Ang Pangalan ng Diyos na Jehova sa Isang Templo ng mga Ehipsiyo
Ang Pangalan ng Diyos na Jehova sa Isang Templo ng mga Ehipsiyo
GAANO kaaga sa kasaysayan lumitaw ang pangalan ng Diyos na Jehova, o Yahweh, bukod sa Bibliya? Ang tiyak na sagot ng ilang iskolar: Sing-aga ng ika-14 na siglo B.C.E. Bakit nila nasabi iyan?
Noong mga 1370 B.C.E., nasakop ng mga Ehipsiyo ang maraming lupain. Ang pinuno ng Ehipto nang panahong iyon, si Paraon Amenhotep (Amenophis) III, ay nagtayo ng isang maringal na templo sa Soleb, sa Nubia, na tinatawag na Sudan ngayon. Nang matuklasan ng mga arkeologo ang templong iyon, nasumpungan nila ang hieroglyphic na sulat ng mga Ehipsiyo kung saan lumilitaw ang Hebreong Tetragrammaton—YHWH, o Jehova. Ang inukit na iyon ay mas nauna ng 500 taon kaysa sa dating pinakamatandang relikya na naglalaman ng pangalan ng Diyos—ang kilalang Batong Moabita. Bakit kaya nakaukit sa isang templo ng mga Ehipsiyo ang pangalan ng Diyos na ginamit sa Bibliya?
“Lupain ng mga Shasu na Pag-aari ni Jahu”
Inialay ni Paraon Amenhotep III ang itinayo niyang templo sa diyos na si Amun-Ra. Ang templo ay mga 120 metro ang haba at nasa kanlurang pampang ng Ilog Nilo. Nakatala sa mga hieroglyphic sa ibaba ng mga haligi sa isa sa mga bulwagan ang mga pangalan ng teritoryo na sinasabing nasakop ni Amenhotep. Ang bawat teritoryo ay kinakatawanan ng isang bilanggo na nakagapos ang mga kamay sa likod at may kalasag na nakasulat ang pangalan ng kaniyang lupain o bayan. Kasama sa hieroglyphic ang mga lupain ng mga tinatawag na Shasu, o Shosou. Sino ang mga Shasu?
Shasu ang pangalang ibinigay ng mga Ehipsiyo sa mga Bedouin, ang hamak na mga tribo na nakatira sa kabila ng hanggahan ng Ehipto sa silangan. Saklaw ng mga lupain ng mga Shasu ang timog ng Palestina, timog ng Transjordan, at Sinai. Sinasabi ng
ilang mananaliksik na ang mga lupaing inilalarawan na pag-aari ng mga Shasu ay umaabot hanggang sa dulong hilaga, gaya ng Lebanon at Sirya. Kasama sa talaan ng mga lupaing nasakop sa Soleb ang isa na binibigkas na “Yahwe sa lupain ng Shosou,” “Lupain ng mga Shasu na pag-aari ni Jahu,” o “Lupain ng Shasu-yhw.” Sinasabi ng Ehiptologo na si Jean Leclant na ang pangalang nakasulat sa kalasag sa Soleb ay “tumutukoy sa ‘tetragram’ ng diyos sa Bibliya, ang YHWH.”Naniniwala ang karamihan ng mga iskolar na ang pangalan dito na Jahu, Yahu, o Yahwe at sa katulad na mga konteksto ay tumutukoy sa isang lugar o distrito. Sinasabi ng iskolar na si Shmuel Ahituv na ang inskripsiyon ay tumutukoy sa “tinirhang lugar ng angkan ng mga mananamba ni Yāhū, ang Diyos ng Israel.” * Kung tama ang kaniyang sinabi, ito ay isa lamang sa ilang sinaunang Semitikong halimbawa na parehong tumutukoy sa lugar at sa diyos nito. Ang isa pang halimbawa ay ang Assur, na tawag sa lupain ng Asirya at sa kataas-taasang diyos nito.
Tungkol sa inskripsiyon sa templo sa Nubia, ganito ang sinabi ng iskolar ng Bibliya at arkeologong si Roland de Vaux: “Sa isang rehiyon kung saan maraming pakikipag-ugnayan ang mga ninuno ng Israel, may isang pangalan ng lugar o tao na kahawig, kung hindi man kapareho, ng pangalan ng Diyos ng Israel noong kalagitnaan ng ikalawang milenyo BC.”
Isang Pangalan na Pinararangalan Pa Rin
Hindi lamang sa Soleb sa Nubia makikita ang pangalang Yahwe sa hieroglyphic ng mga Ehipsiyo. Makikita rin sa mga templo ni Rameses II sa Kanlurang Amarah at sa Aksha, na parehong nasa Nubia, ang mga kopya ng talaan sa Soleb. Sa talaan sa Amarah, ang hieroglyphic para sa “Yahwe sa lupain ng Shosou” ay katulad ng iba pang teritoryo ng Shosou, na ipinalalagay na Seir at Laban. Iniuugnay ng Bibliya ang mga lugar na ito sa timog ng Palestina, Edom, at ilang ng Sinai. (Genesis 36:8; Deuteronomio 1:1) Ang mga ito ay madalas na pinupuntahan ng mga taong kumikilala at sumasamba kay Jehova bago at pagkatapos ng pansamantalang paninirahan ng mga Israelita sa Ehipto.—Genesis 36:17, 18; Bilang 13:26.
Di-gaya ng mga pangalan ng ibang diyos na lumitaw sa sinaunang mga inskripsiyon, ginagamit pa rin at pinararangalan ang pangalan ng Diyos sa Bibliya na Jehova. Halimbawa, mahigit na pitong milyong Saksi ni Jehova sa mga 230 lupain ang tumutulong sa iba hindi lamang para matutuhan ang pangalang iyan kundi para maging malapít din sa Diyos na may natatanging pangalang Jehova.—Awit 83:18; Santiago 4:8.
[Talababa]
^ par. 7 Kinukuwestiyon ng ilang iskolar kung ang hieroglyphic bang ito ay tumutukoy sa Shasu “na mga mananamba ng diyos na si Yahweh.” Naniniwala sila na ang di-kilalang pangalang ito ng lupain ay nagkataon lamang na kagaya ng pangalan ng Diyos ng Israel.
[Blurb sa pahina 21]
Bakit kaya nakaukit sa isang paganong templo ng mga Ehipsiyo ang pangalan ng Diyos sa Bibliya na Jehova?
[Mapa sa pahina 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
EHIPTO
Templo sa Soleb
SUDAN
Ilog Nilo
[Mga larawan sa pahina 21]
Replika ng haligi ng templo
[Larawan sa pahina 22]
Ang mga guho ng templo ng Amun-Ra sa Soleb, Sudan
[Credit Line]
Ed Scott/Pixtal/age fotostock
[Picture Credit Line sa pahina 21]
Background: Asian and Middle Eastern Division/The New York Public Library/Astor, Lenox and Tilden Foundations