Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magtiwala kay Jehova—Talagang Tutulungan Ka Niya

Magtiwala kay Jehova—Talagang Tutulungan Ka Niya

Magtiwala kay Jehova​—Talagang Tutulungan Ka Niya

Ayon sa salaysay ni Edmund Schmidt

Bago ako humarap sa hukuman sa New York noong Oktubre 1943, sumagi sa isip ko ang payo na nasa itaas. Pagtuntong ko ng 25 anyos, halos apat na taon na akong nabilanggo dahil sa pagiging neutral. Gaya ng unang mga tagasunod ni Jesus, desidido akong “sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Pero bago ko ikuwento ang tungkol diyan, hayaan mo munang ipaliwanag ko kung paano ako nagkaroon ng malaking tiwala sa Diyos.

ISINILANG ako noong Abril 23, 1922, sa Cleveland, Ohio, E.U.A., sa apartment namin sa itaas ng panaderya ng aking amang si Edmund. Makalipas ang apat na buwan, dumalo si Tatay sa isang kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya (ang tawag noon sa mga Saksi ni Jehova) sa Cedar Point, malapit sa Sandusky, mga 160 kilometro mula sa aming tirahan.

Sa kombensiyon, pinasigla ang mga dumalo na “ianunsiyo, ianunsiyo, ianunsiyo ang Hari [ng Diyos] at ang kaniyang kaharian.” Nang sumunod na Linggo, nagsimula nang mangaral si Tatay. Patuloy siyang nangaral sa loob ng 66 na taon hanggang sa kaniyang kamatayan noong Hulyo 4, 1988. Ang aking ina, si Mary, ay namatay nang tapat sa Diyos noong 1981.

Paglilingkod Kasama ng Aking mga Magulang

Ang aming pamilya ay dumadalo noon sa kongregasyong nagsasalita ng wikang Polako sa Cleveland. Tuwing Sabado ng hapon, kaming mga bata ay sumasama sa matatanda para mangaral ng mabuting balita sa bahay-bahay. Kapag Linggo naman, ang aming mga magulang ay nasisiyahan sa pakikinig sa isang pahayag sa Bibliya sa awditoryum na pinagtitipunan namin. Kasabay nito, kami namang mga bata, mga 30 kami, ay tinuturuan ng isang makaranasang guro sa Bibliya gamit ang isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya, ang The Harp of God. * Di-nagtagal ay nagtuturo na rin ako ng Bibliya sa iba, at may maiinam itong resulta.

Noong Hulyo 1931, dumalo ang aming pamilya sa isa pang kombensiyon ng mga Estudyante ng Bibliya sa Columbus, mga 160 kilometro sa timog. Kasama na namin ngayon ang kapatid kong si Frank. Sa kombensiyong iyon, buong-pusong tinanggap ng mga Estudyante ng Bibliya ang salig-Bibliyang pangalan na mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10-12) Ipinag-anyaya ko rin nang panahong iyon ang pahayag ni J. F. Rutherford, na nangangasiwa noon sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Sa loob ng mahigit 79 taon, naging pangunahin sa buhay ko ang paglilingkod sa Diyos na Jehova kasama ng kaniyang bayan.

Mabungang Paglilingkod sa Mahirap na mga Panahon

Noong 1933, naranasan ng daigdig ang matinding pagbagsak ng ekonomiya na tinatawag na Great Depression. Sa Estados Unidos, mahigit 15 milyong tao, o sangkapat ng mga manggagawa, ang walang trabaho. Baon sa utang ang mga lunsod, at walang maaasahang tulong mula sa pamahalaan ang mahihirap at matatanda. Pero nagtulungan ang mga kapatid na Kristiyano. Tuwing Linggo, nagdadala ng tinapay ang pamilya namin mula sa aming panaderya para ibahagi sa mga kapatid na nasa pinagpupulungan namin. Sa katapusan ng buwan, anumang perang natitira kay Tatay pagkatapos ng mga bayarin ay ipinadadala niya sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Alam niyang magagamit ang perang ito sa paglilimbag ng mga literatura sa Bibliya.

Nang panahong iyon, malaki ang ginampanang papel sa gawaing pangangaral ng pagbobrodkast sa radyo. Isinahimpapawid ng mahigit 400 istasyon ang mga pahayag sa Bibliya na binigkas sa aming mga kombensiyon. Noong dekada ng 1930, ang mga Saksi ay gumawa rin ng mga ponograpo at plaka sa Brooklyn. Ginamit namin ito sa pangangaral at iniulat kung ilang beses naming ipinarinig ang mga pahayag sa Bibliya sa mga di-Saksi at kung ilan ang nakinig dito.

Noong 1933 sa Alemanya, umupo sa kapangyarihan si Adolf Hitler at ang partidong Nazi. Dumanas ng matinding pag-uusig ang mga Saksi ni Jehova roon dahil sa kanilang pagiging neutral. (Juan 15:19; 17:14) Hindi sila nakibahagi sa pulitikal na mga gawain at ayaw nilang sumaludo kay Hitler kaya maraming Saksi sa Alemanya ang ibinilanggo o ipinadala sa mga kampong piitan. Marami ay pinatay; ang iba naman ay pinagtrabaho nang husto hanggang sa mamatay. Dahil sa malupit na pagtrato sa kanila, marami ang namatay pagkatapos na mapalaya. Pero lingid sa kaalaman ng marami ang pagmamaltratong dinanas ng mga Saksi ni Jehova sa iba pang lupain, kasali na sa Estados Unidos.

Noong 1940, dumalo kami sa isang kombensiyon sa Detroit, Michigan. Doon ako nabautismuhan noong Hulyo 28 bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos na Jehova. Isang buwan bago ang kombensiyong iyon, ipinasá ng Korte Suprema ng Estados Unidos ang batas na sinumang hindi sasaludo sa bandila ay patatalsikin sa paaralan. Ano ang ginawa ng mga Saksi? Marami sa kanila ang nagtayo ng sariling eskuwelahan para makapag-aral ang kanilang mga anak. Ang mga ito ay tinawag na Kingdom School.

Sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II noong Setyembre 1939 sa Europa, at nag-alab ang damdaming makabayan sa Estados Unidos. Ang mga kabataang Saksi ay niligalig at binugbog ng mga kabataan at adultong hindi nakauunawa sa aming pagiging neutral. Naiulat na mula 1940 hanggang 1944, mahigit 2,500 mararahas na pagsalakay ng mga mang-uumog ang naranasan ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos. Tumindi pa ang pag-uusig nang salakayin ng mga Hapones ang Pearl Harbor noong Disyembre 7, 1941. Ilang linggo bago nito, nagsimula akong maglingkod bilang isang payunir, ang tawag sa buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Nag-ipon ako ng pera at bumili ng isang pitong-metrong treyler na bahay, at ang ilan sa amin ay lumipat sa Louisiana para maglingkod doon.

Pag-uusig sa Timog

Pinayagan kami ng mga residente roon na iparada ang aming treyler sa isang taniman ng pecan malapit sa lunsod ng Jeanerette. Isang Sabado, nagpasiya kaming mangaral sa lansangan, pero inutusan ng hepe ng pulisya ang kaniyang mga tauhan na ikulong kami sa city hall. May mga 200 mang-uumog sa labas, at pinalabas kami ng mga pulis nang walang anumang ibinibigay na proteksiyon. Pero nakahinga kami nang maluwag nang paraanin kami ng mga mang-uumog. Kinabukasan, pumunta kami sa Baton Rouge, isang kalapít na malaking lunsod, upang ikuwento sa iba pang Saksi ang nangyari sa amin.

Pagbalik namin sa Jeanerette, may nakita kaming mensahe sa pinto ng aming treyler: “Puntahan n’yo ako sa kampo ng mga trabahador sa langisan.” May nakapirma ritong “E. M. Vaughn.” Natagpuan namin si Mr. Vaughn, at niyaya niya kaming kumain kasama nilang mag-asawa. Sinabi niyang naroon siya at ang kaniyang mga tauhan noong Sabado, at kung kinailangan, ipagtatanggol niya sana kami mula sa mga mang-uumog. Pinahalagahan namin ang kaniyang pampatibay-loob at suporta.

Kinabukasan, inaresto kami ng mga pulis na may baril at kinumpiska ang aming mga literatura. Kinuha nila ang mga susi ng treyler ko at ibinartolina ako nang 17 araw at halos walang pagkain. Sinikap ni Mr. Vaughn na matulungan kami, pero wala ring nangyari. Habang nakabilanggo, ninakawan kami ng mga mang-uumog at sinunog ang lahat ng gamit namin, pati na ang treyler ko. Hindi ko naisip noon na inihahanda pala ako ni Jehova para sa isang bagay na malapit ko nang harapin.

Pagkabilanggo sa Hilaga

Isang buwan pagkaalis ko sa Louisiana, naatasan ako bilang special pioneer sa Olean, New York, kasama ng iba pang Saksi. Habang naroroon, ipinatawag ako ng gobyerno para magparehistro sa pagsusundalo. Inirehistro nila ako bilang isa na ayaw magsundalo dahil sa budhi. Pero nang maipasá ko ang medikal na pagsusuri, ang papeles ko ay tinatakan ng “Candidate for Officers Training Academy.”

Nakapagpayunir pa ako nang mga isang taon. Pero noong 1943, inaresto ako ng FBI dahil ayaw kong ihinto ang aking pangangaral at hindi ako nagreport para sa militar na pagsasanay. Pinagreport nila ako sa hukuman sa Syracuse, New York, nang sumunod na linggo. Idinemanda ako at iniskedyul na litisin makalipas ang dalawang araw.

Ako na ang tumayong abogado para sa sarili ko. Sa aming mga Kristiyanong pagpupulong, tinuturuan kaming mga kabataang Saksi kung paano ipagtatanggol sa hukuman ang aming mga karapatan ayon sa konstitusyon at kung paano kami kikilos habang naroroon. Tinandaan kong mabuti ang payo na nabanggit sa pasimula ng artikulong ito. Nagrereklamo ang ilang abogadong nagsasakdal dahil mas marami raw nalalaman ang mga Saksi tungkol sa batas kaysa sa kanila! Gayunpaman, nahatulan pa rin akong maysala. Nang magtanong ang hukom kung may nais pa akong sabihin, sinabi ko, “Ang bansa ay nililitis ngayon sa harap ng Diyos batay sa pakikitungo nito sa mga lingkod niya.”

Nahatulan ako ng apat-na-taóng pagkabilanggo sa Chillicothe, Ohio. Doon, naatasan ako bilang sekretarya ng isang opisyal ng bilangguan. Pagkaraan ng ilang linggo, dumating sa aming opisina ang isang imbestigador mula sa Washington, D.C., at nagsabing iniimbestigahan nila si Hayden Covington. Siya ang abogado ng mga Saksi ni Jehova at kilala bilang isa sa pinakamagaling na abogado sa Amerika.

Sinabi rin ng imbestigador na gusto niya ang kumpletong rekord ng dalawang bilanggo​—sina Danny Hurtado at Edmund Schmidt. “Tingnan mo nga naman,” ang sabi ng superbisor ko, “eh ito si Mr. Schmidt.” Lihim pala ang misyon ng imbestigador, pero nalaman namin ito. Di-nagtagal, inilipat ako ng trabaho sa kusina.

Pagpapayunir, Bethel, at Pag-aasawa

Napalaya ako noong Setyembre 26, 1946 at muli akong nagpayunir, ngayon naman, sa Highland Park Congregation sa California. Noong Setyembre 1948, naabot ko rin ang matagal ko nang tunguhin. Naanyayahan akong maglingkod bilang panadero sa punong-tanggapan (Bethel) sa Brooklyn, kung saan ginagawa ang mga literatura sa Bibliya na ginagamit namin sa pangangaral sa buong daigdig. Agad akong nagbitiw sa aking trabaho bilang pastry chef sa isang restawran sa Glendale at naglingkod sa Bethel.

Makalipas ang pitong taon, noong 1955, may ilang internasyonal na kombensiyon na ginanap sa Europa. Pinamasahihan ako ng pamilya ko para makadalo. Tuwang-tuwa ako sa mga kombensiyon sa London, Paris, Roma, at lalo na sa Nuremberg, Alemanya. Mahigit 107,000 katao ang naroon sa napakalaking istadyum, kung saan may-pagmamalaking tinipon noon ni Hitler ang kaniyang sandatahang-lakas. Naroon din sa kombensiyong iyon ang mga Saksi na isinumpang lipulin ni Hitler. Isa ngang pambihirang karanasan na makasama sila!

Doon ko rin nakilala at inibig ang isang Saksing Aleman​—si Brigitte Gerwien. Pagkalipas ng wala pang isang taon, nagpakasal kami at bumalik sa Glendale upang manirahan malapit sa aking mga magulang. Ang panganay naming anak, si Tom, ay isinilang noong 1957, ang pangalawa, si Don, noong 1958, at si Sabena, noong 1960.

Isang Kasiya-siyang Buhay

Tinatanong ako ng ilan kung pinagsisisihan ko ba ang paglilingkod sa Diyos dahil nabilanggo ako at dumanas ng mga pang-uumog. Ang totoo, nagpapasalamat ako kay Jehova dahil binigyan niya ako ng pagkakataon na paglingkuran siya kasama ng napakaraming tapat na mga lingkod niya. Mapatibay sana ng karanasan ko ang iba na maging malapít sa Diyos at huwag kailanman iwan si Jehova.

Maraming lingkod ng Diyos ang nagdusa dahil sa paglilingkod sa kaniya. Pero hindi ba’t inaasahan na natin iyan? “Lahat niyaong mga nagnanasang mabuhay na may makadiyos na debosyon may kaugnayan kay Kristo Jesus ay pag-uusigin din,” ang sabi ng Bibliya. (2 Timoteo 3:12) Pero napatunayan kong totoo ang binabanggit sa Awit 34:19: “Marami ang mga kapahamakan ng matuwid, ngunit mula sa lahat ng mga iyon ay inililigtas siya ni Jehova”!

[Talababa]

^ par. 7 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na ngayon inililimbag.

[Larawan sa pahina 27]

Pangangaral sa Louisiana noong unang mga taon ng dekada ng 1940

[Larawan sa pahina 29]

Bilang panadero sa punong-tanggapan

[Larawan sa pahina 29]

Kasama ang aking asawang si Brigitte