Pagpapalaki ng mga Anak sa Isang Kunsintidor na Daigdig
Pagpapalaki ng mga Anak sa Isang Kunsintidor na Daigdig
MAY napagmasdan ka na bang bata na nangungulit sa kaniyang nanay na ibili siya ng laruan? O isang bata na nagpipilit pa ring tumakbu-takbo at maglaro kahit sinabihan na siya ng kaniyang tatay na “Diyan ka lang”? Sa ganitong mga situwasyon, alam mong kapakanan lamang ng bata ang iniisip ng magulang. Pero kadalasang nagpapadala rin ang magulang. Dahil sa walang-tigil na pagmamaktol ng bata, ang hindi ng magulang ay nagiging oo.
Iniisip ng marami na mabuting magulang sila kung lagi nilang pagbibigyan ang halos lahat ng maibigan ng kanilang anak. Halimbawa, sa Estados Unidos, 750 bata na edad 12 hanggang 17 ang sinurbey. Nang tanungin sila kung ano ang ginagawa nila kapag tutol ang kanilang magulang sa gusto nila, halos 60 porsiyento ang nagsabing hindi sila tumitigil sa pangungulit. Sinasabi ng mga 55 porsiyento ng mga bata na madalas umubra ang taktikang ito. Baka iniisip ng kanilang mga magulang na tanda ng pag-ibig ang gayong pangungunsinti, pero gayon nga ba?
Isaalang-alang ang matalinong kasabihang ito mula sa Bibliya: “Kung pinalalayaw ng isa ang kaniyang lingkod mula pa sa pagkabata, siya ay magiging walang utang na loob sa dakong huli ng kaniyang buhay.” (Kawikaan 29:21) Oo nga’t hindi lingkod ang isang bata, pero hindi ka ba sasang-ayon na kapit ang simulaing ito sa pagpapalaki ng mga anak? Kapag pinalalaki sa layaw ang mga bata, anupat ibinibigay sa kanila ang lahat ng kanilang gusto, maaaring lumaki silang “walang utang na loob”—matigas ang ulo at walang pagpapahalaga.
Sa kabaligtaran, pinapayuhan ng Bibliya ang mga magulang: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya.” (Kawikaan 22:6) Sinusunod ng matatalinong magulang ang tagubiling ito, anupat nagtatakda at nagpapatupad ng malinaw, hindi pabagu-bago, at makatuwirang mga tuntunin. Alam nilang hindi tanda ng pag-ibig ang pangungunsinti; hindi rin sila nagpapadala sa pangungulit, pagmamaktol, at pag-aalboroto ng mga bata. Sa halip, sumasang-ayon sila sa matalinong payo ni Jesus: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi.” (Mateo 5:37) Pero ano nga ba ang nasasangkot sa pagsasanay sa mga bata? Talakayin natin ang isang mabisang ilustrasyon.
“Tulad ng mga Palaso sa Kamay”
Idiniriin ng isang ilustrasyon sa Bibliya ang kahalagahan ng patnubay ng mga magulang sa mga anak. Ganito ang sinasabi sa Awit 127:4, 5: “Tulad ng mga palaso sa kamay ng makapangyarihang lalaki, gayon ang mga anak ng kabataan. Maligaya ang matipunong lalaki na ang kaniyang talanga ay pinunô niya ng mga iyon.” Kaya ang mga anak ay itinutulad sa mga palaso, at ang mga magulang naman ay sa isang makapangyarihang mandirigma. Kung paanong alam ng isang mamamana na hindi tsambahan ang pagpapatama sa target, alam din ng mapagmahal na mga magulang na hindi tsambahan ang pagpapalaki sa mga anak. Gusto nilang tumama sa “target”—lumaking maligaya at responsable—ang kanilang mga anak. Nais nilang ang kanilang mga anak ay makagawa ng mahuhusay na pagpapasiya, maging matalino upang hindi masuong sa mga problema, at makaabot ng kapaki-pakinabang na mga tunguhin. Pero hindi sapat na hangarín lamang ng mga magulang ang mga bagay na ito para sa kanilang mga anak.
Ano ang kailangan para tumama sa target ang palaso? Kailangan itong ihandang mabuti, pakaingatan, saka iasinta at pahilagpusin nang tama. Sa katulad na paraan, ang mga bata ay kailangan ding ihanda, ingatan, at gabayan sa tamang direksiyon para lumaki silang matagumpay. Isa-isa nating talakayin ang tatlong bagay na ito na nasasangkot sa pagpapalaki ng mga anak.
Ihandang Mabuti ang Palaso
Maingat ang ginagawang paghahanda sa mga palasong ginagamit ng mga mamamana noong panahon ng Bibliya. Manu-manong ginagawa ang tagdan nito, na yari sa magaan na kahoy. Kailangang tuwid na tuwid ang tagdan at matulis ang dulo nito. Ang kabilang dulo naman ng tagdan ay nilalagyan ng balahibo para hindi ito lumihis ng direksiyon kapag pinahilagpos.
Gusto ng mga magulang na maging gaya ng tuwid na mga palasong iyon ang kanilang mga anak—matuwid at hindi lumilihis. Kaya ang matatalinong magulang ay hindi nagbubulag-bulagan sa malulubhang pagkakamali ng kanilang mga anak. Sa halip, maibigin nilang tinutulungan ang mga bata na maituwid at mapagtagumpayan ang mga ito. Isang hamon ito para sa mga magulang, sapagkat “ang kamangmangan ay nakatali sa puso ng [sinumang] bata.” (Kawikaan 22:15) Kaya pinapayuhan ng Bibliya ang mga magulang na disiplinahin ang kanilang mga anak. (Efeso 6:4) Talagang may mahalagang papel ang disiplina sa paghubog at pagtutuwid sa pag-iisip at pagkatao ng mga anak.
Kung gayon, hindi nga kataka-takang sabihin ng Kawikaan 13:24: “Ang nag-uurong ng kaniyang pamalo ay napopoot sa kaniyang anak, ngunit ang umiibig sa kaniya ay yaong humahanap sa kaniya taglay ang disiplina.” Sa tekstong ito, kumakatawan ang pamalong pandisiplina sa anumang paraan ng pagtutuwid. Sa pamamagitan ng maibiging disiplina, sinisikap ng isang magulang na ituwid ang mga pagkakamali, na kung basta hahayaan na lamang ay magdudulot ng hapis sa bata kapag lumaki na ito. Talaga ngang katumbas ng pagkapoot ang pag-uurong ng gayong disiplina; tanda naman ng pag-ibig ang paglalapat nito.
Ipinauunawa rin ng isang maibiging magulang ang dahilan sa likod ng bawat tuntuning ibinibigay nila. Kaya hindi lamang basta pag-uutos at pagpaparusa ang nasasangkot sa pagdidisiplina. Ang mas mahalaga’y mabigyan ang mga anak ng kaunawaan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang anak na may unawa ay tumutupad ng kautusan.”—Kawikaan 28:7.
Ang mga balahibong inilalagay ng isang mamamana sa kaniyang palaso ay nakatutulong para lumipad ito nang deretso matapos pahilagpusin. Sa katulad na paraan, ang mga turo ng Bibliya mula sa Tagapagpasimula ng kaayusan sa pamilya ay maaaring dala-dala pa rin ng mga anak kahit nakabukod na ang mga ito, anupat pakikinabangan nila nang habambuhay. (Efeso 3:14, 15) Pero paano matitiyak ng mga magulang na talagang nakatimo sa kanilang mga anak ang gayong mga turo?
Pansinin ang payo ng Diyos sa mga magulang na Israelita noong panahon ni Moises: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak.” (Deuteronomio 6:6, 7) Kaya dalawang bagay ang kailangang gawin ng mga magulang. Una, kailangang sila muna ang matuto at sumunod sa Salita ng Diyos, anupat iniibig ang Kaniyang mga kautusan. (Awit 119:97) Saka pa lamang nila maikakapit ang ikalawang bahagi ng tekstong iyon—‘ikintal’ ang kautusan ng Diyos sa kanilang mga anak. Nangangahulugan ito na ititimo nila sa puso ng kanilang mga anak ang gayong mga kautusan sa pamamagitan ng mabisang pagtuturo at madalas na pag-uulit.
Hindi totoong makaluma o wala na sa uso ang pagtuturo ng mga simulain ng Bibliya o ang maibiging pagdidisiplina upang ituwid ang malulubhang pagkakamali. Kailangang-kailangan ang mga ito upang maihanda ang mahahalagang “palaso”
na iyon, nang sa gayo’y maging deretso at maayos ang paglaki ng mga ito.Pag-iingat sa Palaso
Balikan natin ang ilustrasyong nakaulat sa Awit 127:4, 5. Binanggit doon na ‘pinunô ng mamamana ang kaniyang talanga’ ng mga palaso. Matapos ihanda ang mga palaso, kailangang ingatan ang mga ito. Kaya inilalagay ito ng mamamana sa talanga, upang hindi ito masira o mabali. Kapansin-pansin na sa hula ng Bibliya, itinulad ang Mesiyas sa pinakinis na palaso na “ikinubli [ng kaniyang Ama] sa kaniyang sariling talanga.” (Isaias 49:2) Talaga namang ipinagsanggalang ng pinakamaibiging Ama, ang Diyos na Jehova, ang kaniyang mahal na Anak na si Jesus mula sa anumang kapahamakan hanggang sa dumating ang takdang panahon para mamatay ang Mesiyas gaya ng inihula. Pero kahit nang mangyari iyon, iningatan pa rin ng Diyos ang kaniyang Anak anupat hindi siya pinabayaan sa libingan, kundi binuhay siyang muli at pinagkalooban ng imortal na buhay sa langit.
Sa katulad na paraan, gusto rin ng mabuting mga magulang na ipagsanggalang ang kanilang mga anak mula sa mga panganib ng masamang sanlibutang ito. Maaaring pinagbabawalan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makibahagi sa mga gawaing maghahantad sa kanila sa mapanganib na mga impluwensiya. Halimbawa, dinidibdib ng matatalinong magulang ang simulaing ito: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Kapag iniingatan ng mga magulang ang kanilang mga anak anupat hindi sila hinahayaang makisama sa mga taong walang paggalang sa pamantayang moral ng Bibliya, malamang na makaiwas ang mga kabataang ito sa mga pagkakamali na maaaring makasira sa kanilang buhay, o ikamatay pa nga nila.
Baka hindi laging maunawaan ng mga anak ang ginagawang pag-iingat sa kanila ng kanilang mga magulang. Maaaring ikasama pa nga nila ito ng loob kung minsan, palibhasa’y karaniwan nang kailangan mong tutulan ang gusto nila para maipagsanggalang sila. Ganito ang komento ng isang iginagalang na awtor ng mga aklat hinggil sa pagpapalaki ng mga anak: “Bagaman hindi nila ito laging sinasabi sa iyo, at malamang na hindi ka nila pasalamatan ngayon, gusto talaga ng mga anak na paglaanan sila ng kanilang mga magulang ng ligtas at matibay na pundasyon sa kanilang buhay. Magagawa natin ito kung gagamitin natin ang ating awtoridad bilang magulang at magtatakda tayo ng mga tuntunin.”
Oo, ang pagsasanggalang sa iyong mga anak mula sa anumang bagay na makapag-aalis ng kanilang kapayapaan, makapagpaparumi ng kanilang isip, at makasisira ng kanilang malinis na katayuan sa harap ng Diyos ay isang mahalagang paraan para ipakita mong iniibig mo sila. Balang-araw, malamang na maunawaan din nila ang iyong motibo, at pasasalamatan nila ang iyong maibiging pangangalaga sa kanila.
Pag-asinta at Pagpapahilagpos sa Palaso
Pansinin na sa Awit 127:4, 5 inihahalintulad ang magulang sa isang “makapangyarihang lalaki.” Nangangahulugan ba ito na mga ama lamang ang matagumpay na makapagsasanay sa mga anak? Hindi naman. Sa katunayan, kumakapit ang ilustrasyong ito kapuwa sa mga ama at ina—pati na rin sa nagsosolong mga magulang. (Kawikaan 1:8) Ipinahihiwatig ng pananalitang “makapangyarihang lalaki” na kailangang ibuhos ng isa ang kaniyang lakas para makapagpahilagpos ng palaso mula sa busog. Noong panahon ng Bibliya, binabalutan kung minsan ng tanso ang busog, at ang isang sundalo ay sinasabing “yumayapak sa busog,” marahil ay tinatapakan ang isang dulo nito upang mahutok ito at makabitan ng bagting. (Jeremias 50:14, 29) Maliwanag na kailangan ang lakas at malaking pagsisikap para mabatak ang banát na banát na bagting at mapahilagpos ang mga palaso patungo sa target!
Kailangan din ang malaking pagsisikap sa pagpapalaki ng mga anak. Hindi sila lálaki nang maayos kung walang papatnubay sa kanila, gaya rin ng palaso na hindi tatama sa target nito kung walang aasinta at magpapahilagpos. Nakalulungkot, maraming magulang ang walang tiyagang magbigay ng kinakailangang pagsasanay sa kanilang mga anak. Ayaw na nilang mahirapan pa, kaya hinahayaan nilang ang telebisyon, paaralan, at ang ibang mga bata ang magturo sa kanilang mga anak hinggil sa moralidad, sekso, at kung ano ang tama at mali. Sinusunod nila ang lahat ng gusto ng kanilang mga anak. At para wala nang argumento, oo na lamang sila nang oo—madalas ay ikinakatuwiran pa nga na ayaw lamang nilang magtampo ang kanilang mga anak. Ang totoo, ang pangungunsinti nila ang talagang magpapahamak sa kanilang mga anak.
Hindi madali ang magpalaki ng mga anak. Talagang kailangan ang malaking pagsisikap para magawa ito nang buong puso gamit ang patnubay na inilalaan ng Salita ng Diyos. Pero sulit naman ang mga pagpapala. Ganito ang sabi ng magasing Parents: “Ipinakikita ng mga pag-aaral . . . na ang mga batang pinalaki ng mga magulang na mapagmahal pero gumagamit ng awtoridad—mga magulang na mabait sa kanilang mga anak pero mahigpit—ay magaling sa klase, marunong makisama, may tiwala sa sarili, at mas masayahin kaysa sa ibang batang ang mga magulang ay alinman sa sobrang luwag o sobrang higpit.”
May isa pang mas mainam na pagpapala. Tinalakay natin kanina ang unang bahagi ng Kawikaan 22:6: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya.” Nakapagpapasigla ang binanggit ng sumunod na bahagi ng talata: “Tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.” Garantiya ba ang kawikaang ito sa Bibliya na magtatagumpay ang mga magulang? Hindi sa lahat ng pagkakataon. Paglaki ng iyong anak, malaya siyang gumawa ng sarili niyang pasiya. Pero may maibiging katiyakan ang tekstong ito para sa mga magulang. Ano iyon?
Kung sasanayin mo ang iyong mga anak ayon sa mga payo ng Bibliya, magkakaroon sila ng napakagandang pagkakataon na maging maliligaya at responsableng mga adulto. (Kawikaan 23:24) Kaya ihanda ang iyong mahahalagang “palaso,” ingatan sila, at sikaping akayin sila sa tamang direksiyon. Hindi mo ito kailanman pagsisisihan.
[Larawan sa pahina 13]
Nagpapakita ba ng pag-ibig ang mga magulang sa kanilang mga anak kung lagi nilang pinagbibigyan ang lahat ng maibigan ng mga ito?
[Larawan sa pahina 15]
Ipinaliliwanag ng isang maibiging magulang ang dahilan sa likod ng bawat tuntuning ibinibigay nila
[Larawan sa pahina 15]
Ipinagsasanggalang ng mabuting mga magulang ang kanilang mga anak mula sa mga panganib ng masamang sanlibutang ito
[Larawan sa pahina 16]
Hindi madali ang magpalaki ng mga anak, pero sulit naman ang mga pagpapala