Brooklyn Bethel—100 Taon ng Kasaysayan
ANG 1909 ay isang napakahalagang taon para sa New York City. Binuksan ang Queensboro Bridge, ang tulay na nagdurugtong sa distrito ng Queens at Manhattan, at ang Manhattan Bridge na nagdurugtong naman sa Manhattan at Brooklyn.
Napakahalagang taon din ito para sa mga Saksi ni Jehova. Bago nito, nakita ni Charles Taze Russell, presidente ng Watch Tower Bible and Tract Society, ang legal na korporasyon ng mga Saksi ni Jehova, ang potensiyal na maipangaral nang malawakan ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Naniniwala siya na mangyayari iyon kung ang punong-tanggapan ng Samahan sa Pittsburgh, Pennsylvania ay ililipat sa Brooklyn, New York. Ang plano tungkol dito ay sinimulan noong 1908, at lumipat sila maaga noong sumunod na taon.
Bakit Kailangang Lumipat sa Brooklyn?
Naniniwala ang mga nangunguna sa pangangaral noon na mabisang maipalalaganap ang katotohanan tungkol sa Bibliya sa pamamagitan
ng mga diyaryo. Sa katunayan, noong 1908, ang lingguhang sermon sa Bibliya ni Russell ay mababasa sa 11 diyaryo na may 402,000 pinagsamang sirkulasyon.Gayunman, isinulat ni Russell: “Ang mga kapatid na pamilyar sa paggamit ng mga diyaryo . . . ay tumitiyak sa atin na kung ang mga lingguhang sermon ay magmumula sa isang [kilalang lunsod], posibleng mailathala ang mga sermon sa buong Estados Unidos; anupat sa loob lamang ng isang taon, malamang na regular na ilathala ito ng daan-daang diyaryo.” Kaya naghanap sila ng pinakamagandang lugar para maipalaganap ang gawaing pangangaral.
Bakit sa Brooklyn? Sinabi ni Russell: “Naipasiya naming lahat, matapos hilingin ang patnubay ng Diyos sa panalangin, na ang Brooklyn, N.Y., na may malaking populasyon . . . at kilala bilang ‘Ang Lunsod ng mga Relihiyon,’ . . . ang pinakaangkop na lugar para sa gawaing pag-aani.” At gayon nga ang nangyari. Sa maikling panahon lamang, ang mga sermon ni Russell ay nailathala sa 2,000 diyaryo.
May isa pang dahilan kung bakit angkop ngang lugar ang New York. Noong 1909, may mga tanggapang pansangay na sa Gran Britanya, Alemanya, at Australia, at magkakaroon pa sa ibang mga lugar. Kaya angkop na ang punong-tanggapan ay nasa isang daungang lunsod na madali ring marating dahil sa marami nitong lansangan at mga riles.
Bakit Tinawag na Bethel?
Ang kauna-unahang punong-tanggapan ng Watch Tower Bible and Tract Society ay itinatag noong dekada ng 1880, sa Allegheny (ngayo’y bahagi ng Pittsburgh), Pennsylvania. Tinatawag ito noon na Bible House. Noong 1896, 12 ang mga nagtatrabaho roon.
* Bakit Bethel? Ang gusali na nabili ng Watch Tower Society na nasa 13-17 Hicks Street ay dating pag-aari ng isang kilalang klerigong si Henry Ward Beecher at tinatawag noon na Beecher Bethel. Binili rin ang dating tirahan ni Beecher na nasa 124 Columbia Heights. Ganito ang iniulat ng The Watch Tower, isyu ng Marso 1, 1909: “Kamangha-manghang isipin na nabili natin ang dating Beecher Bethel at di-sinasadyang mabili rin natin ang kaniyang dating tirahan. . . . Ang bagong tahanan ay tatawagin nating ‘Bethel,’ at ang bagong opisina at awditoryum, ‘The Brooklyn Tabernacle’; ang mga ito ang papalit sa pangalang ‘Bible House.’”
Ngunit nang lumipat sa Brooklyn noong 1909, ang bagong tirahan ng mga nagtatrabaho ay tinawag na Bethel.Sa ngayon, ang pinalawak na pasilidad sa Brooklyn at ang dalawa pang pasilidad sa New York State, ang Wallkill at Patterson, kasali na ang mga tirahan, palimbagan, at mga opisina, ay tinatawag na Bethel. Sa katunayan, mayroon na ngayong mga tahanang Bethel sa 113 bansa sa buong daigdig. Mahigit 19,000 ministro ang naglilingkod dito upang mamahagi ng mga impormasyon mula sa Bibliya.
Mainit na Pagtanggap sa mga Bisita
Ang mga pasilidad ay inialay noong Enero 31, 1909. Noong Lunes, Setyembre 6, 1909, ang Reception Day sa Bethel. Daan-daang Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon, ang nag-tour sa pasilidad. Marami sa kanila ang galing sa Kristiyanong kombensiyong ginanap sa Saratoga Springs, mga 320 kilometro sa hilaga ng New York City. Personal na tinanggap at binati ni Charles Taze Russell ang mga bisita. *
Malugod pa ring tinatanggap ang mga bisita sa Bethel. Sa katunayan, mahigit 40,000 tao ang nagtu-tour sa pasilidad sa Brooklyn taun-taon. Ang Brooklyn Bethel ay patuloy pa ring gumaganap ng napakahalagang bahagi sa pagpapalawak ng mga kapakanan ng Kaharian ni Jehova, para sa kapakinabangan ng milyun-milyon.
^ par. 11 Ang salitang Hebreo na “Bethel” ay nangangahulugang “Bahay ng Diyos.” Sa Bibliya, ang Bethel ay isang kilalang lunsod sa Israel. Pero ang lunsod ng Jerusalem ang mas madalas mabanggit.
^ par. 14 Para sa karagdagang detalye, tingnan ang Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, pahina 718-723, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.