Malapit Na ang “Takdang Panahon”
Malapit Na ang “Takdang Panahon”
TULAD ni propeta Habakuk, gustung-gusto rin ng mga alagad ni Jesus na magwakas na ang pagdurusa. Dahil nalaman nila na itutuwid ng Kaharian ng Diyos ang mga bagay-bagay sa lupa, tinanong nila si Jesus: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto [sa kapangyarihan ng Kaharian] at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3) Bilang sagot, sinabi ni Jesus na ang Diyos na Jehova lamang ang nakaaalam ng eksaktong oras kung kailan lubusang mamamahala ang Kaharian sa lupa. (Mateo 24:36; Marcos 13:32) Gayunman, inihula ni Jesus at ng iba pa ang mga pangyayaring magpapakitang malapit na ang oras na iyon.—Tingnan ang kahon sa kanan.
Hindi ka ba sasang-ayon na pangkaraniwan sa ngayon ang mga bagay na ito? Inihula rin ni Jesus ang gawaing pagtuturo sa buong lupa. Sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
Iyan nga ang nangyayari sa ngayon. Ginagawa ito ng mahigit pitong milyong Saksi ni Jehova sa mga 236 na lupain. Sinasabi nila sa mga tao kung ano ang gagawin ng Kaharian ng Diyos at tinutulungan nila ang mga ito na iayon ang kanilang pamumuhay sa matuwid na mga kahilingan ng Diyos, na ang kalooban ay wakasan ang pagdurusa at kirot. Patuloy na alamin ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at magkakaroon ka ng pag-asang mabuhay sa isang daigdig na wala nang pagdurusa—magpakailanman.
[Kahon sa pahina 8]
Mga Teksto Tungkol sa mga Huling Araw
MATEO 24:6, 7; APOCALIPSIS 6:4
• Nakapangingilabot na mga digmaan
• Malalakas na lindol
• Kakapusan sa pagkain
• Mga salot
• Paglago ng katampalasanan
• Ang pag-ibig ay lalamig
• Pagpapahamak sa lupa
• Labis na pag-ibig sa salapi
• Pagsuway sa mga magulang
• Labis-labis na pag-ibig sa sarili
• Walang likas na pagmamahal
• Ang mga tao ay hindi bukás sa anumang kasunduan
• Walang pagpipigil sa sarili sa lahat ng antas ng lipunan
• Laganap ang kawalan ng pag-ibig sa kabutihan
• Pag-ibig sa kaluguran kaysa sa Diyos
• Marami ang nag-aangking Kristiyano
• Paglitaw ng maraming bulaang propeta
• Pag-uusig sa tunay na mga Kristiyano
• Hindi nagbibigay-pansin sa mga babala ng Bibliya ang mga tao
[Larawan sa pahina 8]
Nagtuturo ang mga Saksi ni Jehova sa mga tao sa buong daigdig tungkol sa Kaharian ng Diyos