Hindi Pinaniniwalaan Hangga’t Hindi Nakikita
Hindi Pinaniniwalaan Hangga’t Hindi Nakikita
“Ang isang agnostiko ay naniniwala na imposibleng malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos at ang kinabukasan na siyang paksa ng Kristiyanismo at ng iba pang relihiyon. O kung posible man itong malaman, hindi pa siguro sa ngayon.”—BERTRAND RUSSELL, ISANG PILOSOPO, 1953.
ANG lalaking umimbento ng salitang “agnostiko” ay isang soologo na nagngangalang Thomas Huxley. Si Huxley, isinilang noong 1825, ay kapanahon ni Charles Darwin at sumusuporta sa turo ng ebolusyon. Noong 1863, isinulat ni Huxley na wala siyang makitang katibayan na umiiral ang isang Diyos na “umiibig at nagmamalasakit sa atin gaya ng sinasabi ng Kristiyanismo.”
Sa ngayon, marami ang sasang-ayon sa opinyon ng mga maimpluwensiyang lalaking iyon, anupat nagsasabing maniniwala lamang sila kung makikita nila. Maaaring sabihin nila na ang isang taong basta na lamang naniniwala sa isang persona o isang bagay nang walang katibayan ay nabubulagan.
Sinasabi ba sa Bibliya na basta na lamang tayo maniwala sa Diyos? Hindi. Ipinakikita ng Bibliya na masasabing walang muwang ang isang tao—mangmang pa nga—kung maniniwala siya sa mga sinasabi ng mga tao nang wala namang basehan. “Ang sinumang walang-karanasan ay nananampalataya sa bawat salita,” ang sabi ng Bibliya, “ngunit pinag-iisipan ng matalino ang kaniyang mga hakbang.”—Kawikaan 14:15.
Kung gayon, kumusta naman pagdating sa paniniwala sa Diyos? Mayroon ba talagang katibayan na umiiral ang Diyos, na umiibig at nagmamalasakit pa nga sa atin?
Isiniwalat ang mga Katangian ng Diyos
Habang nakikipag-usap sa isang grupo ng mga edukadong taga-Atenas, sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Pablo na ang Diyos ang “gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto.” Sinabi ni Pablo sa kaniyang mapag-alinlangang mga tagapakinig na interesado ang Diyos sa mga tao, sa katunayan, “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”—Gawa 17:24-27.
Bakit kumbinsido si Pablo na ang Diyos ay umiiral at interesado sa Kaniyang mga nilalang? Sinabi ni Pablo ang isang dahilan nang sumulat siya sa kapuwa niya mga Kristiyano sa lunsod ng Roma. Sinabi niya tungkol sa Diyos: “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa.”—Roma 1:20.
Tatalakayin sa sumusunod na mga pahina ang tatlong katangian ng Diyos na kitang-kita sa kaniyang mga nilalang. Habang sinusuri mo ang mga halimbawang ito, tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang epekto sa akin habang natututuhan ko ang mga katangiang ito ng Diyos?’
[Blurb sa pahina 3]
Hindi sinasabi sa Bibliya na basta na lamang tayo maniwala sa Diyos