Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Haharapin ang Pagkamatay ng Iyong Asawa

Kung Paano Haharapin ang Pagkamatay ng Iyong Asawa

MALIWANAG ang sinasabi ng Bibliya: Dapat “ibigin [ng lalaki ang kaniyang] asawang babae gaya ng ginagawa niya sa kaniyang sarili.” Ang asawang babae naman ay dapat “magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” Dapat nilang gampanan ang kani-kanilang papel bilang “isang laman.” (Efe. 5:33; Gen. 2:23, 24) Sa paglipas ng panahon, ang pagsasama at pagmamahalan ng mag-asawa ay lalong tumitibay. Maihahalintulad ito sa mga ugat ng dalawang puno na lumalaking magkatabi. Ang damdamin ng mag-asawa sa isa’t isa ay lumalalim at nagiging magkaugnay.

Pero paano kung mamatay ang isa sa kanila? Ang panghabambuhay na buklod ng mag-asawa ay napuputol. Ang naiwang kabiyak ay kadalasan nang nakadarama ng iba’t ibang damdamin gaya ng dalamhati, lungkot, at marahil ay galit o panunumbat ng budhi. Sa 58-taóng pagsasama ni Daniella at ng kaniyang asawa, maraming kakilala si Daniella na namatayan ng asawa. * Pero nang mamatay ang kaniyang mister, nasabi niya: “Hindi ko alam noon ang pakiramdam ng isang nabalo. Hindi mo ito maiintindihan hangga’t hindi mo nararanasan.”

KIROT NA PARANG WALANG KATAPUSAN

Naniniwala ang ilang mananaliksik na wala nang mas sasakit pa kaysa sa pagkamatay ng minamahal na asawa. Maraming nabalo ang sumasang-ayon dito. Si Millie ay namatayan ng asawa maraming taon na ang nakalilipas. Sinabi niya: “Para akong nalumpo.” Ang tinutukoy niya ay ang kaniyang  nadama nang mamatay ang asawa niya pagkatapos ng 25-taóng pagsasama.

Iniisip noon ni Susan na hindi makatuwiran ang maraming taóng pagdadalamhati ng ilang nabiyuda. Pero nang mamatay ang kaniyang asawa na nakasama niya nang 38 taon, nagbago ang pananaw niya. Kahit mahigit 20 taon na ang nakalipas, nasasabi pa rin niya, “Araw-araw ko siyang naaalala.” Madalas siyang umiyak dahil miss na miss niya ito.

Ipinakikita ng Bibliya na napakasakit mamatayan ng asawa at ang kirot nito ay hindi agad nawawala. Nang mamatay si Sara, ang kaniyang asawang si Abraham ay “pumaroon upang hagulhulan si Sara at upang tangisan siya.” (Gen. 23:1, 2) Kahit may pananampalataya si Abraham sa pagkabuhay-muli, masyado siyang nasaktan nang mamatay ang kaniyang minamahal. (Heb. 11:17-19) Nang mamatay ang asawa ni Jacob na si Raquel, hindi niya ito nalimutan. Magiliw niyang ikinukuwento si Raquel sa kaniyang mga anak.Gen. 44:27; 48:7.

Ano ang matututuhan natin sa mga halimbawang ito sa Bibliya? Karaniwan nang tumatagal nang maraming taon ang kirot na nadarama ng isang nabalo. Huwag nating isipin na ang kanilang pagluha at kalungkutan ay tanda ng kahinaan, kundi normal na reaksiyon lang ng isang nangungulila. Baka kailanganin nila sa mahabang panahon ang ating pagdamay at suporta.

HARAPIN ANG BAWAT ARAW

Kapag ang isa ay nabalo, hindi ibig sabihin nito na bumalik lang siya sa dating buhay niya bago nag-asawa. Pagkalipas ng maraming taon ng pagsasama, karaniwa’y alam na ng isang lalaki kung paano aaliwin at pasasayahin ang misis niya kapag nalulungkot ito o nasisiraan ng loob. Kaya kapag namatay siya, ang misis niya ay tiyak na mangungulila sa kaniyang pagmamahal at pagkalinga. Sa katulad na paraan, natututuhan din ng asawang babae kung ano ang gagawin para mapanatag at sumaya ang mister niya. Napakahalaga sa mister niya ang kaniyang magiliw na haplos, nakagiginhawang pananalita, at pag-aasikaso. Kaya kapag namatay siya, maaaring madama ng mister niya na kulang ang buhay niya. Dahil dito, ang ilang namatayan ng asawa ay nakadarama ng takot at pangamba tungkol sa hinaharap. Anong simulain sa Bibliya ang makatutulong para mapanatag ang kalooban nila?

Matutulungan ka ng Diyos na makayanan sa bawat araw ang pangungulila

“Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan. Sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.” (Mat. 6:34) Ang mga salitang ito ni Jesus ay partikular na kapit sa materyal na mga pangangailangan, pero nakatulong din ito sa marami para mabata ang paghihirap na dulot ng pagkamatay ng kabiyak. Ilang buwan pagkamatay ng misis ni Charles, sumulat siya: “Miss na miss ko pa rin si Monique, at kung minsan, parang lalo itong tumitindi. Pero napag-isip-isip kong normal lang ito at sa paglipas ng panahon, mababawasan din ang kirot na nadarama ko.”

Oo, kinailangan ni Charles na magbata sa “paglipas ng panahon.” Paano niya nagawa iyon? Sinabi niya, “Sa tulong ni Jehova, naharap ko ang bawat araw.” Hindi nagpadaig si Charles sa kalungkutan. Hindi naman biglang nawala ang kirot na nadarama niya, pero nakayanan niya iyon. Kung namatayan ka ng asawa, sikaping harapin ang iyong pangungulila sa bawat araw. Hindi mo alam kung anong  pagpapala o pampatibay-loob ang tatanggapin mo kinabukasan.

Ang kamatayan ay hindi bahagi ng orihinal na layunin ni Jehova. Sa halip, isa ito sa “mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8; Roma 6:23) Ginagamit ni Satanas ang kamatayan at ang pagkatakot dito upang alipinin ang maraming tao at mawalan sila ng pag-asa. (Heb. 2:14, 15) Natutuwa si Satanas kapag ang isa ay nawalan ng pag-asang magiging maligaya pa siya, kahit sa bagong sanlibutan ng Diyos. Kaya ang matinding kirot na nadarama ng isang namatayan ng asawa ay resulta ng kasalanan ni Adan at ng mga pakana ni Satanas. (Roma 5:12) Lubusang aalisin ni Jehova ang pinsalang dulot ni Satanas; dadaigin niya ang malupit na sandata nito, ang kamatayan. Kabilang sa mga mapalalaya mula sa takot na inihahasik ni Satanas ang maraming namatayan ng asawa.

Sa bagong sanlibutan, magkakaroon ng maraming pagbabago sa buhay ng mga bubuhaying muli. Magbabago ang ugnayan ng mga tao. Halimbawa, ang mga magulang, lolo’t lola, at iba pang ninuno na bubuhaying muli ay unti-unting magiging sakdal kasabay ng kanilang mga anak at apo. Aalisin ang mga epekto ng pagtanda. Paano kaya pakikitunguhan ng nakababatang mga henerasyon ang kanilang mga ninuno? Gaya rin kaya ng kinagawian natin ngayon? At naniniwala ba tayo na ang gayong pagbabago ay sa ikabubuti ng pamilya ng tao?

Napakaraming tanong ang maaaring bumangon tungkol sa mga bubuhaying muli. Halimbawa, paano kung ang isa ay dalawang beses namatayan ng asawa, o higit pa? Nagtanong ang mga Saduceo tungkol sa isang babae na namatayan ng unang asawa. Namatay rin ang kaniyang ikalawang asawa, at  ang iba pa niyang naging asawa. (Luc. 20:27-33) Ano kaya ang magiging ugnayan ng gayong mga tao sa pagkabuhay-muli? Hindi natin alam, at hindi makakatulong ang pag-aalala o ang paggawa ng espekulasyon tungkol sa mga bagay na ito. Sa ngayon, basta magtiwala tayo sa Diyos. Isang bagay ang tiyak—anumang gagawin ni Jehova sa hinaharap ay mabuti, isang bagay na pananabikan, hindi katatakutan.

PAGKABUHAY-MULI—ISANG NAKAAALIW NA PAG-ASA

Isa sa pinakamalinaw na turo ng Bibliya ang pagkabuhay-muli ng namatay na mga mahal sa buhay. Ang mga ulat ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli ay garantiya na ‘lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig ni Jesus at lalabas.’ (Juan 5:28, 29) Habang sinasalubong ng mga buháy sa panahong iyon ang mga nakalaya sa gapos ng kamatayan, tiyak na maligayang-maligaya sila. Sa kabilang dako naman, hindi natin lubusang mauunawaan ang matinding kaligayahang madarama ng mga bubuhaying muli.

Habang bilyun-bilyon ang binubuhay-muli, ang lupa ay mapupuno ng kagalakan na hindi pa nangyari kailanman. (Mar. 5:39-42; Apoc. 20:13) Ang pagbubulay-bulay sa himalang ito ay tiyak na makaaaliw sa lahat ng namatayan ng mahal sa buhay.

May dahilan pa bang malungkot ang sinuman kapag nangyari na ang pagkabuhay-muli? Wala na, ang sagot ng Bibliya. Ayon sa Isaias 25:8, “lalamunin [ni Jehova] ang kamatayan magpakailanman.” Kasama sa lubusang aalisin ang masasakit na epekto ng kamatayan, dahil sinasabi pa ng hula: “Tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” Kung nalulungkot ka ngayon dahil namatay ang iyong kabiyak, ang pagkabuhay-muli ay tiyak na magbibigay sa iyo ng dahilan para maging maligaya.

Walang sinumang lubos na nakauunawa sa lahat ng gagawin ng Diyos sa bagong sanlibutan. Sinabi ni Jehova: “Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa sa lupa, gayundin na ang aking mga lakad ay mas mataas kaysa sa inyong mga lakad, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan.” (Isa. 55:9) Ang pangako ni Jesus tungkol sa pagkabuhay-muli ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong magtiwala kay Jehova, gaya ng ginawa ni Abraham. Sa ngayon, mahalagang gawin ng bawat Kristiyano ang mga hinihiling sa kaniya ng Diyos upang ‘maibilang  na karapat-dapat magkamit ng sistemang iyon ng mga bagay’ kasama ng mga bubuhaying muli.Luc. 20:35.

DAHILAN PARA UMASA

Sa halip na mabalisa tungkol sa hinaharap, patibayin ang iyong pag-asa. Para sa maraming tao, madilim ang kinabukasan. Pero binibigyan tayo ni Jehova ng magandang pag-asa. Hindi natin alam kung paano sasapatan ni Jehova ang lahat ng ating mga pangangailangan at ninanais, pero hindi natin dapat pag-alinlanganan na gagawin niya iyon. Sumulat si apostol Pablo: “Ang pag-asa na nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat kapag nakikita ng isang tao ang isang bagay, inaasahan ba niya iyon? Ngunit kung inaasahan natin yaong hindi natin nakikita, patuloy natin itong hinihintay nang may pagbabata.” (Roma 8:24, 25) Ang matibay na pag-asa sa mga pangako ng Diyos ay tutulong sa iyo na magbata. Sa pamamagitan ng pagbabata, magkakaroon ka ng napakagandang kinabukasan at ‘ibibigay sa iyo ni Jehova ang mga kahilingan ng iyong puso.’ Sasapatan niya “ang nasa ng bawat bagay na may buhay.”Awit 37:4; 145:16; Luc. 21:19.

Magtiwala sa maligayang kinabukasan na ipinangako ni Jehova

Noong malapit nang mamatay si Jesus, ang kaniyang mga apostol ay nalungkot at natakot. Inaliw sila ni Jesus na sinasabi: “Huwag mabagabag ang inyong mga puso. Manampalataya kayo sa Diyos, manampalataya rin kayo sa akin.” Sinabi pa niya: “Hindi ko kayo iiwang nangungulila. Paririto ako sa inyo.” (Juan 14:1-4, 18, 27) Sa loob ng maraming siglo, ang mga sinabi ni Jesus ay nagbigay sa kaniyang mga pinahirang tagasunod ng dahilan para umasa at magbata. Ang mga nananabik na makita ang kanilang mga mahal sa buhay sa pagkabuhay-muli ay wala ring dahilan para labis na malungkot. Hindi sila iiwang nangungulila ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak. Tiyak iyan!

^ par. 3 Binago ang mga pangalan.