Susi sa Maligayang Pamilya
Ikintal sa Iyong mga Anak ang mga Pamantayang Moral
Si Loida, * isang ina sa Mexico, ay nagsabi: “Namimigay ng mga kondom sa eskuwelahan, kaya iniisip ng mga tin-edyer na okey lang ang makipag-sex—basta gumamit lang ng kondom para sa ‘ligtas’ na sex.”
Si Nobuko, isang ina sa Japan, ay nagsabi: “Tinanong ko ang aking anak na lalaki kung ano ang gagawin niya kung sila lamang ng girlfriend niya ang magkasama sa isang lugar. Ang sagot niya, ‘Ewan ko po.’”
NANG paslit pa ang iyong anak, ginawa mo ba ang lahat para maging ligtas siya sa inyong tahanan? Marahil tinakpan mo ang mga saksakan ng kuryente, itinago ang matatalim na bagay, at hinarangan ang mga hagdan.
Sana nga ganiyan din kadaling protektahan ang iyong tin-edyer na anak! Ngayon, mas marami kang ikinababahala, gaya ng: ‘Nanonood kaya ng pornograpya ang aking anak na lalaki?’ ‘Ang anak ko bang dalaga ay nakikipag-‘sexting’—nagpapadala ng mahahalay na litrato niya sa cellphone?’ At ang nakatatakot na tanong ay, ‘Nakikipag-sex na ba ang aking tin-edyer na anak?’
Akala Mo’y Kontrolado Mo Sila
May mga magulang na bantay-sarado sa kanilang tin-edyer na mga anak. Nang maglaon, natuklasan ng marami sa kanila na dahil sa gayong pagmamanman, natutong maglihim sa kanila ang kanilang mga anak. Naging eksperto na ang mga ito sa pagtatago ng mismong paggawi na hinahadlangan ng mga magulang.
Maliwanag, hindi solusyon ang pagkontrol sa kanila. Hindi ginagamit ng Diyos na Jehova ang paraang iyan upang sumunod ang kaniyang mga nilalang, kaya hindi mo rin dapat gawin iyan bilang isang magulang. (Deuteronomio 30:19) Kaya paano mo matutulungan ang iyong tin-edyer na mga anak na gumawa ng matalinong pasiya tungkol sa moralidad?—Kawikaan 27:11.
Ang mahalagang paraan ay ang makipag-usap sa iyong mga anak at simulan ito habang sila ay bata pa. * (Kawikaan 22:6) Kahit tin-edyer na sila, makipag-usap pa rin sa kanila. Bilang magulang, dapat na ikaw ang pangunahing pinagkukunan ng maaasahang impormasyon ng iyong anak na tin-edyer. “Akala ng marami, mas gusto naming makipag-usap sa aming mga kaibigan tungkol sa sex,” sabi ni Alicia na taga-Britanya. “Hindi totoo iyan. Gusto namin na sa aming mga magulang manggaling ang impormasyong ito. Sa kanila kami nagtitiwala.”
Kailangan ang Mabubuting Pamantayan
Habang lumalaki ang mga bata, hindi lamang impormasyon tungkol sa sex ang kailangan nila. Dapat ding ‘masanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’ (Hebreo 5:14) Sa maikli, kailangan nilang magkaroon ng mapanghahawakang mga paniniwala tungkol sa tamang paggawi tungkol sa sex at mamuhay ayon sa mga ito. Paano mo maikikintal ang mabubuting pamantayan sa iyong tin-edyer na anak?
Suriin mo muna ang iyong mga pamantayan. Halimbawa, baka naninindigan kang mali ang pakikiapid—ang pagtatalik ng mga hindi mag-asawa. (1 Tesalonica 4:3) Malamang, alam din iyan ng iyong mga anak; baka sipiin pa nga nila ang mga teksto sa Bibliya na saligan ng iyong paniniwala. Kapag tinanong, baka sabihin nilang masama ang pagtatalik bago ang kasal.
Ngunit higit pa ang kailangan. Ayon sa aklat na Sex Smart, ang ilang kabataan ay maaaring sumasang-ayon lamang sa mga paniniwala ng kanilang mga magulang tungkol sa sex, pero “hindi sila tiyak kung ano ang kanilang magiging sariling pasiya. Kapag napaharap sa isang di-inaasahang sitwasyon o gipit na kalagayan, hindi na nila alam kung ano ang puwede at hindi puwede, nalilito sila at napapasubo.” Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang mga pamantayan. Paano mo matutulungan ang iyong tin-edyer na anak na magkaroon ng gayong mga pamantayan?
Gawing malinaw ang iyong mga pamantayan.
Naniniwala ka ba na ang sex ay para lamang sa mag-asawa? Kung gayon, sabihin mo ito nang malinaw at madalas sa iyong tin-edyer na anak. Ayon sa aklat na Beyond the Big Talk, ipinakikita ng pananaliksik na “sa mga tahanan kung saan malinaw na sinasabi ng mga magulang sa kanilang mga anak na hindi sila sang-ayon sa pakikipag-sex ng mga tin-edyer, mas malamang na hindi ito gawin ng kanilang tin-edyer na anak.”
Sabihin pa, gaya ng nabanggit na, ang basta pagsasabi ng iyong mga pamantayan ay hindi garantiya na mamumuhay ang iyong anak ayon dito. Pero ang matatag na mga pamantayang moral ng pamilya ay magiging pundasyon nila. At natuklasan ng mga pagsusuri na sa dakong huli, tinutularan ng maraming kabataan ang mga pamantayan ng kanilang mga magulang kahit na waring hindi sila gumawi ayon dito noong tin-edyer pa sila.
SUBUKIN ITO: Gamitin ang isang balita upang simulan ang pag-uusap at ipahiwatig ang iyong mga pamantayan. Halimbawa, kung may balita tungkol sa isang krimen sa sex, maaari mong sabihin: “Nangingilabot ako kung paano pinagsasamantalahan ng ilang kalalakihan ang mga babae. Saan kaya nila nakukuha ang mga ideyang iyon?”
Ituro ang buong katotohanan tungkol sa sex.
Mahalaga ang mga babala. (1 Corinto 6:18; Santiago 1:14, 15) Pero sa Bibliya, pangunahin nang inilalarawan ang sex bilang isang regalo mula sa Diyos, hindi bilang isang bitag ni Satanas. (Kawikaan 5:18, 19; Awit ni Solomon 1:2) Kung mga panganib lamang ang sasabihin mo sa iyong tin-edyer na mga anak, maaari silang magkaroon ng pilipit at maling pangmalas sa sex. “Lagi na lang binabanggit ng mga magulang ko ang seksuwal na imoralidad,” sabi ni Corrina, isang dalagang taga-Pransiya, “nagkaroon tuloy ako ng negatibong saloobin tungkol sa sex.”
Tiyakin na nalalaman ng iyong mga anak ang buong katotohanan tungkol sa sex. Si Nadia na isang ina mula sa Mexico ay nagsabi: “Sinisikap kong ituro sa aking tin-edyer na mga anak na maganda at normal lang ang sex. Ibinigay ito ng Diyos na Jehova sa mga tao upang masiyahan sila. Pero mga mag-asawa lamang ang dapat gumawa nito. Maaari itong magdulot sa atin ng kaligayahan o pagdurusa, depende sa kung paano natin ito ginagamit.”
SUBUKIN ITO: Sa susunod na makipag-usap ka sa iyong tin-edyer na anak tungkol sa sex, gawin itong positibo. Huwag matakot na ilarawan ang sex bilang isang magandang regalo mula sa Diyos na maaaring magdulot sa kaniya ng kasiyahan kapag nag-asawa na siya balang-araw. Sabihin na nagtitiwala kang gagawi siya ayon sa mga pamantayan ng Diyos hanggang sa dumating ang panahong iyon.
Tulungan silang isaalang-alang ang mga kahihinatnan.
Para makapagdesisyon
nang tama, kailangang makita ng mga tin-edyer ang mga mapagpipilian nila, at saka timbang-timbangin ang mga bentaha at disbentaha. Huwag isipin na sapat nang malaman nila kung ano ang tama at mali. “Kapag naaalaala ko ang mga pagkakamali ko noong aking kabataan,” ang sabi ni Emma, isang Kristiyanong taga-Australia, “masasabi kong hindi komo alam mo ang mga pamantayan ng Diyos ay sang-ayon ka na sa mga ito. Mahalagang maunawaan ang mga pakinabang ng mga pamantayang ito at ang mga resulta ng paglabag sa mga ito.”Makatutulong ang Bibliya, dahil marami sa mga utos nito ang bumabanggit din ng masasamang bunga ng maling paggawi. Halimbawa, pinasisigla ng Kawikaan 5:8, 9 ang mga kabataang lalaki na umiwas sa pakikiapid “upang hindi mo maibigay sa iba ang iyong dangal.” Gaya ng ipinakikita ng mga talatang iyon, nadurungisan ng mga nakikiapid ang kanilang magandang reputasyon, nasisira ang kanilang kaugnayan sa Diyos, at naiwawala nila ang paggalang sa sarili. Kaya malamang na hindi sila magustuhan ng mapipisil nilang mapangasawa na may gayong mga katangian. Kung pag-iisipan ng tin-edyer na mga anak ang pisikal, emosyonal, at espirituwal na mga panganib ng paglabag sa mga kautusan ng Diyos, maaari silang maging determinadong sundin ang mga ito. *
SUBUKIN ITO: Gumamit ng mga ilustrasyon upang tulungan ang tin-edyer mong anak na makita ang karunungan ng mga pamantayan ng Diyos. Halimbawa, puwede mong sabihin: “Kapaki-pakinabang ang apoy, pero maaari din itong pagmulan ng sunog. Paano mo ito maiuugnay sa mga limitasyong itinakda ng Diyos may kinalaman sa sex?” Gamitin ang ulat sa Kawikaan 5:3-14 para tulungan ang iyong tin-edyer na anak na maunawaan ang mga pinsalang dulot ng pakikiapid.
Ganito ang sabi ni Takao, isang 18 anyos sa Japan: “Alam kong dapat kong gawin ang tama, pero kailangan kong patuloy na paglabanan ang pagnanasa ng laman.” Hindi nag-iisa ang mga kabataang gaya ni Takao. Kahit si apostol Pablo na isang matibay na Kristiyano ay umamin: “Kapag nais kong gawin ang tama, yaong masama ay narito sa akin.”—Roma 7:21.
Dapat malaman ng mga tin-edyer na ang gayong pakikipagpunyagi ay hindi laging masama. Maaari itong tumulong sa kanila na pag-isipan kung anong uri ng pagkatao ang gusto nila. Makatutulong ito sa kanila na masagot ang tanong na, ‘Gusto ko bang ako ang may kontrol sa aking buhay at makilala bilang isa na may magandang reputasyon at integridad, o makilala bilang isa na sunud-sunuran sa aking mga pagnanasa?’ Ang pagkakaroon ng matataas na pamantayang moral ay tutulong sa iyong tin-edyer na anak na sagutin iyan nang may katalinuhan.
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
^ par. 10 Para sa mga mungkahi kung paano ipakikipag-usap sa inyong mga anak ang tungkol sa sex at kung anong impormasyon ang angkop sa kanilang edad, tingnan Ang Bantayan, isyu ng Nobyembre 1, 2010, pahina 12-14.
^ par. 22 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Makatutulong Kaya sa Relasyon Namin ang Sex?” sa Gumising!, isyu ng Abril 2010, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
TANUNGIN ANG SARILI . . .
-
Paano ko malalaman na may matibay na pamantayang moral ang aking tin-edyer na anak?
-
Kapag ipinakikipag-usap sa aking tin-edyer na anak ang tungkol sa sex, inilalarawan ko ba ito bilang isang regalo mula sa Diyos o bilang isang bitag ni Satanas?