2 Kanino Dapat Manalangin?
Panalangin
2 Kanino Dapat Manalangin?
IISA lamang ba ang pinatutunguhan ng lahat ng panalangin, sinuman ang tawagin ng mga tao? Iyan ang iniisip ng marami sa ngayon. Sang-ayon dito ang mga sumusuporta sa interfaith na gustong maging katanggap-tanggap ang lahat ng relihiyon. Pero posible kayang nagkakamali sila?
Itinuturo ng Bibliya na maraming panalangin ang hindi nakararating sa Diyos. Nang panahong isinusulat ang Bibliya, karaniwan sa mga tao na manalangin sa mga inukit na imahen. Pero paulit-ulit na nagbabala ang Diyos sa bagay na ito. Halimbawa, sinasabi ng Awit 115:4-6 tungkol sa mga idolo: “May mga tainga sila, ngunit hindi sila makarinig.” Maliwanag, bakit ka mananalangin sa diyos na hindi naman makaririnig sa iyo?
Malinaw itong ipinakikita sa isang ulat sa Bibliya. Hinamon ng tunay na propetang si Elias ang mga propeta ni Baal na manalangin sa kanilang diyos at siya naman ay mananalangin sa kaniyang Diyos. Sinabi ni Elias na ang makasasagot sa panalangin ang siyang tunay na Diyos. Tinanggap ng mga propeta ni Baal ang hamon at nanalangin sila nang mahaba at madamdamin, nang may paghiyaw pa nga—pero walang nangyari! Sinasabi ng ulat: “Walang sinumang sumasagot, at walang nagbibigay-pansin.” (1 Hari 18:29) Ano naman ang nangyari nang manalangin si Elias?
Sumagot agad ang kaniyang Diyos, at nagpadala ng apoy mula sa langit at tinupok ang kaniyang handog. Bakit sinagot ang kaniyang panalangin? Makikita ang sagot sa mismong panalangin ni Elias na nakaulat sa 1 Hari 18:36, 37. Napakaikling panalangin nito—mga 30 salita lamang sa orihinal na wikang Hebreo. Pero tatlong beses na tinawag ni Elias ang Diyos sa kaniyang personal na pangalan—Jehova.
Si Baal, nangangahulugang “may-ari” o “panginoon,” ang diyos ng mga Canaanita. May mga diyos sa iba’t ibang lugar na tinatawag ding Baal. Pero ang pangalang Jehova ay natatangi—tumutukoy lamang ito sa iisang Persona sa buong sansinukob. Sinabi niya sa kaniyang bayan: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian.”—Isaias 42:8.
Kaya iisa lamang ba ang pinatunguhan ng panalangin ni Elias at ng mga propeta ni Baal? Dahil sa pagsamba kay Baal, nawawalang-dangal ang mga tao yamang mayroon itong ritwal ng prostitusyon at paghahandog ng tao. Sa kabaligtaran, napararangalan ng pagsamba kay Jehova ang kaniyang bayan, ang Israel, dahil pinalalaya sila nito mula sa nakapagpaparuming mga gawain. Pag-isipan ito: Kung susulat ka sa isang iginagalang na kaibigan, ipapangalan mo ba ito sa ibang tao na ang
pangalan at reputasyon ay ibang-iba sa iyong kaibigan? Siyempre hindi!Kapag nananalangin ka kay Jehova, nananalangin ka sa Maylalang, ang Ama ng sangkatauhan. * Sinabi ni propeta Isaias sa kaniyang panalangin: “Ikaw, O Jehova, ang aming Ama.” (Isaias 63:16) Kaya siya ang Isa na tinutukoy ni Jesu-Kristo nang sabihin niya sa kaniyang mga tagasunod: “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.” (Juan 20:17) Si Jehova ang Ama ni Jesus. Siya ang Diyos na nilapitan ni Jesus sa panalangin at ang itinuro niya sa kaniyang mga tagasunod na dapat tawagin kapag nananalangin.—Mateo 6:9.
Tinuturuan ba tayo ng Bibliya na manalangin kay Jesus, kay Maria, sa mga santo, o sa mga anghel? Hindi—kay Jehova lamang. Bakit? Una, ang panalangin ay isang anyo ng pagsamba, at sinasabi ng Bibliya na si Jehova lamang ang dapat sambahin. (Exodo 20:5) Ikalawa, sinasabi ng Bibliya na siya ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Bagaman si Jehova ay nagbibigay ng mga pananagutan sa iba, hindi niya kailanman ipinasa sa kaninuman ang pananagutang ito. Siya ang Diyos na nangangakong siya mismo ang makikinig sa ating mga panalangin.
Kaya kung gusto mong dinggin ng Diyos ang iyong mga panalangin, tandaan ang payo ng Bibliya: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” (Gawa 2:21) Pero dinirinig ba ng Diyos ang lahat ng panalangin? O mayroon pa tayong dapat malaman kung gusto nating dinggin tayo ni Jehova?
[Talababa]
^ par. 9 Ayon sa ilang relihiyosong paniniwala, hindi raw dapat bigkasin ang personal na pangalan ng Diyos, kahit sa panalangin. Pero ang pangalang iyan ay lumilitaw nang mga 7,000 ulit sa orihinal na mga wika ng Bibliya, at sa maraming pagkakataon ay sa mga panalangin at awit ng tapat na mga lingkod ni Jehova.
[Larawan sa pahina 5]
Pinatunayan ng hamon ni Elias sa mga propeta ni Baal na hindi lahat ng panalangin ay may iisang pinatutunguhan