Ang Bibliya ba ay Salita ng Diyos?
“Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 TIMOTEO 3:16, 17.
NAPAKAGANDA ngang pananalita iyan ni apostol Pablo tungkol sa kahalagahan ng Bibliya! Ang tinutukoy niya ay ang bahagi lamang ng Bibliya na mababasa noong panahon niya—ang bahagi ng Bibliya na tinatawag ng marami na Lumang Tipan. Pero ang totoo, tumutukoy rin ito sa lahat ng 66 na aklat ng Bibliya, kasama na ang isinulat ng tapat na mga alagad ni Jesus noong unang siglo C.E.
Mataas din ba ang pagpapahalaga mo sa Bibliya gaya ni Pablo? Iniisip mo ba na talagang kinasihan ng Diyos ang mga manunulat ng Bibliya? Ganiyan ang pananaw ng mga Kristiyano noong unang siglo. Hindi iyan nagbago sa paglipas ng daan-daang taon. Halimbawa, itinuring ng klerigong Ingles noong ika-14 na siglo na si John Wycliffe ang Bibliya bilang “ang maaasahang saligan ng katotohanan.” Tungkol sa pananalita ni Pablo na sinipi sa itaas, ganito ang sinabi ng The New Bible Dictionary: “Ang pagkasi [ng Diyos], kung gayon, ay gumagarantiya sa pagiging totoo ng lahat ng sinasabi ng Bibliya.”
Nagbagong Saloobin Hinggil sa Bibliya
Gayunman, sa panahon ngayon, unti-unti nang nawawala ang pagtitiwala ng mga tao sa Bibliya. Sinabi ng aklat na The World’s Religions na “tinatanggap [pa rin] diumano ng lahat ng Kristiyano ang Bibliya bilang maaasahang patnubay kapuwa sa kanilang pagkilos at paniniwala.” Pero sa totoo, hindi naman iyan ang ginagawa nila. Maraming tao sa ngayon ang nag-iisip na
ang Bibliya ay isa lamang nasusulat na “tradisyon ng tao na di-maaasahan.” Bagaman kinikilala nila ang mga manunulat ng Bibliya bilang mga taong may malaking pananampalataya, itinuturing nila ang mga ito na mga taong di-sakdal na nagsisikap na ipaliwanag ang malalalim na katotohanan tungkol sa Diyos ngunit kulang naman sa kaalaman at kaunawaang mayroon tayo ngayon.Ang totoo, iilang tao lamang ngayon ang tumitingin sa Bibliya bilang patnubay sa kanilang pag-iisip at pagkilos. Halimbawa, karaniwan nang naririnig sa mga tao na ang mga pamantayan ng Bibliya tungkol sa moralidad ay makaluma at hindi na praktikal. Inaakala ng marami na maaari nilang ituro ang bahagi lamang ng kautusan sa Bibliya na gustong marinig ng mga tao, o baka lubusan pa ngang binabale-wala nila ito para sa sariling kaalwanan. Tuwiran ding binabale-wala ng ilang nag-aangking Kristiyano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pakikiapid, pangangalunya, kawalang-katapatan, at paglalasing.—1 Corinto 6:9, 10.
Bakit kaya? Noong simula ng ika-20 siglo, binanggit ng arkeologong si Sir Charles Marston ang isang dahilan sa kaniyang aklat na The Bible Is True. Sinabi niyang agad na “tinatanggap [ng mga tao] nang walang pagtutol ang maraming espekulasyon ng modernong mga manunulat” na sumisira sa integridad ng Bibliya. Totoo pa rin ba ito sa ngayon? Ano ang dapat maging pangmalas mo sa mga opinyon at teoriya ng mga iskolar na naninira sa Bibliya? Tingnan kung ano ang sinasabi ng susunod na artikulo tungkol dito.