Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinisikap Alisin ng Vatican ang Pangalan ng Diyos

Sinisikap Alisin ng Vatican ang Pangalan ng Diyos

Sinisikap Alisin ng Vatican ang Pangalan ng Diyos

SINISIKAP ng herarkiyang Katoliko na alisin ang pangalan ng Diyos sa kanilang mga misa. Noong nakaraang taon, ang Vatican Congregation for Divine Worship and Discipline of the Sacraments ay nagpadala ng mga patakaran hinggil dito sa mga samahan ng mga obispong Katoliko sa buong daigdig. Ito ay ginawa “sa utos” ng papa.

Binatikos ng dokumentong ito, na may petsang Hunyo 29, 2008, ang bagay na sa kabila ng mga patakaran laban sa paggamit ng pangalan ng Diyos, “binibigkas pa rin noong nakaraang mga taon ang personal na pangalan ng Diyos ng Israel, na kilala bilang ang banal na tetragrammaton, na isinulat sa apat na katinig ng alpabetong Hebreo sa anyong יהוה, YHWH.” Sinasabi ng dokumento na ang pangalan ng Diyos ay isinaling “Yahweh,” “Yahwè,” “Jahweh,” “Jahwè,” “Jave,” “Yehovah,” at iba pa. * Gayunman, sa patakarang iyon, gusto ng Vatican na ibalik ang dating paninindigan ng Katoliko​—na ang Tetragrammaton ay palitan ng “Panginoon.” Bukod diyan, “hindi dapat gamitin o banggitin ang [pangalan ng Diyos] YHWH” sa mga misa, awit, at panalanging Katoliko.

Bilang suporta sa paninindigang ito, binabanggit ng dokumento ng Vatican ang “sinaunang tradisyon” ng Katolisismo. Sinasabi ng patakaran na kahit sa saling Septuagint ng Hebreong Kasulatan, bago ang panahong Kristiyano, ang pangalan ng Diyos ay laging isinasaling Kyʹri·os, ang salitang Griego para sa “Panginoon.” Kaya iginigiit ng patakaran na “mula pa noon, hindi rin kailanman binigkas ng mga Kristiyano ang banal na tetragrammaton.” Pero ibang-iba naman ang ipinakikita ng katibayan. Makikita sa sinaunang mga kopya ng Septuagint, hindi ang Kyʹri·os, kundi ang pangalan ng Diyos sa anyong יהוה. Alam ng mga tagasunod ni Kristo noong unang siglo ang pangalan ng Diyos at binigkas ito. Sinabi mismo ni Jesus sa panalangin sa kaniyang Ama: “Ipinakilala ko . . . ang iyong pangalan.” (Juan 17:26) At sa kaniyang kilaláng modelong panalangin, tinuruan tayo ni Jesus na manalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”​—Mateo 6:9.

Dapat na maging hangarin ng lahat ng Kristiyano na mapabanal ang pangalan ng Diyos. Ang mga pagsisikap ng Vatican na alisin ito ay nakasisirang-puri kay Jehova, ang isa na nagsabi: “Ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman.”​—Exodo 3:15, Magandang Balita Biblia.

[Talababa]

^ par. 3 Sa wikang Tagalog, ang anyong “Jehova” ay kilala na sa loob ng maraming taon at ginamit sa mga salin ng Bibliya.

[Blurb sa pahina 30]

‘Ito ang pangalan ko magpakailanman.’​—Exodo 3:15, Magandang Balita Biblia

[Larawan sa pahina 30]

Isang piraso ng “Septuagint” noong unang siglo C.E. Binilugan ang pangalan ng Diyos, na kinakatawan ng apat na titik Hebreo na ang karaniwang transliterasyon ay YHWH

[Credit Line]

Courtesy of the Egypt Exploration Society