‘Alam Na Niya ang Daan’
NATAPOS ni Guy Hollis Pierce, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ang kaniyang buhay sa lupa noong Martes, Marso 18, 2014. Sa edad na 79, natupad ang pag-asa niyang buhaying muli bilang kapatid ni Kristo.—Heb. 2:10-12; 1 Ped. 3:18.
Ipinanganak si Guy Pierce sa Auburn, California, E.U.A., noong Nobyembre 6, 1934, at nabautismuhan noong 1955. Ikinasal sila ng mahal niyang asawang si Penny noong 1977 at nagkapamilya. Dahil pamilyadong tao, para siyang ama kapag nakikitungo sa iba. Pagsapit ng 1982, nagpapayunir na sila ni Penny. Noong 1986, nagsimula ang 11-taóng paglilingkod niya bilang tagapangasiwa ng sirkito sa Estados Unidos.
Noong 1997, sina Guy at Penny Pierce ay nagsimulang maglingkod bilang miyembro ng pamilyang Bethel sa Estados Unidos. Nagtrabaho si Brother Pierce sa Service Department, at noong 1998, inatasan siyang tumulong sa Personnel Committee ng Lupong Tagapamahala. Ang paghirang kay Brother Pierce bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ay inianunsiyo noong Oktubre 2, 1999, sa taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. Sa nakaraang mga taon, naglingkod siya sa Personnel Committee, Writing Committee, Publishing Committee, at Coordinators’ Committee.
Palangiti at palabiro si Brother Pierce, kaya nakakagaanan siya ng loob ng iba’t ibang uri ng tao. Pero lalo siyang napamahal sa mga kapatid dahil maibigin siya, mapagpakumbaba, masunurin sa matuwid na mga batas at simulain, at lubos na nananampalataya kay Jehova. Para kay Guy Pierce, mas posible pang hindi sumikat ang araw kaysa hindi matupad ang mga pangako ni Jehova, at gusto niyang ipaalam sa buong mundo ang katotohanang iyan.
Si Brother Pierce ay isang masigasig na lingkod ni Jehova. Maaga pa lang ay gising na siya at madalas na inaabot nang gabi sa pagtatrabaho. Nakarating siya sa iba’t ibang lugar sa mundo para patibayin ang kaniyang mga kapatid na Kristiyano, at lagi siyang may oras para sa sinuman na gustong makasama siya o kaya’y humingi ng payo o tulong niya. Kahit ilang taon na ang lumipas, naaalala pa rin ng mga kapatid ang pagiging mapagpatuloy at palakaibigan niya, pati na ang mga pampatibay-loob niya mula sa Bibliya.
Naiwan ng ating mahal na kapatid at kaibigan ang kaniyang asawa, anim na anak, mga apo, at mga apo sa tuhod. Marami rin siyang naging espirituwal na anak. Isang pahayag para kay Brother Pierce ang ibinigay ni Mark Sanderson, isa ring miyembro ng Lupong Tagapamahala, noong Sabado, Marso 22, 2014, sa Brooklyn Bethel. Binanggit niya ang makalangit na pag-asa ni Brother Pierce at binasa ang sinabi ni Jesus: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tirahan. . . . Kung ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling darating at tatanggapin ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumoon din kayo. At kung saan ako paroroon ay alam ninyo ang daan.”—Juan 14:2-4.
Talagang mami-miss natin si Brother Pierce. Pero nagagalak tayo dahil ‘alam na niya ang daan’ patungo sa kaniyang permanenteng “tirahan.”