Mga Pagpapala ng mga Pandistritong Kombensiyon sa Russia Noong Tag-init
Mga Pagpapala ng mga Pandistritong Kombensiyon sa Russia Noong Tag-init
TUWING tag-init, gustung-gusto ng mga Rusong mahilig sa kalikasan na umalis sa siyudad at magpunta sa probinsiya sa mga bahay-bakasyunan na tinatawag na dacha. Para sa kanila, panahon ito para kalimutan muna ang abalang buhay sa lunsod. Sa nakalipas na mga tag-init, ang mga Saksi ni Jehova sa Russia ay nagpupunta rin sa probinsiya—pero sa ibang dahilan.
Kahit ipinagbabawal ang kanilang pangangaral sa ilang lunsod, ang mga Saksi ni Jehova sa Russia ay patuloy na nagtitipon para sumamba, na karapatan naman nila ayon sa konstitusyon. Pero sa ilang kaso, dahil sa pagsalansang at panggigipit ng mga klero ng Russian Orthodox o ng awtoridad na may maling impormasyon tungkol sa mga Saksi, naging mahirap para sa kanila na makakuha ng permit upang makagamit ng angkop na mga pasilidad para sa kanilang taunang mga pandistritong kombensiyon kapag tag-init. Kaya nagsaayos ang mga Saksi ng mga kombensiyon sa “kagubatan” o “kabukiran.” Mula noong 2007 hanggang 2009, ang gayong espirituwal na “mga piknik” ay idinaos nang halos 40 ulit sa 25 lokasyon sa buong Russia.
Naalaala ng isang Saksi na maraming taon nang dumadalo sa mga kombensiyon sa Russia:
“Noong umaarkila pa kami ng mga istadyum at gusali sa malalaking lunsod, maraming taimtim na tao at mga awtoridad ang nagkaroon ng magandang impresyon sa organisasyon dahil sa ating kalinisan at kaayusan. Ngayon ay napipilitan kaming magtipon sa kagubatan kaya hindi nakikita ng mga tao ang kahanga-hangang mga pagtitipong ito na dinadaluhan ng mga taong iba’t iba ang lahi, relihiyon, at kalagayan sa buhay.”Bagaman masasayang okasyon ang mga pagtitipong ito, sinabi ng isang Saksi: “Isang kagalakang makita ang pagsasakripisyo at pagkamatapat ng mga kapuwa Saksi na patuloy na naglilingkod kahit sa mahihirap na kalagayan. Pero sa totoo, kapag pinahihirapan kami ng mga awtoridad na magdaos ng mga kombensiyon, talagang naaapektuhan kami sa pisikal at emosyonal na paraan. Nalilimitahan din nito ang aming kalayaang sumamba sa Diyos na makapangyarihan-sa-lahat sa marangal na paraan.” Paano naharap ng mga Saksi ni Jehova sa Russia ang hamong ito?
Mga Kombensiyon sa Kagubatan sa Buong Bansa
Kadalasan, dahil sa biglaang pagkansela ng mga kontrata sa pag-arkila, ang mga tagapag-organisa ng kombensiyon ay kailangang makagawa ng alternatibong kaayusan sa loob lamang ng ilang araw para sa libu-libong delegado. Halimbawa, noong 2008, idinaos ng mga Saksi sa Cheboksary, Chuvash Republic, ang pandistritong kombensiyon sa isang malaking campground na napalilibutan ng mga punong birch at mula rito ay matatanaw ang Ilog Volga. Napakalaking trabaho nito. Sa 1,930 inaasahang delegado, 1,700 ang kailangang bigyan ng matutulugan sa campground. Kailangan nila ng mga paliguan at lababo na may mainit at malamig na tubig, palikuran, at kuryente. At lahat ng delegado ay kailangang paglaanan ng pagkain.
Puspusang nagtrabaho ang mga boluntaryo para mailaan ang kinakailangan ng mga delegado. Bukod sa mga karpintero, elektrisyan, at mga tubero, isang grupo ng 350 boluntaryo ang tumulong. Ang 14 sa kanila ay tumira nang sampung araw sa campground. Naglagari sila ng mga tabla, naghakot ng dayami, nagtayo ng mga tolda, at nag-instala ng mga paliguan at palikuran. Ang isang grupo naman ng mga kapatid ay nagparoo’t parito sa bayan para bumili ng mga suplay. Yamang walang cold-food storage, nagpasiya ang mga kapatid na magluto nang tatlong beses sa isang araw sa campground. Nakipagtulungan naman ang administrasyon ng campground sa pamamagitan ng pag-upa ng ilang trabahador upang maghanda ng pagkain para sa mga delegado. Lahat-lahat, 500 delegado ang nagdala ng kanilang sariling tolda, 150 ang umupa ng bahay malapit sa campground, 15 ang masayang natulog sa inilatag na dayami sa kuwadra, at ang iba naman ay tumira sa mga toldang itinayo ng mga kapatid.
Pagdating ng mga delegado, nakita nila ang maayos na hilera ng mga plastik na upuang kulay asul na animo’y dagat. Nasa harap ang dalawang simpleng entablado na pinalamutian ng mga bulaklak, isa para sa programa sa wikang Ruso at ang isa naman para sa wikang Chuvash. Nasiyahan ang lahat sa programa ng pagtuturo tungkol sa Bibliya at pinahalagahan ang puspusang paggawa ng mga boluntaryo. Isa sa mga naghahanda ng pagkain ay nagsabi, “Naniwala lang ako na may mahusay at disiplinadong organisasyon na gaya ninyo nang makita ko ito mismo ng aking mata!” Inihalintulad ng ilan ang mga kaayusan sa kombensiyon sa Kapistahan ng mga Kubol na ipinagdiriwang ng bansang Israel noong panahon ng Bibliya.
Sa ibang mga lunsod, ang mga Saksi ay may isang araw lamang upang humanap at
maghanda ng alternatibong mapagdarausan ng pandistritong kombensiyon. Nangyari ito sa Nizhniy Novgorod, kung saan sa loob ng 24 oras, ang mga boluntaryo ay nagrelyebo sa pagtatrabaho sa pribadong lupa na pagdarausan ng kombensiyon. Pinutol nila ang mga punungkahoy at mga palumpong, tinabas ang damo, at nilinis para mawala ang mga garapata at langgam. Pagdating ng mga delegado noong Biyernes ng umaga, ang mga boluntaryo ay nakapaglagay na ng 2,000 plastik na upuan, sampung palikuran, mga lababong may tubig, entablado, genereytor, at sound system. Sinabi ng isang brother: “Ang lubhang kahanga-hangang bagay na napansin ko sa mga kapatid na nagrelyebo nang 24 oras ay ayaw nilang ituring silang mga bida. Sa halip, mapagpakumbaba silang patuloy na naglingkod sa iba noong panahon ng kombensiyon. Literal na ibinigay nila ang kanilang buong lakas upang ang kanilang mga kapatid ay maging komportable at masiyahan sa pagtuturo mula sa Bibliya.”Sumulat naman ang isang brother: “Damang-dama mo ang pagtutulungan ng bawat isa. Kahit na ito ang unang pagkakataong nag-organisa ang mga kapatid ng isang outdoor convention at kaunti lamang ang panahon sa paggawa nito, inisip nila ang lahat ng bagay upang sa panahon ng programa, walang gaanong pang-abala. Pagkatapos, hindi kami nakadama ng pagod. Para bang binigyan ni Jehova ang bawat isa sa amin ng pakpak upang mabilis na matapos ang gawain!”
Ang Pagkilos ng Espiritu ng Diyos
Sa maraming paraan, nang malutas ang mga problema tungkol sa pagdarausan ng kombensiyon, lalong napalapít sa isa’t isa ang mga Saksi roon at nakita nila ang pagkilos ng espiritu ng Diyos. Sa Smolensk, kinansela ang maraming nakareserbang tutuluyan noong gabi ng kombensiyon. Sinabi ng isang elder: “Pagdating ng ilang bus ng mga delegado noong ala-una ng umaga, wala silang matutuluyan. Napaiyak ako dahil wala akong magawa. Nanalangin ako kay Jehova at nagsumamo sa kaniya na sana’y malutas na ang problema. Tuwang-tuwa ako nang makalipas ang isang oras ay may nakita kaming matutuluyan para sa lahat! Talagang hindi pinababayaan ni Jehova ang mga matuwid!” Sa isa pang kombensiyon sa kagubatan, ang mga kapatid ay humingi ng tulong sa mga tagaroon kung puwede silang magpatulóy ng mga delegado, at dahil sa mabuting reputasyon ng mga Saksi sa lugar na iyon, kusang pinatuloy ng mga tagaroon ang 2,000 delegado sa kanilang tahanan noong panahon ng kombensiyon.
“Dahil matagumpay na naidaos ang mga kombensiyon, masasabing napakahalagang manalig kay Jehova sa lahat ng kalagayan,” ang sabi ng isang Saksi. Totoo ito lalo na nang dumating ang di-inanyayahang “mga bisita” upang guluhin ang kombensiyon. Sa Novoshakhtinsk, dumating ang klero ng Russian Orthodox na may kasamang mga nagpoprotesta. Gamit ang mga mikropono, umawit sila ng mga himno at nag-ingay upang hindi marinig ang nagsasalita sa kombensiyon. Pero hinadlangan sila ng mga pulis. Nang himatayin dahil sa init ang isang babaing Ortodokso na kasama sa mga nagpoprotesta, dinala siya ng mga kapatid sa First Aid Department at nilapatan ng paunang lunas. Gulát na gulát siya dahil tinulungan siya ng mga kapatid.
Namangha sa Kanilang Nakita
Dahil sa banta ng terorismo sa Russia, ang malalaking pagtitipon ay madalas na nakatatawag ng pansin ng mga opisyal ng pulisya at ng mga tao. Halimbawa, ang mga kinatawan ng anti-extremism police squad ay nagmasid sa kombensiyon na idinaos sa kagubatan sa Volzhskiy. Nawala ng isa sa kanila ang kaniyang cellphone noong panahon ng programa, at tinulungan siya ng mga kapatid na hanapin ito sa Lost and Found Department. Di-nagtagal, tinawagan siya ng kaniyang superyor, at gusto nitong malaman kung mayroon bang anumang karahasan o kaguluhan sa kombensiyon. Ang opisyal ay sumagot: “Maayos naman po ang lahat; 5,000 katao ang narito at wala pong mga paglabag. Kaguluhan ba ’ika n’yo? Sa maniwala kayo o hindi, nawala ko ang cellphone ko, at nakita nila ito at isinauli sa akin!”
Humanga naman ang isang guwardiya sa kalinisan ng lugar at nagulat siya na kahit napakaraming bata, wala siyang nakitang kahit isang pambalot ng kendi. Sa isa pang kombensiyon, sinalubong ng may-ari ng campground ang pulis na tinimbrihan tungkol sa isang malaking relihiyosong pagtitipon. Dinala niya ang tenyente sa balkonahe sa ikatlong palapag ng isang gusali kung saan matatanaw ang campground at nagsabi: “Tingnan ninyo sila! Napakaayos nila!” Namangha ang may-ari dahil ang mga Saksi ay hindi umiinom o naninigarilyo at iniiwan nilang malinis ang lugar. Iniuuwi pa nga nila ang kanilang basura. Nasabi niya: “Para itong paraiso!”
Kitang-kita ang Pagkakaisa sa Bayan ng Diyos
Matapos ang isang kombensiyon sa kagubatan, isang pinuno ng kalapít na nayon ang nagsabi: “Alam kong mapagpakumbaba kayo at nagagawa ninyong pagkaisahin ang mga tao, samantalang kami ay kaniya-kaniya.” Mula sa Kaliningrad hanggang sa Kamchatka, patuloy na humahanga ang mga mamamayan ng napakalawak na bansang ito sa pagkakaisa na ipinakikita ng bayan ng Diyos sa kanilang malalaking espirituwal na pagtitipon. Gaano man kabilis at di-inaasahan ang mga pagbabago sa kanilang mga plano, isang bagay ang tiyak—magalang pa rin sila sa mga awtoridad at sa kanilang kapuwa.
Anuman ang maging kalagayan nila, ang mga Saksi ni Jehova sa Russia ay patuloy at may-kagalakang magtitipon para tumanggap ng pagtuturo mula sa Bibliya. Nananalangin sila “may kinalaman sa mga hari at sa lahat niyaong mga nasa mataas na katayuan; upang makapagpatuloy [silang] mamuhay ng isang payapa at tahimik na buhay na may lubos na makadiyos na debosyon at pagkaseryoso.”—1 Timoteo 2:2.
[Blurb sa pahina 27]
Isang boluntaryong Saksi na tumutulong sa paghahanda ng pagdarausan ng kombensiyon
[Blurb sa pahina 29]
Ang mga Saksi ni Jehova sa Russia ay patuloy na namumuhay ng “isang payapa at tahimik na buhay na may lubos na makadiyos na debosyon”
[Mga larawan sa pahina 28]
Ang mga boluntaryo ay nagtutulungan sa paglilinis bago ang kombensiyon at sa paglalaan ng pagkain para sa libu-libong delegado
[Mga larawan sa pahina 29]
Nasiyahan ang lahat sa programa ng pagtuturo tungkol sa Bibliya at pinahalagahan ang puspusang paggawa ng mga boluntaryo