Ang Mabuting Relihiyon ay May Matataas na Pamantayang Moral
TINUTURUAN tayo ng mabuting relihiyon na mag-isip ng tama at pagbutihin pa ang ating paggawi. Tinutulungan tayo nito sa ating pagsisikap na gawin ang tama at maging mabuting tao. Paano natin nalalaman na ganiyan nga ang ginagawa ng mabuting relihiyon?
Pansinin ang isinulat ni apostol Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano sa Corinto, Gresya. Kilalang imoral ang mga tao sa sinaunang lunsod na iyon. Nagbabala si Pablo: “Ang mga nakikiapid, sumasamba sa dios-diosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, magnanakaw, sakim, maglalasing, mapanlait o mandaraya ay hindi magmamana ng kaharian ng Dios.” Pagkatapos, sinabi pa ni Pablo: “At dati, ganyan ang ilan sa inyo. Ngunit nilinis na kayo, binanal, at pinawalang-sala sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Dios.” (1 Corinto 6:9-11, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Isipin ito: Ang mabuting relihiyon ay nakatulong sa ilan na dating walang pamantayang moral na maging malinis at matuwid na mga lingkod ng Diyos!
Nagbababala naman ang Bibliya: “Darating ang panahong hindi na nila pakikinggan ang wastong aral; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Mangangalap sila ng mga gurong walang ituturo kundi ang mga bagay lamang na gusto nilang marinig.”—2 Timoteo 4:3, Magandang Balita Biblia.
Ano ang ginagawa ng mga relihiyong alam mo tungkol dito? Sinusunod ba nila ang mataas na pamantayan ng Bibliya hinggil sa tama at mali? O binabantuan nila ang malinaw na payo ng Salita ng Diyos at sinasabi lamang sa mga tao ‘ang mga bagay na gusto nilang marinig’?
Para matulungan kang malaman kung ang isang relihiyon ba ay namumunga ng mabuti, sagutin ang sumusunod na mga tanong.
PAKSA: Pag-aasawa.
KUNG ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: “Dapat igalang ng lahat ang pag-aasawa, at maging tapat sa isa’t isa ang mag-asawa. Sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at mga nangangalunya.”—Hebreo 13:4, Magandang Balita Biblia.
TANONG: Hinihiling ba ng relihiyong ito sa mga miyembro nito na nagsasama nang di-kasal na sila’y magpakasal?
PAKSA: Diborsiyo.
KUNG ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: Nang tanungin si Jesus kung mayroon bang anumang saligan para sa pagdidiborsiyo, sinabi niya: “Sinomang ihiwalay ang kaniyang asawang babae, liban na kung sa pakikiapid, at mag-asawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya.”—Mateo 19:9, Ang Biblia.
TANONG: Iginagalang ba ng relihiyong ito ang tagubilin ni Jesus at pinapayagan ang pagdidiborsiyo at muling pag-aasawa—tangi lamang dahil sa imoralidad?
PAKSA: Kalinisang-asal sa sekso.
KUNG ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: “Magsitakas kayo sa pakikiapid. Lahat ng kasalanang gawin ng mga tao ay nangasa labas ng katawan; nguni’t ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.”—1 Corinto 6:18, Ang Biblia.
“Pinalitan ng mga babae ang natural na pakikipagtalik ng hindi natural. Iniwan din ng mga lalaki ang likas na pakikipagtalik sa mga babae, at nag-alab ang kanilang maruming Roma 1:26, 27, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
pita sa isa’t isa. Nakipagtalik sila sa kapwa nila lalaki, at tinanggap na nila ang parusang angkop sa kanilang kasamaan.”—TANONG: Itinuturo ba ng relihiyong ito na kasalanan ang imoralidad sa pagitan ng lalaki at babae o sa pagitan ng magkasekso?
PAKSA: Lakas-loob na paninindigan ng mga miyembro nito sa mga pamantayan ng Bibliya.
KUNG ANO ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: “Huwag ninyong pakisamahan . . . ang mga nagsasabing Cristiano ngunit nakikiapid, sakim, sumasamba sa dios-diosan, mapanirang-puri, maglalasing, o manggagantso. Ni huwag kayong sasalo sa kanilang pagkain.” (1 Corinto 5:11, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Ano ang dapat mangyari sa mga nag-aangking Kristiyano pero hindi nagsisisi? “Itiwalag ninyo ang masamang kasamahan ninyo,” ang sabi ng Salita ng Diyos.—1 Corinto 5:13, Magandang Balita Biblia.
TANONG: Itinitiwalag ba ng relihiyong ito ang mga miyembro nito na nagwawalang-bahala sa mga pamantayan ng Bibliya at hindi nagsisisi?
Aling relihiyon ang kilalang sumusunod sa matataas na pamantayang moral ng Bibliya?