Susi sa Maligayang Pamilya
Pagbabadyet ng Pera
Sabi ng lalaki: “Napapansin ko, bili nang bili ng kung anu-ano ang asawa kong si Laura, * mga bagay na sa palagay ko’y hindi naman namin kailangan. At parang wala siyang naiipon! Problema ito kapag may biglaan kaming pagkakagastusan. Madalas kong sabihin na kapag may hawak na pera ang asawa ko, uubusin niya ito.”
Sabi ng babae: “Siguro hindi nga ako magaling mag-ipon, pero hindi alam ng asawa ko kung gaano kalaki ang mga gastusin sa bahay, gaya ng pagkain at mga gamit. Alam ko iyan kasi ako ang laging naiiwan sa bahay. Alam ko ang kailangan namin, at binibili ko ito kahit magtalo na naman kami tungkol sa pera.”
PERA ang isa sa mga bagay na napakahirap pag-usapan nang maayos ng mag-asawa. Hindi kataka-taka na ito ang pinakamadalas pag-awayan ng mga mag-asawa.
Kapag hindi timbang ang pangmalas ng mag-asawa sa pera, maaari itong nagdudulot ng stress, pagtatalo, at sama ng loob—maaari pa ngang masira ang kaugnayan nila kay Jehova. (1 Timoteo 6:9, 10) Kapag hindi naayos ng mga magulang ang kanilang problema sa pera, maaari silang mapilitang kumayod nang husto, anupat napapabayaan nila ang emosyonal at espirituwal na pangangailangan ng isa’t isa at ng kanilang mga anak. Hindi rin nila natuturuan ang kanilang mga anak na maging makatuwiran pagdating sa pera.
“Ang salapi ay pananggalang,” ang sabi ng Bibliya. (Eclesiastes 7:12) Ngunit ang salapi o pera ay magiging pananggalang lamang ninyong mag-asawa at ng inyong pamilya kung matututuhan mo hindi lamang ang pagbabadyet nito kundi kung paano mo rin naman ito ipakikipag-usap sa iyong asawa. * Sa katunayan, ang pag-uusap tungkol sa pera ay makapagpapatibay pa nga sa ugnayan ninyong mag-asawa, sa halip na pagmulan ng away.
Pero bakit pera ang dahilan ng maraming problema ng mag-asawa? At anong magagawa mo upang malutas ninyo nang maayos ang inyong problema tungkol sa pera sa halip na magtalo?
Ano ang mga Hamon?
Kadalasan, ang pagtatalo hinggil sa pera ay hindi naman talaga tungkol sa kung paano ito ginamit kundi may kaugnayan ito sa pagtitiwala o pangamba. Halimbawa, kapag hinihiling ng lalaki sa kaniyang asawa na ipaliwanag kung saan nito ginastos ang bawat sentimo, parang ipinakikita niyang wala siyang tiwala sa kakayahan ng babae na magbadyet ng pera ng pamilya. At ang babae namang nagrereklamo na walang gaanong naiipon ang kaniyang asawa ay parang nagpapahayag ng kaniyang pangamba na baka magkaproblema sila sa pera sa hinaharap.
May iba pang hamon na kinakaharap ang mga mag-asawa—ang kanilang kinalakhan. “Ang asawa ko ay mula sa isang pamilya na mahusay magbadyet ng pera,” ang sabi ni Matthew, na walong taon nang kasal. “Hindi
siya nangangambang gaya ko. Alkoholiko at malakas manigarilyo ang tatay ko at lagi siyang walang trabaho. Madalas kaming salat sa mga pangangailangan sa buhay, at talagang takót akong mabaon sa utang. Kaya naman kung minsan, nagiging mahigpit ako sa asawa ko pagdating sa pera dahil sa takot na ito.” Anuman ang dahilan, ano ang magagawa mo upang makatulong ang pera sa inyong mag-asawa sa halip na pagmulan ito ng problema?Ano ang mas mahalaga sa iyo—pera o ang inyong pagsasama?
Apat na Susi sa Tagumpay
Ang Bibliya ay hindi isang aklat tungkol sa pagbabadyet ng pera. Pero may mahusay itong payo na makatutulong sa mag-asawa na maiwasan ang mga problema sa pera. Bakit hindi isaalang-alang ang payo nito at subukin ang mga mungkahing nasa ibaba?
1. Matutong pag-usapan nang mahinahon ang tungkol sa pera.
“Sa mga nagsasanggunian ay may karunungan.” (Kawikaan 13:10) Depende sa iyong kinalakhan, baka hindi ka sanay na sumangguni sa iba, lalo na sa iyong asawa, tungkol sa pera. Magkagayon man, isang karunungan na matutong ipakipag-usap ang mahalagang bagay na ito. Halimbawa, bakit hindi sabihin sa iyong asawa kung paano ka maaaring naimpluwensiyahan ng saloobin ng iyong mga magulang tungkol sa pera? Sikapin ding unawain kung paano naman naimpluwensiyahan ng kaniyang kinalakhan ang saloobin niya.
Huwag mo nang hintaying magkaproblema muna bago ninyo pag-usapan ang tungkol sa pera. Ganito ang tanong ng isang manunulat ng Bibliya: “Magkasama bang lalakad ang dalawa malibang nagtagpo sila ayon sa pinagkasunduan?” (Amos 3:3) Paano makatutulong ang simulaing ito? Kung maglalaan kayo ng panahon para pag-usapan ang tungkol sa pera, mababawasan ang posibilidad na magtalo kayo dahil sa hindi pagkakaunawaan.
SUBUKIN ITO: Magtakda ng isang regular na panahon upang pag-usapan ang tungkol sa pera ng pamilya. Maaari kayong mag-usap sa unang araw ng bawat buwan o minsan sa isang linggo. Gawing maikli ang pag-uusap, marahil mga 15 minuto o wala pa. Pumili ng oras kung kailan pareho kayong relaks. Magpasiyang huwag pag-usapan ang tungkol sa pera sa panahon ng pagkain o kapag nagrerelaks kasama ng mga anak.
2. Maging tapat sa isa’t isa tungkol sa inyong kinikita at ginagastos.
“Sa pagpapakita ng dangal sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Kung ikaw lamang ang kumikita, mapararangalan mo ang iyong asawa kung iisipin mong ang iyong kita ay pera ng pamilya at hindi lamang sa iyo.—1 Timoteo 5:8.
Kung pareho kayong kumikita, mapararangalan ninyo ang isa’t isa kung pag-uusapan ninyo ang inyong kinikita at mga gastusin. Kung ililihim mo iyon sa iyong kabiyak, baka mawala ang tiwala niya sa iyo at masira ang inyong pagsasama. Hindi mo naman kailangang isangguni sa iyong asawa ang bawat sentimong gagastusin mo. Pero kung sasabihin mo sa kaniya ang bibilhin mo na malaki ang halaga, ipinakikita mo na pinahahalagahan mo ang opinyon ng iyong asawa.
SUBUKIN ITO: Pag-usapan ang maaari ninyong gastusin nang hindi na isinasangguni sa isa’t isa, ito man ay 1,000 o 10,000 piso. Laging ipaalam sa iyong asawa kung higit pa riyan ang gusto mong gastusin.
3. Isulat ang inyong mga plano.
“Kung magpaplano ka at magtatrabaho nang husto, sasagana ka.” (Kawikaan 21:5, Contemporary English Version) Ang isang paraan upang magplano para sa hinaharap at hindi masayang ang iyong pinagpaguran ay gumawa ng badyet ng pamilya. Sinabi ni Nina, na limang taon nang kasal: “Malaki ang maitutulong sa iyo kung isusulat mo ang iyong kinikita at mga gastusin. Kasi nakikita mo ang totoong kalagayan mo sa pananalapi.”
Hindi naman kailangang maging komplikado ang iyong paraan ng pagbabadyet. Ganito ang sinabi ni Darren, na 26 na taon nang kasal at may dalawang anak na lalaki: “Noong una, mga sobre ang gamit namin. Inilalagay namin sa iba’t ibang sobre ang gagastusin namin sa loob ng isang linggo. Halimbawa, may sobre kami para sa pagkain, libangan, at maging sa pagpapagupit ng buhok. Kapag kulang ang badyet namin sa isang bagay, humihiram
kami sa pera na nasa ibang sobre pero lagi naming tinitiyak na ibabalik namin ito sa lalong madaling panahon.” Kung mas madalas kang gumamit ng credit card sa iyong mga bayarin, napakahalagang magplano at subaybayan ang iyong mga gastusin.SUBUKIN ITO: Isulat ang lahat ng inyong bayaring hindi nagbabago ang halaga gaya ng upa sa bahay. Pag-usapan kung magkano mula sa inyong kita ang itatabi ninyo. Saka ilista ang mga bayaring nagbabago ang halaga, gaya ng pagkain, kuryente, at bayad sa telepono. Pagkatapos, irekord ang lahat ng gastos ninyo sa loob ng ilang buwan. Kung kailangan, baguhin ang inyong istilo ng pamumuhay para hindi kayo mabaon sa utang.
4. Pag-usapan kung sino ang hahawak ng pera.
“Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa, sapagkat mas marami silang nagagawa.” (Eclesiastes 4:9, 10, New Century Version) Sa ilang pamilya, ang asawang lalaki ang humahawak ng pera. Sa iba naman, ang babae ang gumagawa nito. (Kawikaan 31:10-28) Pero maraming mag-asawa ang magkatuwang sa paggawa nito. “Ang asawa ko ang nagbabayad ng mga bayarin at maliliit na gastusin,” ang sabi ni Mario, na 21 taon nang kasal. “Ako naman ang bahala sa pagbabayad ng buwis, kontrata, at upa. Ipinaaalam namin ito sa isa’t isa at nagtutulungan kami.” Anuman ang paraan ninyo, ang mahalaga ay magtulungan kayo.
SUBUKIN ITO: Pag-usapan kung sino ang mag-aasikaso ng mga bayarin habang isinasaalang-alang kung ano ang kaya at hindi kaya ng isa’t isa. Alamin ang resulta ng kaayusang ito pagkalipas ng ilang buwan. Maging handang gumawa ng mga pagbabago. Upang mapahalagahan ang ginagawa ng iyong asawa, gaya ng pagbabayad ng mga bayarin o pamimili, ikaw naman ang gumawa nito sa susunod.
Ano ang Isinisiwalat ng Pag-uusap Ninyo Tungkol sa Pera?
Hindi dapat makahadlang sa inyong pag-ibig ang mga pag-uusap tungkol sa pera. Sang-ayon dito si Leah, na limang taon nang kasal. Sinabi niya: “Kaming mag-asawa ay walang inililihim pagdating sa pera. Nagtutulungan kami at lalong tumitibay ang aming pag-ibig sa isa’t isa.”
Kapag pinag-uusapan ng mag-asawa kung paano nila gagastusin ang pera, nagkakaroon sila ng iisang pag-asa at pangarap, pati na ng paggalang at pagtitiwala sa isa’t isa. Kapag nag-uusap sila bago bumili ng mga bagay na malaki ang halaga, ipinakikita nila ang paggalang sa opinyon at damdamin ng isa’t isa. Ipinakikita naman nila ang pagtitiwala sa isa’t isa kapag hinahayaan nilang gumastos ang isa nang hindi na kailangan pang isangguni sa kaniyang asawa. Ang mga ito ang tumutulong para maging tunay na maligaya ang kanilang pagsasama. At mas mahalaga ito kaysa sa pera, kaya bakit pa pagtatalunan ang tungkol sa pera?
^ par. 3 Binago ang pangalan.
^ par. 7 Sinasabi ng Bibliya na “ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae,” kaya pangunahing pananagutan niya hindi lamang kung paano gagamitin ang pera ng pamilya kundi obligasyon din niyang maging maibigin at mapagbigay sa kaniyang asawang babae.—Efeso 5:23, 25.
TANUNGIN ANG IYONG SARILI . . .
-
Kailan kami huling nag-usap nang mahinahon ng asawa ko tungkol sa pera?
-
Ano ang aking masasabi at magagawa para ipakitang pinahahalagahan ko ang perang ibinibigay ng asawa ko sa pamilya?