Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 MULA SA AMING ARCHIVE

Nanindigan Sila sa “Oras ng Pagsubok”

Nanindigan Sila sa “Oras ng Pagsubok”

DAHIL sa pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig I noong 1914, nalaman ng buong mundo ang tungkol sa neutralidad ng mga Estudyante ng Bibliya. (Isa. 2:2-4; Juan 18:36; Efe. 6:12) Ano kaya ang nangyari sa mga lingkod ng Diyos sa Britanya?

Si Henry Hudson

Dahil sa Military Service Act of 1916, ang mga lalaking walang asawa na edad 18 hanggang 40 sa Britanya ay sapilitang pinaglingkod sa militar. May probisyon naman para sa mga tumatangging maglingkod dahil sa kanilang “relihiyoso o moral na paninindigan.” Bumuo ang pamahalaan ng mga tribunal para matukoy kung sino ang bibigyan ng eksemsiyon at kung ano ang saklaw nito.

Sa kabila nito, mga 40 Estudyante ng Bibliya ang ipiniit sa mga bilangguang militar, at 8 ang ipinadala sa labanan sa Pransiya. Dahil sa kawalang-katarungang ito, ang mga kapatid sa Britanya ay nagpadala ng liham kay Punong Ministro Herbert Asquith bilang protesta, kalakip ang isang petisyon na may 5,500 lagda.

Pagkatapos, nalaman nila na ang walong kapatid na ipinadala sa Pransiya ay sinentensiyahang barilin dahil sa pagtangging makipaglaban sa digmaan. Pero nang nakahanay na ang mga kapatid sa harap ng firing squad, pinalitan ang kanilang sentensiya ng sampung-taóng pagkabilanggo. Ibinalik sila sa Inglatera para doon makulong sa mga bilangguang sibil.

Si James Frederick Scott

Nang tumagal ang digmaan, pinagsundalo na rin ang mga may asawa. Sa isang kaso sa Manchester, Inglatera, ang nasasakdal ay si Henry Hudson, isang doktor at Estudyante ng Bibliya. Noong Agosto 3, 1916, ipinasiya ng korte na magbayad siya ng multa at ibinigay siya sa kamay ng militar dahil sa hindi pagtupad sa kaniyang tungkulin. Kasabay nito, isa pang kaso ang dininig sa Edinburgh, Scotland. Si James Frederick Scott, isang 25-anyos na colporteur, ay napatunayang walang-sala. Umapela ang tagausig, pero iniurong ito dahil sa isa pang kaso sa London. Sa kasong iyon sa London, ang brother na si Herbert Kipps ay napatunayang may-sala, pinagmulta, at ibinigay sa kamay ng militar.

Pagsapit ng Setyembre 1916, nag-aplay ang 264 na brother para makakuha ng eksemsiyon sa paglilingkod sa militar. Sa mga ito, 5 ang binigyan ng eksemsiyon, 154 ang binigyan ng “gawaing mahalaga sa bansa,” 23 ang binigyan ng mga trabaho sa militar na hindi humihiling ng pakikipaglaban, 82 ang ibinigay sa kamay ng militar, at ang iba ay nilitis sa hukumang militar dahil sa paglabag sa utos. Kinondena ng publiko ang malupit na pagtrato sa mga lalaking ito, kaya inilipat sila ng pamahalaan mula sa bilangguang militar tungo sa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho.

Si Pryce Hughes

Si Edgar Clay at si Pryce Hughes, na naglingkod bilang tagapangasiwa ng sangay sa Britanya nang maglaon, ay pinagtrabaho sa isang dam sa  Wales. Si Herbert Senior, isa sa walong brother na ibinalik galing Pransiya, ay dinala naman sa Wakefield Prison sa Yorkshire. Ang ibang nasentensiyahan ng sapilitang pagtatrabaho ay nagtiis ng mahihirap na kalagayan sa Dartmoor Prison. Noong panahong iyon, ang bilangguang ito ang may pinakamalaking bilang ng mga tumangging magsundalo dahil sa kanilang budhi.

Si Frank Platt, isang Estudyante ng Bibliya, ay sumang-ayong gumawa ng mga trabaho para sa militar na walang kinalaman sa pakikipaglaban. Pero dumanas siya ng matagal at malupit na pag-uusig nang ipadala siya sa digmaan at tumangging lumaban. Si Atkinson Padgett, na nakaalam ng katotohanan matapos siyang magsundalo, ay dumanas din ng kalupitan sa kamay ng mga awtoridad sa militar dahil sa pagtangging makipaglaban.

Si Herbert Senior

Halos isang siglo na ang nakararaan, sinikap ng mga brother na ito na palugdan ang Diyos na Jehova kahit hindi nila lubusang nauunawaan ang ating paninindigan tungkol sa neutralidad. Ang mga brother na binanggit sa ulat na ito ay nagpakita ng mahusay na halimbawa ng neutralidad sa napakahirap na “oras ng pagsubok.” (Apoc. 3:10)—Mula sa aming archive sa Britanya.