Isang ‘Pangalang Hindi Dapat Bigkasin’?
Isang ‘Pangalang Hindi Dapat Bigkasin’?
ANG Gateway Arch malapit sa ilog sa St. Louis, Missouri, ang pinakamataas na monumento sa Estados Unidos. Ito ay may taas na 192 metro. Malapit sa arkong ito ang isang di-kataasang simbahan na karaniwan nang tinatawag na Old Cathedral.
Ganito inilarawan ng The Story of the Old Cathedral, isang buklet na inilathala ng simbahan, ang disenyo ng pasukan ng katedral: “May napakagandang timpano sa ibabaw ng portiko at sa gitna nito makikita ang . . . malalaking Hebreong letrang kinalupkupan ng ginto na kumakatawan sa pangalan ng Diyos na hindi dapat bigkasin.” Gaya ng ipinakikita ng litrato, talagang kapansin-pansin ang apat na Hebreong letra na יהוה (YHWH), o ang Tetragrammaton, na kumakatawan sa pangalan ng Diyos.
Nang itayo ang katedral noong 1834, tiyak na iniisip ng mga miyembro ng diyosesis ng St. Louis na ang pangalan ng Diyos na kinakatawanan ng apat na Hebreong letra ay dapat na kitang-kita ng mga tao. Kung gayon, bakit sinabing “hindi dapat bigkasin” ang pangalan ng Diyos?
Ipinaliwanag ng New Catholic Encyclopedia ang nangyari mga ilang panahon pagkatapos makabalik ang mga Judio mula sa kanilang pagkakatapon sa Babilonya noong ikaanim na siglo B.C.E. Sinasabi nito: “Sinimulan nilang ituring ang pangalang Yahweh [ang Tetragrammaton na may kasamang mga patinig] na napakasagrado para bigkasin, at naging kaugalian na palitan ito ng salitang ADONAI [Panginoon] o ELOHIM [Diyos]. . . . Dahil sa kaugaliang ito, unti-unting nalimutan ang wastong pagbigkas sa pangalang Yahweh.” Kaya hindi na ginamit ng mga tao ang pangalan ng Diyos. Sa kalaunan, hindi na nila alam ang eksaktong pagbigkas sa pangalan ng Diyos at hindi na naging posible na bigkasin ito.
Bagaman hindi natin matiyak kung ano ang eksaktong pagbigkas sa pangalan ng Diyos, ang mahalaga ay nagiging malapít tayo sa kaniya kapag ginagamit natin ang kaniyang pangalan. Gusto mo bang tawagin kang “mister” o “miss” ng mga kaibigan mo, o mas gusto mong tawagin ka nila sa iyong pangalan? Kahit iba ang wika nila sa wika mo at hindi nila mabigkas nang eksakto ang iyong pangalan, malamang na mas gusto mong tawagin ka nila sa pangalan mo, hindi ba? Ganiyan din sa Diyos. Gusto niyang gamitin natin ang kaniyang personal na pangalang Jehova.
Sa Tagalog, ang karaniwang nalalamang bigkas sa pangalan ng Diyos ay “Jehova.” Hindi ba angkop lamang na gamitin ng lahat ng umiibig sa Diyos ang personal na pangalang iyan kapag tumatawag sila sa kaniya at sa gayo’y maging malapít sa kaniya? “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo,” ang sabi ng Bibliya.—Santiago 4:8.