Maging Malapít sa Diyos
Binigyan Tayo ni Jehova ng Kalayaang Pumili
“HINDI ko maipaliwanag kung bakit madalas akong makadama ng takot na hindi ako makapanatiling tapat kay Jehova.” Iyan ang sinabi ng isang babaing Kristiyano na nag-aakalang bigo na siya dahil sa masasamang nangyari sa kaniya noong bata pa siya. Gayon nga ba? Talaga bang wala na tayong magagawa pa sa ating kalagayan? Mayroon. Binigyan tayo ng Diyos na Jehova ng kalayaang magpasiya kung paano natin gagamitin ang ating buhay. Gusto ni Jehova na piliin natin ang tama, at sinasabi sa atin ng kaniyang Salita, ang Bibliya, kung paano natin ito magagawa. Tingnan ang mga salita ni Moises sa Deuteronomio kabanata 30.
Mahirap bang malaman at sundin kung ano ang hinihiling ng Diyos sa atin? * Sinabi ni Moises: “Ang utos na ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay hindi napakahirap para sa iyo, ni malayo man ito.” (Talata 11) Hindi humihiling si Jehova ng bagay na imposible. Makatuwiran, at madaling sundin ang kaniyang mga kahilingan. Madali ring malaman ang mga ito. Hindi natin kailangang umakyat “sa langit” o maglakbay sa “kabilang ibayo ng dagat” upang malaman kung ano ang inaasahan sa atin ng Diyos. (Talata 12, 13) Maliwanag na sinasabi sa atin ng Bibliya kung paano tayo dapat mamuhay.—Mikas 6:8.
Gayunman, hindi tayo pinipilit ni Jehova na sundin siya. Sinabi ni Moises: “Inilalagay ko nga sa harap mo ngayon ang buhay at ang kabutihan, at ang kamatayan at ang kasamaan.” (Talata 15) Malaya tayong makapipili—buhay o kamatayan, mabuti o masama. Maaari nating piliing sambahin at sundin ang Diyos na magdudulot ng mga pagpapala. Maaari din nating piliing sumuway sa kaniya at magdusa bilang resulta. Nasa atin ang pagpapasiya.—Talata 16-18; Galacia 6:7, 8.
Mahalaga ba kay Jehova kung ano ang ating pipiliin? Siyempre naman! Kinasihan ng Diyos si Moises na sabihin: “Piliin mo ang buhay.” (Talata 19) Paano natin magagawa ito? Sinabi ni Moises: “Sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang tinig at sa pamamagitan ng pananatili sa kaniya.” (Talata 20) Kung mahal natin si Jehova, susundin natin siya at mananatiling tapat, anuman ang mangyari. Sa paggawa nito, pinipili natin ang buhay—ang pinakamahusay na paraan ng pamumuhay ngayon at ang pag-asang buhay na walang hanggan sa dumarating na bagong sanlibutan ng Diyos.—2 Pedro 3:11-13; 1 Juan 5:3.
Ayon sa mga salita ni Moises, anuman ang naranasan mo sa masamang sanlibutang ito, may magagawa ka pa, at hindi ka nakasadlak sa kabiguan. Binibigyang-dangal ka ni Jehova sa pamamagitan ng pagbibigay sa iyo ng kalayaang magpasiya. Oo, maaari mong ibigin si Jehova, makinig sa kaniya, at manatiling tapat. Kung gagawin mo iyan, pagpapalain ka ni Jehova.
Ang katotohanang ito—na malaya tayong makapagpapasiya na ibigin at paglingkuran si Jehova—ay nagdulot ng kaaliwan sa babaing nabanggit sa simula. Sinabi niya: “Mahal ko si Jehova. Pero kung minsan kailangan kong ipaalaala ito sa aking sarili. Ito ang pinakamahalagang bagay na tutulong sa akin para manatiling tapat.” Magagawa mo rin ito sa tulong ni Jehova.
[Talababa]
^ par. 2 Tingnan ang artikulong “Maging Malapít sa Diyos—Ano ang Hinihiling sa Atin ni Jehova?” sa isyung ng Oktubre 1, 2009 ng Ang Bantayan.