Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Russia
NOONG 1991, tuwang-tuwa ang mga Saksi ni Jehova sa Russia nang alisin ang matagal nang pagbabawal sa kanilang gawain at kilalanin sila bilang isang opisyal na relihiyon. Nang panahong iyon, sino ang mag-iisip na aabot nang mga 170,000 ang mga Saksi roon ngayon! Ang ilan sa masisipag na mangangaral na ito ng Kaharian ay mga Saksi mula sa ibang bansa na lumipat sa Russia para tumulong sa espirituwal na pag-aani. (Mat. 9:37, 38) Kilalanin natin sila.
MGA BROTHER NA HANDANG TUMULONG PARA PATIBAYIN ANG MGA KONGREGASYON
Nang taóng alisin ang pagbabawal sa Russia, si Matthew na mula sa Great Britain ay 28 anyos. Sa isang kombensiyon nang taóng iyon, idiniin sa isang pahayag na nangangailangan ng tulong ang mga kongregasyon sa Eastern Europe. Bilang halimbawa, binanggit ng tagapagsalita ang isang kongregasyon sa St. Petersburg, Russia, na isa lang ang ministeryal na lingkod at walang elder. Pero daan-daan ang Bible study ng mga kapatid! “Pagkatapos ng pahayag na iyon,” ang sabi ni Matthew, “hindi na maalis sa isip ko ang Russia, kaya espesipiko kong ipinanalangin kay Jehova na gusto kong lumipat doon.” Nag-ipon si Matthew, ibinenta ang karamihan sa kaniyang ari-arian, at lumipat sa Russia noong 1992. Ano ang naging resulta?
“Naging hamon sa akin ang wika,” ang sabi ni Matthew. “Nahirapan akong makipag-usap tungkol sa espirituwal na mga bagay.” Problema rin ang matutuluyan. “Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong lumipat ng apartment nang biglaan.” Sa kabila ng mga problemang iyon, sinabi ni Matthew: “Ang paglipat ko sa Russia ang pinakamagandang desisyong ginawa ko.” Ipinaliwanag niya: “Nang maglingkod ako rito, natutuhan kong higit na umasa kay Jehova, at damang-dama kong ginabayan niya ako sa maraming paraan.” Nang maglaon, naging elder at special pioneer si Matthew. Naglilingkod siya ngayon sa tanggapang pansangay malapit sa St. Petersburg.
Noong 1999, sa edad na 25, nagtapos si Hiroo sa Ministerial Training School sa Japan. Pinatibay siya ng isa sa mga instruktor na maglingkod sa banyagang teritoryo. Nabalitaan ni Hiroo na malaki ang
pangangailangan sa Russia, kaya nag-aral siya ng wikang Russian. May iba pa siyang ginawa. “Pumunta ako sa Russia. Anim na buwan ako roon,” ang kuwento niya. “Matindi ang taglamig doon kaya Nobyembre ako pumunta para malaman kung makakaya ko ang lamig.” Nakaya ni Hiroo ang lamig, at bumalik siya sa Japan. Namuhay siya nang simple para makaipon, makabalik sa Russia, at doon na manirahan.Labindalawang taon na ngayong naninirahan sa Russia si Hiroo at marami na siyang napaglingkurang kongregasyon. Kung minsan, siya lang ang elder sa kongregasyon na may mahigit 100 mamamahayag. Sa isang kongregasyon naman, linggo-linggo, siya ang gumaganap sa karamihan ng mga bahagi sa Pulong sa Paglilingkod, at siya ang nangangasiwa sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, Pag-aaral sa Bantayan, at sa limang iba’t ibang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Marami rin siyang ginagawang pagdalaw para magpastol. Tungkol sa mga taóng iyon, sinabi ni Hiroo: “Napakasayang makatulong sa mga kapatid at makitang tumitibay sila sa espirituwal.” Paano nakaapekto sa kaniya ang paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan? Sinabi niya: “Bago ako pumunta sa Russia, elder ako at payunir, pero pakiramdam ko, nagbago at naging ibang-iba ang kaugnayan ko kay Jehova mula nang lumipat ako rito. Mas natuto akong umasa kay Jehova sa lahat ng aspekto ng buhay ko.” Noong 2005, napangasawa ni Hiroo si Svetlana at patuloy silang nagpayunir.
Si Matthew, edad 34, at ang kapatid niyang si Michael, edad 28, ay mula sa Canada. Nang pumunta sila sa Russia, humanga sila nang makita nilang maraming interesado ang dumadalo sa pulong pero iilang brother lang ang nangangasiwa. Sinabi ni Matthew: “Sa pinuntahan kong kongregasyon, 200 ang dumalo, pero isang elder lang na may-edad na at isang kabataang ministeryal na lingkod ang nangasiwa sa lahat ng pulong. Nadama ko na gusto kong lumipat doon at tumulong sa mga brother na iyon.” Lumipat siya sa Russia noong 2002.
Makalipas ang apat na taon, lumipat din si Michael sa Russia. Nakita niyang kailangang-kailangan pa rin doon ang mga brother. Bilang ministeryal na lingkod, siya ang nag-aasikaso sa accounts, literatura, at teritoryo. Inaatasan din siya ng trabaho na karaniwang ginagawa ng kalihim ng kongregasyon. Nagbibigay siya ng mga pahayag pangmadla at tumutulong sa pag-oorganisa ng mga asamblea at pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Hanggang ngayon, malaking tulong pa rin ang kailangan ng mga kongregasyon. Mahirap mag-asikaso ng napakaraming gawain, pero sinabi ni Michael, na elder na ngayon: “Masayang-masaya ako sa pagtulong sa mga kapatid. Ito ang pinakamagandang magagawa ko sa aking buhay!”
Nang maglaon, napangasawa ni Matthew si Marina, at napangasawa naman ni Michael si Olga. Silang apat ay patuloy na tumutulong sa mga kongregasyon, kasama ng maraming iba pang boluntaryo.
MASISIGASIG NA SISTER NA TUMULONG SA PAG-AANI
Noong 1994, nang 16 anyos pa lang si Tatyana, anim na special pioneer mula sa Czech Republic, Poland, at Slovakia ang naglingkod sa kongregasyon nila sa Ukraine. Hindi sila malimutan ni Tatyana, sinabi niya: “Masisigasig silang payunir, madaling lapitan, at mababait. Ang dami nilang alam sa Bibliya.” Nakita ni Tatyana kung paano pinagpala ni Jehova ang pagsasakripisyo nila, at naisip niya, ‘Gusto kong maging gaya nila.’
Talagang napatibay si Tatyana sa halimbawa ng mga payunir na iyon. Tuwing bakasyon sa eskuwela, sumasama siya sa mga kapatid na nagpupunta sa mga teritoryo sa Ukraine at Belarus na hindi pa napapangaralan ng mga Saksi. Gustong-gusto niya iyon, kaya naman pinlano niyang lumipat sa Russia para palawakin ang kaniyang ministeryo. Una, pumunta siya sandali sa Russia para dalawin ang isang tagaibang bansang sister na lumipat doon at para maghanap ng trabaho na susuporta sa kaniyang pagpapayunir. At
noong 2000, lumipat si Tatyana sa Russia. Nahirapan ba siya?Sinabi ni Tatyana: “Hindi ko kayang umupa ng sarili kong apartment kaya umupa na lang ako ng isang kuwarto sa bahay ng iba. Hindi iyon madali. May mga panahong gusto ko nang bumalik sa amin. Pero lagi akong tinutulungan ni Jehova na makitang makikinabang ako kung ipagpapatuloy ko ang paglilingkod doon.” Sa ngayon, misyonera na si Tatyana sa Russia. Sinabi niya: “Sa mga taóng malayo ako sa sarili kong bansa, nagkaroon ako ng mga karanasang di-matutumbasan ng anumang halaga at ng maraming kaibigan. Higit sa lahat, tumibay ang pananampalataya ko.”
Gustong-gusto ni Masako, mula sa Japan at ngayo’y mahigit nang 50 anyos, na maglingkod bilang misyonera. Pero dahil sa problema sa kalusugan, parang imposibleng magawa niya iyon. Nang medyo bumuti ang kaniyang kalusugan, nagdesisyon siyang lumipat sa Russia para tumulong sa gawaing pag-aani. Mahirap makakita roon ng maayos na matutuluyan at matatag na trabaho, pero nagturo siya ng wikang Japanese at nagtrabaho bilang tagapaglinis kaya nasuportahan niya ang kaniyang pagpapayunir. Ano ang nakatulong sa kaniya na magpatuloy sa ministeryo?
Makalipas ang mahigit 14 na taóng paglilingkod sa Russia, sinabi ni Masako: “Masayang-masaya ako sa ministeryo. Sulit ang anumang hirap na pinagdaanan ko. Naging makulay at makabuluhan ang buhay ko dahil sa pangangaral sa mga lugar kung saan kailangang-kailangan ng mga tagapaghayag ng Kaharian.” Sinabi pa niya: “Para sa akin, isang himala ngayon na maranasan mismo kung paano ako pinaglaanan ni Jehova ng pagkain, damit, at matutuluyan sa nakalipas na mga taon.” Bukod sa paglilingkod sa Russia, tumulong din si Masako sa gawaing pag-aani sa Kyrgyzstan. Nakatulong din siya sa mga grupong nagsasalita ng Ingles, Chinese, at Uighur. Sa ngayon, nagpapayunir siya sa St. Petersburg.
MGA PAMILYANG SUMUPORTA AT PINAGPALA
Dahil sa di-matatag na ekonomiya, kadalasan nang ang mga pamilya ay lumilipat sa ibang bansa para umalwan ang buhay. Pero gaya nina Abraham at Sara, may mga pamilyang nanirahan sa ibang bansa dahil sa espirituwal na mga tunguhin. (Gen. 12:1-9) Tingnan natin ang karanasan ng mag-asawang Mikhail at Inga na mula sa Ukraine. Noong 2003, lumipat sila sa Russia. Agad silang nakakita ng mga taong naghahanap ng katotohanan mula sa Bibliya.
Ikinuwento ni Mikhail: “Minsan, nangaral kami sa isang lugar na hindi pa napupuntahan ng mga Saksi. Isang may-edad nang lalaki ang nagbukas ng pinto at nagtanong, ‘Mángangarál ba kayo?’ Nang sabihin naming oo, sinabi niya: ‘Sabi ko na nga ba’t darating kayo. Imposibleng hindi matupad ang sinabi ni Jesus.’ Pagkatapos, sinipi niya ang Mateo 24:14.” Idinagdag pa ni Mikhail: “Sa lugar ding ’yon, may nakilala kaming mga 10 babaeng Baptist na talagang naghahanap ng katotohanan. May aklat na silang Mabuhay Magpakailanman at ginagamit nila ito sa pag-aaral ng Bibliya linggo-linggo. Inabot kami nang maraming oras sa pagsagot sa mga tanong nila. Kumanta kami ng mga awiting pang-Kaharian at sama-samang naghapunan. Isa iyon sa pinakamagagandang alaala namin.” Sinabi nina Mikhail at Inga na dahil sa paglilingkod nila sa mga lugar na malaki ang pangangailangan sa mamamahayag ng Kaharian, lalo silang napalapít kay Jehova, lumalim ang pag-ibig nila sa mga tao, at naging kasiya-siya at makabuluhan ang kanilang buhay. Naglilingkod sila ngayon sa gawaing pansirkito.
Noong 2007, dumalaw sa tanggapang pansangay sa Russia ang mag-asawang sina Yury at Oksana, na mula sa Ukraine at mga 35 anyos na ngayon. Kasama rin nila ang kanilang anak na si Aleksey, na ngayon ay 13 anyos na. Nakita nila roon ang isang mapa ng Russia na may malalaki pang teritoryo na di-nakaatas. “Nang makita namin ang mapa,” ang sabi ni Oksana, “noon lang namin naisip na malaki ang pangangailangan sa mga mangangaral ng Kaharian. Nakatulong iyon para magdesisyon kaming lumipat sa Russia.” Ano pa ang nakatulong sa kanila? Sinabi ni Yury: “Ang pagbabasa ng mga artikulo sa mga publikasyon natin, gaya ng ‘Makapaglilingkod Ka Ba sa Isang Banyagang Lupain?’ ay malaking tulong. * Pinuntahan namin ang lugar sa Russia na iminungkahi ng sangay na puwede naming lipatan at naghanap kami ng bahay at trabaho.” Noong 2008, lumipat sila sa Russia.
Sa umpisa, nahirapan silang makakita ng trabaho, at ilang beses din silang nagpalipat-lipat ng apartment. Sinabi ni Yury: “Madalas naming ipinananalangin na huwag kaming masiraan ng loob, tapos patuloy lang kami sa pangangaral habang nagtitiwalang tutulungan kami ni Jehova. Naranasan namin kung paano tayo inaalalayan ni Jehova kapag inuuna natin ang kapakanan ng kaniyang Kaharian. Tumibay ang aming pamilya dahil sa paglilingkod na ito.” (Mat. 6:22, 33) Ano naman ang epekto kay Aleksey? “Nakabuti ito sa kaniya,” ang sabi ni Oksana. “Inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova at nagpabautismo sa edad na siyam. Nakikita niyang malaki ang pangangailangan sa mga mangangaral ng Kaharian, kaya nag-o-auxiliary pioneer siya tuwing bakasyon sa eskuwela. Maligayang-maligaya kami kapag nakikita namin ang pagmamahal at sigasig niya sa ministeryo.” Sa ngayon, special pioneer sina Yury at Oksana.
“SAYANG”
Malinaw na makikita sa mga sinabi ng mga mang-aaning ito na kailangang buo ang tiwala mo kay Jehova kapag lumipat ka sa ibang lugar para palawakin ang iyong ministeryo. Totoong maraming naging hamon sa bago nilang teritoryo, pero masidhing kagalakan naman ang kapalit nito kapag naibabahagi nila ang mabuting balita sa mga taong tumutugon sa mensahe ng Kaharian. Makakatulong ka ba sa pag-aani sa mga lugar na malaki pa ang pangangailangan sa mamamahayag ng Kaharian? Kung gagawin mo iyan, maaaring masabi mo rin ang nasabi ni Yury tungkol sa desisyon niyang maglingkod sa lugar na mas malaki ang pangangailangan: “Sayang at hindi ko ito agad ginawa.”
^ par. 20 Tingnan ang Bantayan, Oktubre 15, 1999, pahina 23-27.