Maging Malapít sa Diyos
Mahalaga Tayo sa Mata ng Diyos
MAAARING ‘hatulan tayo ng ating puso.’ Ipinakikita ng mga salitang ito sa Bibliya na kung minsan, maaaring sumbatan tayo ng ating puso dahil sa ating mga pagkukulang. Baka nga lagi na lamang nating nadarama na hindi tayo karapat-dapat ibigin at pagmalasakitan ng Diyos. Pero tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso at nakaaalam ng lahat ng mga bagay.” (1 Juan 3:19, 20) Mas kilala tayo ng Diyos kaysa sa pagkakilala natin sa ating sarili. Maaaring ibang-iba ang tingin niya sa atin kaysa sa tingin natin sa ating sarili. Gaano nga ba tayo kahalaga sa Diyos na Jehova—ang tanging persona na makapagsasabi kung gaano talaga kahalaga ang bawat nilalang? Masusumpungan natin ang sagot sa isang nakaaantig na ilustrasyon na ginamit ni Jesus sa dalawang magkaibang pagkakataon.
Minsan, sinabi ni Jesus na “ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga.” (Mateo 10:29, 31) Ayon sa Lucas 12:6, 7, sinabi rin ni Jesus: “Ang limang maya ay ipinagbibili sa dalawang barya na maliit ang halaga, hindi ba? Gayunma’y walang isa man sa kanila ang nalilimutan sa harap ng Diyos. . . . Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.” Itinuturo sa atin ng simple subalit mapuwersang ilustrasyon na ito kung ano ang tingin ni Jehova sa bawat isa sa kaniyang mga mananamba.
Ang mga maya ay ilan sa pinakamurang ibon na ipinagbibili bilang pagkain noon. Tiyak na napagmasdan ni Jesus ang dukhang mga babae—marahil maging ang kaniyang ina—habang namimili ng maliliit na ibong ito sa pamilihan upang may maihain sa kanilang pamilya. Sa isang assarion lamang—isang barya na wala pang dalawang piso sa kasalukuyang halaga—dalawang maya na ang mabibili. Napakamura ng mga ibong ito anupat sa dalawang barya, hindi lamang apat ang mabibili kundi lima—may libreng isa.
Ipinaliwanag ni Jesus na walang isa mang maya ang “nalilimutan sa harap ng Diyos” o nahuhulog “sa lupa nang hindi nalalaman ng . . . Ama.” (Mateo 10:29) Kapag may mayang nahuhulog sa lupa, ito man ay nasaktan o dumapo upang maghanap ng makakain, nakikita ito ni Jehova. Bagaman maliliit at tila walang halaga ang mga ibon na ito, nilalang sila ni Jehova at hindi niya kinalilimutan ang mga ito. Sa katunayan, mahalaga sa kaniya ang mga maya sapagkat buháy na nilalang ang mga ito. Nakuha mo ba ang punto ng ilustrasyon ni Jesus?
Sa pagtuturo ni Jesus, madalas siyang gumamit ng mga paghahambing, anupat bumabanggit ng simpleng mga punto at saka ipinakikita kung paano kumakapit ang mga ito sa mas mahahalagang bagay. Halimbawa, sinabi rin ni Jesus: “Ang mga uwak ay hindi naghahasik ng binhi ni gumagapas, at wala silang bangan ni kamalig man, at gayunma’y pinakakain sila ng Diyos. Gaano pa ngang higit ang halaga ninyo kaysa sa mga ibon?” (Lucas 12:24) Mas malinaw na ngayon ang aral sa ilustrasyon ni Jesus hinggil sa mga maya: Yamang nagmamalasakit si Jehova sa maliliit na ibong ito, lalo pa ngang higit na magmamalasakit siya sa mga taong umiibig at sumasamba sa kaniya!
Ipinakikita ng mga salitang ito ni Jesus na hindi natin dapat isipin na wala tayong anumang halaga, anupat hindi tayo mapapansin o pagmamalasakitan ng Diyos na “mas dakila kaysa sa ating mga puso.” Hindi ba’t nakaaaliw malaman na mahalaga tayo sa mata ng Maylalang kahit hindi gayon ang tingin natin sa ating sarili?
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Sparrows: © ARCO/D. Usher/age fotostock