Susi sa Maligayang Pamilya
Turuan ang Inyong mga Anak na Maging Responsable
George: * “Gabi-gabi, nakakalat sa bahay ang mga laruan ng aking apat-na-taóng-gulang na anak na si Michael. Inuutusan ko siyang iligpit ang kaniyang mga laruan bago matulog. Pero mag-aalburoto at magngangangawa si Michael. Kung minsan, sa inis ko, nasisigawan ko siya kaya lalo lamang lumalala ang kalagayan. Gusto ko sanang maging masaya kami bago matulog. Kaya ako na lang ang nagliligpit ng kaniyang mga laruan.”
Emily: “Nagsimula ang problema nang hindi maintindihan ng aking 13-anyos na anak na si Jenny ang mga ipinagagawang takdang-aralin ng kaniyang guro. Isang oras na nag-iiiyak si Jenny pag-uwi niya ng bahay. Hinimok ko siyang humingi ng tulong sa kaniyang guro, pero iginiit ni Jenny na masungit ang kaniyang guro kaya wala siyang lakas ng loob na kausapin ito. Gusto ko sanang sugurin ang kaniyang guro upang ipamukha sa kaniya kung anong klase siyang guro. Walang sinuman ang may karapatang magpaiyak sa anak ko!”
GANIYAN din ba ang nadarama mo kung minsan? Gaya nina George at Emily, masakit para sa maraming magulang na makitang nahihirapan o nalulungkot ang kanilang anak. Natural lamang na protektahan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Pero ang totoo, pagkakataon na sana ito para kina George at Emily na turuan ang kanilang anak na maging responsable. Sabihin pa, magkaiba ang aral na matututuhan ng isang 4-anyos at ng isang 13-anyos.
Ang totoo, hindi sa lahat ng pagkakataon ay mapoprotektahan mo ang iyong anak mula sa mga problema sa buhay. Sa dakong huli, iiwan ng anak ang kaniyang ama at ina at ‘dadalhin ang kaniyang sariling pasan’ ng pananagutan. (Galacia 6:5; Genesis 2:24) Upang mapangalagaan ng mga anak ang kanilang sarili, dapat silang maturuan ng kanilang mga magulang na maging mapagbigay, mapagmahal, at responsableng adulto. Mahirap gawin iyan!
Mabuti na lamang, may magandang halimbawa si Jesus sa mga magulang. Matututo sila sa pakikitungo niya sa kaniyang mga alagad. Hindi nagkaroon ng anak si Jesus. Ngunit nang piliin at sanayin niya ang kaniyang mga alagad, tinulungan niya sila para maipagpatuloy ang gawain kahit wala na siya. (Mateo 28:19, 20) Ganiyan din ang tunguhin ng mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak na maging responsable. Isaalang-alang ang tatlong halimbawang ibinigay ni Jesus para sa mga magulang.
‘Magbigay ng Parisan’ sa Inyong Anak
Noong malapit nang mamatay si Jesus, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo ay dapat din ninyong gawin.” (Juan 13:15) Sa katulad na paraan, kailangan ding ipaliwanag at ipakita ng mga magulang sa pamamagitan ng halimbawa kung ano ang ibig sabihin ng pagiging responsable.
Tanungin ang sarili: ‘Madalas ko bang banggitin sa positibong paraan ang pag-aasikaso ko sa aking mga pananagutan? Ikinukuwento ko ba ang kasiyahang nadarama ko sa pagtulong sa iba? O madalas akong magreklamo anupat inihahambing ko ang aking sarili sa mga waring mas masarap ang buhay?’
Sabihin pa, wala namang perpekto. Lahat tayo kung minsan ay nabibigatan sa buhay. Pero ang inyong halimbawa marahil ang pinakamabisang paraan upang tulungan ang inyong mga anak na makita na mahalagang maging responsable.
SUBUKIN ITO: Kung posible, isama paminsan-minsan ang inyong anak sa trabaho at ipakita sa kaniya kung ano ang ginagawa mo para suportahan ang inyong pamilya. Isama rin siya kapag tumutulong ka sa iba. Pagkatapos, pag-usapan ninyo kung paano kayo nasiyahan dito.—Gawa 20:35.
Maging Makatuwiran sa mga Inaasahan
Alam ni Jesus na kailangan ng panahon bago maging handa ang kaniyang mga alagad na gampanan ang mga gawain at pananagutan na inaasahan niya sa kanila. Minsan ay sinabi niya sa kanila: “Marami pa akong mga bagay na sasabihin sa inyo, ngunit hindi ninyo makakaya ang mga iyon sa kasalukuyan.” (Juan 16:12) Hindi agad hiniling ni Jesus sa kaniyang mga alagad na gawin nila ang anumang bagay sa ganang sarili nila. Sa halip, gumugol siya ng malaking panahon sa pagtuturo sa kanila ng maraming bagay. Nang inaakala ni Jesus na handa na sila, isinugo niya sila.
Sa katulad na paraan, hindi makatuwiran na ipapasan ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga pananagutan kung hindi pa sila handa. Pero habang lumalaki ang mga bata, dapat alamin ng mga magulang kung anong mga atas o gawain ang angkop para sa kanila. Halimbawa, kailangang turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na matutong maglinis ng kanilang sarili at ng kanilang silid, magbadyet ng pera, at maging nasa oras. Kapag nag-aaral na, dapat ipaunawa ng mga magulang na isang mahalagang pananagutan ng anak ang gawain sa paaralan.
Higit pa sa basta pagbibigay lamang ng mga pananagutan sa kanilang anak ang dapat gawin ng mga magulang. Dapat din nilang suportahan ang pagsisikap ng bata para magtagumpay. Nalaman ni George, ang ama na nabanggit kanina, na ang isang dahilan kung bakit nag-aalburoto si Michael kapag ipinaliligpit sa kaniya ang mga laruan niya ay dahil waring napakahirap na trabaho nito para sa kaniya. “Sa halip na sigawan si Michael para iligpit ang kaniyang mga laruan,” sabi ni George, “tinuruan ko siya kung paano ito madaling magagawa.”
Paano? Sinabi ni George: “Una, nagtakda ako ng oras upang iligpit ang mga laruan tuwing gabi. Pagkatapos, tinulungan ko si Michael na ayusin ang mga kalat sa silid. Ginawa ko itong laro—pabilisan kami kung sino ang unang matapos. Di-nagtagal, naging rutin na namin ito bago matulog. Ipinangako ko kay Michael na kung magagawa niya ito nang mabilis, may dagdag siyang isang kuwento bago matulog. Pero kung mabagal siya, maikli lang ang kuwento.”
SUBUKIN ITO: Alamin kung ano ang maaari ninyong ipagawa sa bawat isa sa inyong mga anak upang makatulong sa bahay. Tanungin ang sarili, ‘May mga bagay ba na ako pa rin ang gumagawa para sa aking mga anak kahit kaya naman nilang gawin ito?’ Kung oo, tulungan ang inyong mga anak hanggang sa kaya na nila itong gawing mag-isa. Ipaliwanag sa kanila na maaari silang parusahan o gantimpalaan depende sa kung paano nila ginawa ang kanilang atas. Pagkatapos, tuparin ang iyong sinabi.
Magbigay ng Espesipikong Tagubilin
Gaya ng magaling na guro, alam ni Jesus na ang pinakamainam na paraan upang matutuhan ang isang bagay ay sa pamamagitan ng paggawa nito. Halimbawa, nang maisip ni Jesus na kaya na ng kaniyang mga alagad, isinugo niya sila “nang dala-dalawa sa unahan niya sa bawat lunsod at dako na kaniya mismong paroroonan.” (Lucas 10:1) Pero hindi niya sila pinabayaan. Bago isugo, binigyan niya sila ng espesipikong mga tagubilin. (Lucas 10:2-12) Nang magbalik ang mga alagad upang ibalita ang kanilang nagawa, pinapurihan at pinatibay sila ni Jesus. (Lucas 10:17-24) Ipinaalam niya sa kanila na may tiwala siya sa kanilang kakayahan at na sinasang-ayunan niya sila.
Kapag ang inyong mga anak ay napapaharap sa mabibigat na pananagutan, ano ang ginagawa ninyo? Hinahayaan ba ninyo ang inyong mga anak na makaranas ng takot at kabiguan? Natural lamang na protektahan ang inyong anak.
Pero isipin ito: Tuwing poprotektahan o tutulungan ninyo ang inyong mga anak, anong mensahe ang ipinahihiwatig ninyo? Ipinakikita ba ninyo na nagtitiwala kayo sa kanila at naniniwala kayo sa kanilang mga kakayahan? O para bang sinasabi ninyo sa kanila na bata pa sila at dapat silang umasa sa inyo sa lahat ng bagay?
Halimbawa, ano ang ginawa ni Emily, na nabanggit kanina, tungkol sa problema ng kaniyang anak? Hinayaan niyang si Jenny mismo ang kumausap sa guro. Tinulungan niya si Jenny na isulat ang mga itatanong niya sa guro. Pagkatapos ay pinag-usapan nila kung kailan niya kakausapin ang kaniyang guro. Nagpraktis pa nga sila. “Nagkaroon si Jenny ng lakas ng loob na kausapin ang kaniyang guro,” ang sabi ni Emily, “at pinapurihan siya ng kaniyang guro dahil sa ginawa niya. Tuwang-tuwa si Jenny at gayundin ako.”
SUBUKIN ITO: Isulat ang problemang napapaharap sa inyong anak. Pagkatapos, isulat kung paano ninyo matutulungan ang inyong anak na maharap ang kanilang problema. Praktisin ito. Ipadama na nagtitiwala kayo sa kaniyang kakayahan.
Kung palagi ninyong ipagsasanggalang ang inyong mga anak mula sa problema, maaaring hinahadlangan ninyo ang kanilang kakayahang harapin ang mga hamon sa buhay. Sa halip, hayaang balikatin ng inyong mga anak ang kanilang responsibilidad. Ito ang isa sa pinakamahalagang pamana na maibibigay ninyo sa kanila.
^ par. 3 Binago ang mga pangalan.
TANUNGIN ANG SARILI . . .
-
Makatuwiran ba ang mga inaasahan ko sa aking mga anak?
-
Sinasabi at ipinakikita ko ba sa kanila kung paano magagawa nang tama ang kanilang atas?
-
Kailan ko huling pinatibay o pinapurihan ang aking anak?