sa ngayon! Sa ilang bansa, ang mga bata ay pumapasok sa preschool sa murang edad, kahit dalawang taóng gulang pa lang sila. Maraming ama’t ina ang nagtatrabaho malayo sa kanilang bahay. At kahit magkakasama ang mga magulang at anak, nauubos naman ang kanilang panahon sa telebisyon, computer, at iba pang gadyet. Kadalasan, may kani-kaniya silang buhay, at para silang mga estranghero sa isa’t isa. Halos wala na silang makabuluhang pag-uusap.
5, 6. Paano ‘bumibili’ ng panahon ang ilang magulang para makasama ang kanilang mga anak?
5 Magagawa mo bang ‘bumili’ ng panahon mula sa ibang bagay at gugulin ito kasama ng iyong pamilya? (Basahin ang Efeso 5:15, 16.) Nagpasiya ang ilang pamilya na bawasan ang panonood nila ng TV o paggamit ng computer. Sinisikap naman ng iba na kumaing magkakasama kahit isang beses lang bawat araw. Napakagandang kaayusan din ang pampamilyang pagsamba para maging malapít sa isa’t isa ang mga magulang at anak habang pinag-uusapan nila ang espirituwal na mga bagay. Ang paglalaan ng isang oras o higit pa linggu-linggo para dito ay magandang simula. Pero hindi sapat iyan. Mahalaga rin ang regular at madalas na pag-uusap araw-araw. Bago pumasok sa paaralan ang iyong anak, magsabi sa kaniya ng nakapagpapatibay na mga bagay, talakayin ang teksto sa araw na iyon, o manalanging magkasama. Malaki ang maitutulong nito sa kaniya sa maghapon.
6 Gumawa ng mga pagbabago ang ilang magulang para mas marami silang panahon kasama ng kanilang mga anak. Ganito ang ginawa ni Laura, * na nag-resign sa kaniyang full-time na trabaho para makasama ang kaniyang dalawang anak. Sinabi niya: “Tuwing umaga, lahat kami ay nagmamadaling pumasok sa trabaho o sa iskul. Pag-uwi ko naman sa gabi, napatulog na ng yaya ang mga bata. Nang magbitiw ako sa trabaho, mas kaunti nga ang pera namin, pero mas alam ko na ngayon ang iniisip at problema ng mga anak ko. Pinakikinggan ko ang mga panalangin nila at ginagabayan sila, pinatitibay-loob, at tinuturuan.”
MAGING “MATULIN SA PAKIKINIG”
7. Ano ang karaniwang reklamo ng mga anak at mga magulang?
7 Matapos interbyuhin ang maraming kabataan, napansin ng mga awtor ng aklat na For Parents Only ang isang hadlang sa komunikasyon. Sinabi nila: “Ang numero unong reklamo ng mga anak tungkol sa kanilang mga magulang ay, ‘Hindi sila nakikinig.’” Ganiyan din ang reklamo ng mga magulang tungkol sa kanilang mga anak. Para mapanatiling bukás ang linya ng komunikasyon, ang bawat miyembro ng pamilya ay kailangang makinig na mabuti sa isa’t isa.
8. Paano magagawa ng mga magulang na talagang makinig sa kanilang mga anak?
8 Mga magulang, talaga bang nakikinig kayo sa inyong mga anak? Baka mahirap itong gawin kapag pagód kayo o parang hindi naman mahalaga ang ipinakikipag-usap nila sa inyo. Pero baka ang hindi importante sa inyo ay napakaimportante sa inyong anak. Kasama sa pagiging “matulin sa pakikinig” hindi lang ang pagbibigay-pansin sa sinasabi ng inyong anak, kundi pati sa paraan ng pagsasabi niya nito. Mahahalata sa tono ng boses, kilos, at ekspresyon ng mukha kung ano ang nadarama ng inyong anak. Mahalaga ring magtanong. Sinasabi ng Bibliya na ang kaisipan ng tao ay “gaya ng malalim na tubig, ngunit ang taong may kaunawaan ang siyang sasalok nito.” (Kaw. 20:5) Lalong kailangan ang kaunawaan kapag kinakausap ninyo ang inyong anak tungkol sa maseselang paksa.
9. Bakit dapat makinig ang mga anak sa kanilang mga magulang?
9 Mga anak, sinusunod ba ninyo ang inyong mga magulang? “Makinig ka, anak ko, sa disiplina ng iyong ama,” ang sabi ng Salita ng Diyos, “at huwag mong iiwan ang kautusan ng iyong ina.” (Kaw. 1:8) Tandaan, mahal ka ng iyong mga magulang at gusto ka nilang mapabuti, kaya isang katalinuhan na makinig at sumunod sa kanila. (Efe. 6:1) Kung maganda ang komunikasyon ninyo at tatandaan mo na mahal ka nila, mas madali sa iyo ang maging masunurin. Sabihin mo sa iyong mga magulang ang nadarama mo para maunawaan ka nila. At siyempre, sikapin mo ring maunawaan sila.
10. Ano ang matututuhan natin sa ulat ng Bibliya tungkol kay Rehoboam?
10 Kailangan mo ring mag-ingat pagdating sa pakikinig sa payo ng iyong mga kaedad. Sasabihin nila sa iyo ang gusto mong marinig, pero baka hindi ito makatulong sa iyo. Baka nga mapahamak ka pa. Palibhasa’y wala pang karunungan at karanasan, mababaw lang ang pangmalas ng mga kabataan sa mga bagay-bagay at hindi nila nakikita ang posibleng epekto ng kanilang mga ginagawa. Tandaan ang halimbawa ni Rehoboam, anak ni Haring Solomon. Nang maging hari siya sa Israel, dapat sana’y nakinig siya sa matalinong payo ng matatandang lalaki. Pero sa halip, nakinig siya sa mangmang na payo ng mga kaedad niya. Dahil dito, naghimagsik sa kaniyang pamamahala ang karamihan sa kaniyang mga sakop. (1 Hari 12:1-17) Huwag tularan si Rehoboam. Panatilihing bukás ang linya ng komunikasyon sa iyong mga magulang. Sabihin sa kanila ang niloloob mo. Makinig sa kanilang payo, at matuto sa kanilang karunungan.
11. Ano ang puwedeng mangyari kung hindi madaling lapitan ang mga magulang?
11 Mga magulang, gusto ba ninyong sa inyo humingi ng payo ang inyong mga anak sa halip na sa kanilang mga kaedad? Kung gayon, dapat ay madali kayong lapitan at kausapin. Isang sister na tin-edyer ang sumulat: “Mabanggit ko lang ang pangalan ng isang lalaki, ninenerbiyos na ang mga magulang ko. Kaya hindi ako komportableng makipag-usap sa kanila.” Isa pang kabataang sister ang sumulat: “Gusto ng maraming tin-edyer ang payo ng kanilang mga magulang, pero kung hindi sila sineseryoso ng kanilang mga magulang, babaling sila sa iba, kahit doon sa mga wala pang karanasan.” Mga magulang, kung handa kayong makinig sa inyong mga anak sa kahit anong paksa, magiging mas komportable silang makipag-usap sa inyo at sumunod sa payo ninyo.
MAGING “MABAGAL SA PAGSASALITA”
12. Paano makahahadlang sa pakikipag-usap ng mga anak ang reaksiyon ng kanilang mga magulang?
12 Ang isa pang hadlang sa pakikipag-usap ay ang negatibong reaksiyon ng mga magulang sa sinasabi ng kanilang mga anak. Totoo, napakaraming panganib sa “mga huling araw” na ito at gustong protektahan ng Kristiyanong mga magulang ang kanilang mga anak. (2 Tim. 3:1-5) Pero baka ang iniisip ng mga magulang na proteksiyon ay paghihigpit na sa tingin ng kanilang mga anak.
13. Bakit hindi dapat agad-agad magbigay ng opinyon ang mga magulang?
13 Mas mabuti kung hindi agad-agad magbibigay ng opinyon ang mga magulang. Siyempre pa, hindi laging madaling manahimik kapag may sinasabing nakababahala ang inyong mga anak. Pero mahalagang makinig na mabuti bago magsalita. Ganito ang isinulat ng matalinong si Haring Solomon: “Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya at kahihiyan.” (Kaw. 18:13) Kung mananatili kang kalmado at makikinig, mas magkukuwento ang iyong mga anak. Kailangan mo munang malaman ang buong pangyayari bago ka makapagpayo. Baka sa likod ng “padalus-dalos na pananalita” ng iyong mga anak ay may pusong balisa. (Job 6:1-3) Bilang maibiging mga magulang, makinig para maunawaan ang mga anak ninyo at magsalita para matulungan sila.
14. Bakit dapat maging mabagal sa pagsasalita ang mga anak?
14 Mga anak, kailangan din ninyong maging “mabagal sa pagsasalita.” Tandaan, ang inyong mga magulang ay may bigay-Diyos na pananagutang sanayin kayo, kaya huwag agad-agad kontrahin ang sinasabi nila. (Kaw. 22:6) Malamang na pinagdaanan na nila ang nararanasan mo ngayon. Baka pinagsisisihan nila ang mga pagkakamaling nagawa nila noong bata pa sila, at ayaw nilang maulit ninyo ang gayong mga pagkakamali. Kung gayon, ituring ninyo ang inyong magulang bilang kaibigan, hindi kaaway. Ayaw nila kayong masaktan; gusto nila kayong tulungan. (Basahin ang Kawikaan 1:5.) “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina,” at ipakita sa kanila na mahal mo sila gaya ng pagmamahal nila sa iyo. Dahil dito, magiging mas madali para sa kanila na “palakihin [ka] sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”
MAGING “MABAGAL SA PAGKAPOOT”
15. Ano ang tutulong sa atin na manatiling kalmado at mapagpasensiya sa mga mahal natin sa buhay?
15 Minsan, hindi tayo mapagpasensiya sa mga mahal natin sa buhay. Para “sa mga banal at sa tapat na mga kapatid na kaisa ni Kristo sa Colosas,” ganito ang isinulat ni apostol Pablo: “Kayong mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae at huwag kayong magalit sa kanila nang may kapaitan. Kayong mga ama, huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.” (Col. 1:1, 2; 3:19, 21) Pinayuhan ni Pablo ang mga taga-Efeso: “Ang lahat ng mapait na saloobin at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo.” (Efe. 4:31) Kung lilinangin natin ang mga aspekto ng bunga ng espiritu ng Diyos
16. Paano itinuwid ni Jesus ang mga alagad niya? Bakit kahanga-hanga ito?
16 Kuning halimbawa si Jesus. Isip-isipin ang paghihirap ng kaniyang kalooban noong huling hapunan niya kasama ng mga apostol. Alam niya na ilang oras na lang ay magdurusa siya at mamamatay. Nakasalalay sa pananatili niyang tapat ang pagpapabanal sa pangalan ng kaniyang Ama at ang kaligtasan ng sangkatauhan. Pero habang naghahapunan sila, “bumangon . . . ang isang mainitang pagtatalo sa gitna [ng mga apostol] tungkol sa kung sino sa kanila ang waring pinakadakila.” Hindi sila sinigawan ni Jesus, ni nagbitiw man siya ng masasakit na salita sa kanila. Sa halip, kalmado siyang nangatuwiran sa kanila. Ipinaalaala niya sa kanila na nanatili silang kasama niya noong dumaranas siya ng mga pagsubok. At bagaman gusto ni Satanas na salain silang gaya ng trigo, nagpahayag si Jesus ng pagtitiwala na mananatili silang tapat. Nakipagtipan pa nga siya sa kanila.
17. Ano ang tutulong sa mga anak na manatiling kalmado?
17 Kailangan ding manatiling kalmado ang mga anak. Lalo na kapag tin-edyer na sila, baka isipin nilang hindi sila pinagkakatiwalaan ng kanilang mga magulang kaya sila binibigyan ng mga tagubilin. Bagaman totoo iyan kung minsan, tandaan mong nagmamalasakit sila sa iyo dahil mahal ka nila. Kung kalmado kang makikinig sa kanila at makikipagtulungan, igagalang ka nila at pagkakatiwalaan. At mas bibigyan ka nila ng kalayaang gawin ang ilang bagay. Isang katalinuhan na magpakita ng pagpipigil sa sarili. “Inilalabas ng hangal ang kaniyang buong espiritu,” ang sabi ng isang kawikaan, “ngunit siyang marunong ay nagpapanatili nitong mahinahon hanggang sa huli.”
18. Paano nakatutulong ang pag-ibig para gumanda ang komunikasyon ng pamilya?
18 Minamahal na mga magulang at anak, huwag masiraan ng loob kung hindi gaanong maganda ang komunikasyon ninyo. Pagsikapang pasulungin ito, at patuloy na lumakad sa katotohanan. (3 Juan 4) Sa bagong sanlibutan, magiging sakdal na tayo, at mawawala na ang mga di-pagkakasundo at pagtatalo. Samantala, lahat tayo ay nagkakamali. Kaya huwag mag-atubiling humingi ng tawad at magpatawad. “Magkakasuwatong mabuklod sa pag-ibig.” (Col. 2:2) Makapangyarihan ang pag-ibig. Ito ay ‘may mahabang pagtitiis at mabait. Hindi ito napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, at binabata ang lahat ng bagay.’ (1 Cor. 13:4-7) Patuloy na linangin ang pag-ibig, at gaganda ang komunikasyon ninyo, anupat magiging maligaya ang inyong pamilya at mapapupurihan ninyo si Jehova.
^ par. 6 Binago ang pangalan.