Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang katibayan na mabilis na nasakop ang sinaunang lunsod ng Jerico?
Ayon sa Josue 6:10-15, 20, ang hukbo ng mga Israelita ay nagmartsa sa palibot ng Jerico isang beses sa isang araw sa loob ng anim na araw. Nang ikapitong araw, pitong ulit silang nagmartsa sa palibot ng lunsod, at pinangyari ng Diyos na bumagsak ang matibay na pader ng Jerico. Dahil dito, madaling napasok ng mga Israelita ang Jerico at nasakop ito. Sinusuportahan ba ng arkeolohikal na ebidensiya ang sinasabi ng Bibliya na mabilis na nasakop ang Jerico?
Noon, karaniwan nang kinukubkob ng mga sumasalakay ang isang napapaderang lunsod. Gaano man katagal abutin ang pagkubkob, kapag nasakop na nila ang lunsod, sasamsamin pa rin nila ang lahat ng kayamanan nito, pati na ang natitirang pagkain. Pero ang mga arkeologo ay nakasumpong ng napakaraming suplay ng pagkain sa mga guho ng Jerico. Tungkol dito, sinasabi ng Biblical Archaeology Review: “Ang pinakamaraming bagay na nasumpungan sa kaguhuan, bukod sa mga kagamitang luwad, ay mga butil. . . . Kakaiba ang ganitong ulat sa kasaysayan ng arkeolohiya ng Palestina. Maaaring makasumpong ng isa o dalawang sisidlan, pero ang makasumpong ng gayon karaming butil ay di-pangkaraniwan.”
Ayon sa ulat ng Bibliya, may dahilan kung bakit hindi sinamsam ng mga Israelita ang mga butil sa Jerico. Ipinagbawal iyon ni Jehova. (Jos. 6:17, 18) Tagsibol nang sumalakay ang mga Israelita at katatapos lang ng anihan kaya napakaraming suplay ng butil. (Jos. 3:15-17; 5:10) Sa dami ng butil na nasumpungan sa Jerico, masasabi na talagang mabilis itong nasakop ng mga Israelita, gaya ng inilalarawan ng Bibliya.