Pagiging Born Again—Ikaw ba ang Magpapasiya?
Pagiging Born Again—Ikaw ba ang Magpapasiya?
SINO ang magpapasiya na maging born again ang isa? Kapag hinihimok ng ilang ministro ang kanilang mga tagapakinig na maging mga Kristiyanong born again, sinisipi nila ang mga salita ni Jesus: “Kayo ay dapat na maipanganak muli [o born again].” (Juan 3:7) Ginagawa nilang pautos ang mga salitang iyon na para bang sinasabi nilang “Dapat kang maging born again!” Kaya naman ipinangangaral nila na nasa pagpapasiya ng bawat indibiduwal kung susunod siya kay Jesus at gagawa ng kinakailangang mga hakbang para maging born again. Kung gayon, ang pagiging born again ay isang personal na pasiya. Pero kaayon ba iyan ng sinabi ni Jesus kay Nicodemo?
Kung susuriing mabuti ang mga salita ni Jesus, ipinakikita nito na hindi itinuro ni Jesus na ang bawat tao ang magpapasiya kung siya ay magiging born again. Bakit natin nasabi ito? Ang pananalitang Griego na isinaling “maipanganak muli” o born again ay maaari ding isalin na “dapat maipanganak mula sa itaas.” * Kaya ayon sa saling iyon, ang pagiging born again ay “mula sa itaas”—samakatuwid nga, “mula sa Ama.” (Juan 19:11; Santiago 1:17) Oo, ang Diyos ang magpapasiya.—1 Juan 3:9.
Kung isasaisip natin ang pananalitang “mula sa itaas,” mauunawaan natin na hindi ang indibiduwal ang magpapasiya kung siya ay magiging born again. Kuning halimbawa ang iyong kapanganakan. Ipinanganak ka ba dahil ginusto mo ito? Siyempre hindi! Ipinanganak ka dahil sa iyong ama. Sa katulad na paraan, magiging born again lamang tayo kung ipapasiya ito ng Diyos, ang ating makalangit na Ama. (Juan 1:13) Kaya tama ang pagkakasabi ni apostol Pedro: “Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, sapagkat ayon sa kaniyang dakilang awa ay binigyan niya tayo ng isang bagong pagsilang.”—1 Pedro 1:3.
Utos ba Ito?
Pero baka magtanong ang ilan, ‘Kung totoo ngang hindi ang tao ang magpapasiya kung siya ay magiging born again, bakit iniutos ni Jesus: “Kayo ay dapat na maipanganak muli”?’ Hindi naman maling itanong iyan. Tutal, kung iniutos nga ito ni Jesus, lumilitaw na ipinagagawa niya sa atin ang isang bagay na hindi natin kaya. Hindi makatuwiran iyan. Kung gayon, paano natin uunawain ang pananalitang kayo ay dapat na “maipanganak muli”?
Kung susuriin ang pananalitang iyan sa orihinal na wika, makikitang hindi ito isinulat sa anyong pautos, kundi sa anyong paturol o nagpapahayag ng impormasyon. Kaya nang sabihin ni Jesus na dapat kayong “maipanganak muli,” hindi siya nag-uutos kundi nagsasabi lamang ng impormasyon. Sinabi niya: “Mahalaga na kayo ay maipanganak mula sa itaas.”—Juan 3:7, Modern Young’s Literal Translation.
Bilang halimbawa, isipin ang isang lunsod na maraming paaralan. Ang isa sa mga paaralan ay para sa mga batang katutubo na nakatira malayo sa lunsod. Minsan, isang kabataang lalaki na hindi katutubo ang nagsabi sa prinsipal ng paaralang iyon, “Gusto ko pong pumasok sa inyong paaralan.” Sinabi sa kaniya ng prinsipal, “Para makapasok ka rito, dapat na katutubo ka.” Sabihin pa, hindi inuutusan ng prinsipal ang kabataan na, “Dapat kang maging katutubo!” Sinasabi lamang niya ang impormasyon—ang kahilingan para makapasok sa paaralang iyon. Sa katulad na paraan, nang sabihin ni Jesus: “Kayo ay dapat na maipanganak muli,” sinasabi lamang niya ang impormasyon—ang kahilingan para ‘makapasok ang isa sa kaharian ng Diyos.’
Ang huling binanggit—ang Kaharian ng Diyos—ay may kaugnayan sa isa pang aspekto ng pagiging born again. Hinggil ito sa tanong na, Ano ang layunin nito? Kung alam natin ang sagot sa tanong na iyan, mauunawaan natin nang tumpak ang kahulugan ng pagiging born again.
[Talababa]
^ par. 3 Ito ang salin ng ilang bersiyon ng Bibliya sa Juan 3:3. Halimbawa, sinasabi ng A Literal Translation of the Bible: “Kung ang isa ay hindi ipinanganak mula sa itaas, hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.”
[Larawan sa pahina 6]
Ano ang pagkakatulad ng pagiging born again at ng ating kapanganakan?