Hayaang Patibayin at Ingatan ni Jehova ang Inyong Pagsasama
“Malibang si Jehova ang magbantay sa lunsod, walang kabuluhan ang pananatiling gising ng bantay.”
1, 2. (a) Paano naiwala ng 24,000 Israelita ang kamangha-manghang mga pagpapala? (b) Paano makatutulong sa atin ang pangyayaring iyon?
NOONG malapit nang pumasok sa Lupang Pangako ang bansang Israel, libo-libong lalaki ang nagkasala ng “imoral na pakikipagtalik sa mga anak na babae ng Moab.” Bilang resulta, 24,000 ang pinuksa ni Jehova. Isip-isipin na lang, abot-kamay na ng mga Israelita ang pinakaaasam nilang mana, pero naiwala nila ang kamangha-manghang mga pagpapala dahil nagpadala sila sa tukso.
2 Ang masaklap na pangyayaring iyon ay iniulat “bilang babala sa atin na dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.” (1 Cor. 10:6-11) Ngayon, sa dulo ng “mga huling araw,” ang mga lingkod ng Diyos ay halos nasa pintuan na ng matuwid na bagong sanlibutan. (2 Tim. 3:1; 2 Ped. 3:13) Pero nakalulungkot, hindi naging mapagbantay ang ilang mananamba ni Jehova. Nasilo sila ng imoralidad at inani nila ang mapapait na bunga nito. Baka maiwala pa nga nila ang walang-hanggang mga pagpapala.
3. Bakit kailangan ng mga mag-asawa ang patnubay at proteksiyon ni Jehova? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
3 Dahil laganap ang imoralidad ngayon, kailangan ng mag-asawa ang patnubay at proteksiyon ni Jehova para hindi mawalan Awit 127:1.) Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano mapatitibay ng mag-asawa ang kanilang pagsasama. Kailangan nilang ingatan ang kanilang puso, maging malapít sa Diyos, magbihis ng bagong personalidad, panatilihin ang mahusay na komunikasyon, at ibigay ang kaukulan ng isa’t isa.
ng kabuluhan ang pagsisikap nilang ingatan ang kanilang pagsasama. (Basahin angINGATAN ANG INYONG PUSO
4. Bakit natuksong gumawa ng imoralidad ang ilang Kristiyano?
4 Paano posibleng matukso sa imoralidad ang isang Kristiyano? Karaniwan nang nagsisimula ito sa pagtingin. Ipinaliwanag ni Jesus: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mat. 5:27, 28; 2 Ped. 2:14) Marami sa mga nagkasala ng imoralidad ang hindi naging mapagbantay dahil sa panonood ng pornograpya, pagbabasa ng erotikong literatura, o pagtingin sa malalaswang materyal sa Internet. Hinayaan naman ng iba na mahumaling sila sa panonood ng mahahalay na pelikula, stage show, o palabas sa TV. Ang ilan naman ay nagpupunta sa mga nightclub, strip show, o imoral na massage parlor.
5. Bakit kailangan nating ingatan ang ating puso?
5 May mga nahulog sa tukso dahil naghanap sila ng atensiyon sa isa na hindi nila asawa. Sa isang daigdig na walang pagpipigil sa sarili at laganap ang lahat ng klase ng imoralidad, napakadali para sa ating mapandaya at mapanganib na puso na magkaroon ng romantikong damdamin sa isa na hindi natin asawa. (Basahin ang Jeremias 17:9, 10.) Sinabi ni Jesus: “Mula sa puso ay nanggagaling ang mga balakyot na pangangatuwiran, mga pagpaslang, mga pangangalunya, mga pakikiapid.”
6, 7. (a) Ano ang maaaring mangyari kapag tumubo na sa puso ang maling mga pagnanasa? (b) Paano natin maiiwasang magkasala kay Jehova?
6 Kapag ang maling mga pagnanasa ay tumubo na sa puso ng dalawang taong naaakit sa isa’t isa, baka magsimula na silang mag-usap tungkol sa mga bagay na dapat sana’y sa asawa lang nila sinasabi. Pagkatapos, gagawa na sila ng paraan para magkita sila nang mas madalas, at kunwari nagkataon lang ang mga pagkikita nila. Habang tumitindi ang damdamin nila sa isa’t isa, mas nagiging mahirap para sa kanila na gawin ang tama. At sa patuloy na paglalim ng relasyon nila, lalo silang nahihirapang putulin iyon, kahit alam nilang mali ang kanilang ginagawa.
7 Tuluyan na nilang malilimutan ang mga pamantayang moral ni Jehova kapag ang maling mga pagnanasa at pag-uusap ay nauwi sa hawakan ng kamay, halikan, yakapan, hipuan, at iba pang gaya nito, na dapat ay para lang sa mag-asawa. Sa bandang huli, sila ay “nahihila at naaakit” ng kanilang pagnanasa. Ang pagnanasa naman, kapag naglihi na, ay “nagsisilang ng kasalanan”
LAGING MAGING MALAPÍT SA DIYOS
8. Paano makatutulong ang pakikipagkaibigan kay Jehova para huwag tayong makagawa ng imoralidad?
8 Basahin ang Awit 97:10. Ang pakikipagkaibigan kay Jehova ay malaking tulong para huwag tayong makagawa ng imoralidad. Habang natututo tayo tungkol sa magagandang katangian niya, sinisikap nating ‘maging mga tagatulad sa Diyos, bilang mga anak na minamahal, at patuloy na lumakad sa pag-ibig.’ Bilang resulta, tumitibay ang determinasyon nating tanggihan ang “pakikiapid at bawat uri ng karumihan.” (Efe. 5:1-4) Dahil alam ng mga Kristiyanong mag-asawa na “hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya,” sinisikap nilang gawing marangal at walang dungis ang kanilang pagsasama.
9. (a) Paano nalabanan ni Jose ang tuksong gumawa ng imoralidad? (b) Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jose?
9 Naging mahirap para sa ilang Kristiyano na gawin ang tama dahil sa pakikisama sa mga katrabahong di-Saksi pagkatapos ng trabaho. Pero kahit sa panahon ng trabaho, ang isa ay puwede pa ring mapaharap sa tukso. Ang guwapong binatang si Jose ay nasa trabaho nang mahalata niyang may gusto sa kaniya ang misis ng amo niya. Araw-araw siyang inaakit nito. Minsan nga, “sinunggaban siya ng babae sa kaniyang kasuutan, na sinasabi: ‘Sipingan mo ako!’ ” Pero nakatakas si Jose. Ano ang nakatulong kay Jose na maging matatag sa harap ng tukso? Determinado siyang huwag masira ang kaugnayan niya sa Diyos. Dahil sa paninindigan ni Jose, nawalan siya ng trabaho at nakulong kahit walang kasalanan, pero pinagpala siya ni Jehova. (Gen. 39:1-12; 41:38-43) Nasa trabaho man o pribadong lugar, kailangang iwasan ng mga Kristiyano ang mga sitwasyon kung saan puwede silang matukso sa hindi nila asawa.
MAGBIHIS NG BAGONG PERSONALIDAD
10. Paano makatutulong sa mag-asawa ang bagong personalidad para hindi sila makagawa ng imoralidad?
10 Ang bagong personalidad na “nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat” ay malaking tulong sa mag-asawa para hindi sila makagawa ng imoralidad. (Efe. 4:24) Sa pagbibihis ng bagong personalidad, kailangan nating “patayin” ang mga sangkap ng ating katawan “may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan.” (Basahin ang Colosas 3:5, 6.) Ipinakikita ng salitang “patayin” na dapat nating gawin ang lahat para labanan ang imoral na mga pagnanasa. Iiwasan natin ang anumang bagay na pupukaw sa ating magnasa sa hindi natin asawa. (Job 31:1) Habang sinisikap nating mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos, natututo tayong ‘kamuhian ang balakyot’ at ‘kumapit sa mabuti.’
11. Paano mapatitibay ng bagong personalidad ang pagsasama ng mag-asawa?
11 Sa pagbibihis ng bagong personalidad, tinutularan natin ang mga katangian ng “Isa na lumalang nito,” si Jehova. (Col. 3:10) Kung ang mag-asawa ay magpapakita ng “magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis,” titibay ang pagsasama nila at pagpapalain sila ni Jehova. (Col. 3:12) Lalo ring magkakasundo ang mag-asawa kung ‘hahayaan nilang ang kapayapaan ng Kristo ang pumatnubay sa kanilang mga puso.’ (Col. 3:15) At kung may “magiliw na pagmamahal sa isa’t isa” ang mag-asawa, masisiyahan silang “manguna” sa “pagpapakita ng dangal.”
12. Anong mga katangian ang itinuturing mong mahalaga para maging maligaya ang mag-asawa?
12 Nang tanungin kung anong mga katangian ang nakatulong para maging maligaya ang kanilang pagsasama, sinabi ni Sid: “Pag-ibig ang unang-unang katangian na sinisikap naming mapasulong. Nakita rin naming napakahalaga ng kahinahunan.” Sumang-ayon ang misis niyang si Sonja, at nagsabi: “Napakaimportante ng kabaitan. Sinisikap din naming magpakita ng kapakumbabaan, kahit hindi ito laging madali.”
PANATILIHIN ANG MAHUSAY NA KOMUNIKASYON
13. Ano ang isa sa kailangang gawin ng mag-asawa para manatiling matibay ang kanilang pagsasama, at bakit?
13 Para manatiling matibay ang pagsasama ng mag-asawa, napakahalaga ang pag-uusap sa mabait na paraan. Nakalulungkot, may mga taong mas makonsiderasyon pang makipag-usap sa iba o sa kanilang alagang hayop kaysa sa asawa nila! Kung ang pag-uusap ng mag-asawa ay punô ng ‘mapait na saloobin, galit, poot, hiyawan, at mapang-abusong pananalita,’ pahihinain nito ang kanilang pagsasama. (Efe. 4:31) Ang laging pamumuna o pagsasalita ng sarkastiko ay makasisira sa relasyon ng mag-asawa. Kaya kailangan nilang patibayin ang kanilang pagsasama sa pamamagitan ng pagsasalita sa mabait, magiliw, at makonsiderasyong paraan.
14. Ano ang mga dapat nating iwasang gawin?
14 Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtahimik.” (Ecles. 3:7) Hindi naman ibig sabihin nito na hindi na mag-iimikan ang mag-asawa, dahil mahalaga sa mabuting pagsasama ang komunikasyon. Isang asawang babae sa Germany ang nagsabi: “Ang pananahimik ay puwedeng makasakit sa asawa mo.” Pero sinabi rin niya: “Kahit hindi laging madali na manatiling kalmado kapag stress ka, hindi rin naman mabuting magpadala na lang sa galit. ‘Tapos may masasabi ka o magagawa na makakasakit sa asawa mo, na lalo lang magpapalala ng sitwasyon.” Hindi malulutas ng mag-asawa ang kanilang mga problema kung magsisigawan sila o hindi magkikibuan. Mapatitibay nila ang kanilang pagsasama kung aayusin nila agad ang kanilang mga di-pagkakaunawaan at hindi hahayaang mauwi iyon sa paulit-ulit na pagtatalo.
15. Paano mapatitibay ng mahusay na komunikasyon ang pagsasama ng mag-asawa?
15 Tumitibay ang pagsasama ng mag-asawa kapag naglalaan sila ng panahon para sabihin ang kanilang mga iniisip at nadarama. Mahalaga kung ano ang sasabihin mo, pero mahalaga rin kung paano mo iyon sasabihin. Kaya kahit sa mahihirap na sitwasyon, sikaping maging mabait ang tono ng boses Colosas 4:6.) Mapatatatag ng mag-asawa ang kanilang pagsasama kung may mahusay silang komunikasyon anupat gumagamit ng “pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya” sa kanilang asawa.
IBIGAY ANG KAUKULAN NG ISA’T ISA
16, 17. Bakit mahalagang maging sensitibo ang mag-asawa sa emosyonal at seksuwal na pangangailangan ng isa’t isa?
16 Makatutulong din kung uunahin ng isa ang kapakanan ng kaniyang asawa kaysa sa sarili niyang kapakanan. (Fil. 2:3, 4) Kailangang maging sensitibo ang mag-asawa sa emosyonal at seksuwal na pangangailangan ng isa’t isa.
17 Nakalulungkot, may mga mag-asawang ayaw magpakita ng pagmamahal o ng paglalambing sa isa’t isa. Iniisip ng ilang lalaki na kapag magiliw sila sa kanilang asawa, nababawasan ang pagkalalaki nila. Sinasabi ng Bibliya: “Kayong mga lalaki, dapat ninyong pagsikapang unawain ang inyu-inyong asawang kasama ninyo sa buhay.” (1 Ped. 3:7, Phillips) Kailangang maintindihan ng asawang lalaki na ang pagbibigay ng kaukulan sa asawa ay hindi lang nagsasangkot ng pagtatalik. Dapat siyang magpakita ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kaniyang asawa sa lahat ng panahon. Sa gayon, mas malamang na maging kasiya-siya sa kaniyang asawa ang kanilang seksuwal na ugnayan. Kapag parehong nagpapakita ng pag-ibig at konsiderasyon ang mag-asawa, mas masasapatan nila ang iba pang emosyonal at pisikal na pangangailangan ng isa’t isa.
18. Paano mapatitibay ng mag-asawa ang kanilang pagsasama?
18 Totoong mali ang magtaksil sa asawa, pero kung hindi magpapakita ng pagmamahal at paglalambing sa isa’t isa ang mag-asawa, baka hanapin nila ito sa iba. (Kaw. 5:18; Ecles. 9:9) Kaya pinapayuhan ng Bibliya ang mag-asawa: “Huwag ipagkait [ang kaukulan] sa isa’t isa, malibang may pinagkasunduan sa loob ng isang takdang panahon.” Bakit? “Upang si Satanas ay hindi laging makapanukso sa inyo dahil sa inyong kawalan ng [pagpipigil] sa sarili.” (1 Cor. 7:5) Nakalulungkot nga kung hahayaan ng mag-asawa na samantalahin ni Satanas ang kawalan nila ng pagpipigil sa sarili anupat matukso ang sinuman sa kanila at magtaksil. Kung uunahin ng asawang lalaki at ng asawang babae “hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan” kundi ang sa kaniyang asawa at ibibigay ang kaukulan ng isa’t isa, dahil sa pagmamahal at hindi dahil sa obligasyon, mapatitibay nito ang kanilang pagsasama.
PATULOY NA INGATAN ANG INYONG PAGSASAMA
19. Ano ang dapat na maging determinasyon natin, at bakit?
19 Napakalapit na natin sa bagong sanlibutan. Kaya napakasaklap nga kung magpapadala tayo sa makalamang pagnanasa gaya ng nangyari sa 24,000 Israelita sa Kapatagan ng Moab. Matapos ilarawan ang kahiya-hiya at kalunos-lunos na pangyayaring iyon, nagbabala ang Bibliya: “Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.” (1 Cor. 10:12) Kaya naman napakahalagang patibayin natin ang ating buhay may-asawa sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa ating Ama sa langit at sa ating asawa. (Mat. 19:5, 6) Ngayon higit kailanman, kailangan nating ‘gawin ang ating buong makakaya upang sa wakas ay masumpungan niya tayong walang batik at walang dungis at nasa kapayapaan.’