Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Turuan ang Iyong mga Anak

Iniwan ni Jehoas si Jehova Dahil sa Masasamang Kasama

Iniwan ni Jehoas si Jehova Dahil sa Masasamang Kasama

MAPANGANIB na panahon noon sa Jerusalem, ang lunsod na kinaroroonan ng templo ng Diyos. Kapapaslang lamang kay Haring Ahazias. Hindi mo maguguniguni kung ano ang ginawa ni Athalia, na kaniyang ina, pagkatapos mapaslang si Ahazias. Ipinapatay ni Athalia ang mga anak ni Ahazias​—ang kaniya mismong mga apo! Alam mo ba kung bakit?​— * Para siya ang mamahala.

Pero nailigtas ang isa sa mga apo ni Athalia, ang sanggol na si Jehoas, at hindi ito alam ng kaniyang lola. Gusto mo bang malaman kung paano siya iniligtas?​— Buweno, ang sanggol na si Jehoas ay itinago ng kaniyang tiya na si Jehosheba sa templo ng Diyos. Magagawa niya ito dahil asawa niya ang mataas na saserdoteng si Jehoiada. Kaya tiniyak nila na si Jehoas ay ligtas.

Sa loob ng anim na taon, si Jehoas ay itinago sa templo. Itinuro sa kaniya roon ang lahat ng tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga batas. Nang si Jehoas ay pitong taóng gulang na, kumilos si Jehoiada upang gawing hari si Jehoas. Gusto mo bang malaman kung ano ang ginawa ni Jehoiada at kung ano ang nangyari sa lola ni Jehoas, ang napakasamang reynang si Athalia?​—

Palihim na tinawag ni Jehoiada ang espesyal na mga tagapagbantay ng hari sa Jerusalem noon. Sinabi niya sa kanila kung paano nila iniligtas ang anak na lalaki ni Haring Ahazias. Saka ipinakita ni Jehoiada si Jehoas sa mga tagapagbantay na iyon, at naisip nila na siya ang may karapatang maghari. Kaya gumawa sila ng plano.

Inilabas ni Jehoiada si Jehoas at kinoronahan siya. “Pinasimulan [ng bayan na] ipalakpak ang kanilang mga kamay at sinabi: ‘Mabuhay ang hari!’” Pinalibutan ng mga tagapagbantay si Jehoas para protektahan siya. Nang marinig ni Athalia ang pagsasayang ito, agad siyang pumaroon at tinutulan ito. Pero iniutos ni Jehoiada sa mga tagapagbantay na patayin si Athalia.​—2 Hari 11:1-16.

Habang nabubuhay si Jehoiada, nakinig si Jehoas sa kaniya at ginawa kung ano ang tama. Tiniyak pa nga ni Jehoas na magbibigay ng pera ang bayan para kumpunihin ang templo ng Diyos, na hindi nagawa ng kaniyang amang si Ahazias, at ng kaniyang lolong si Jehoram. Pero ano ang nangyari pagkamatay ng mataas na saserdoteng si Jehoiada, patuloy ba siyang gumawa ng tama?​— Tingnan natin.​—2 Hari 12:1-16.

Nang panahong iyon, mga 40 taóng gulang na si Jehoas. Sa halip na patuloy na makisama sa mga naglilingkod kay Jehova, nakipagkaibigan si Jehoas sa mga sumasamba sa huwad na mga diyos. Saserdote ni Jehova nang panahong iyon si Zacarias, ang anak ni Jehoiada. Ano kaya ang ginawa ni Zacarias nang malaman niya ang masasamang bagay na ginagawa ngayon ni Jehoas?​—

Sinabi ni Zacarias kay Jehoas: ‘Dahil iniwan mo si Jehova, iiwan ka naman niya.’ Galit na galit si Jehoas kaya iniutos niyang batuhin si Zacarias hanggang mamatay. Isipin mo​—iniligtas noon si Jehoas, pero siya naman ngayon ang nagpapatay kay Zacarias!​—2 Cronica 24:1-3, 15-22.

Anong mga aral ang itinuturo nito sa atin?​— Ayaw nating maging gaya ni Athalia, na malupit at napakasama. Sa halip, dapat nating mahalin ang ating mga kapuwa mananamba at pati na ang ating mga kaaway, gaya ng itinuro sa atin ni Jesus. (Mateo 5:44; Juan 13:34, 35) At tandaan, kung nagsimula tayong gumawa ng mabuti na gaya ni Jehoas, kailangang patuloy tayong makipagkaibigan sa mga umiibig kay Jehova at nagpapasigla sa atin na paglingkuran siya.

^ par. 3 Kung binabasa mo ito sa isang bata, ang mga gatlang ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.