Matuto Mula sa Salita ng Diyos
Sino si Jesu-Kristo?
Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.
1. Sino si Jesu-Kristo?
Di-gaya ng sinumang tao, si Jesus ay nabuhay sa langit bilang isang espiritu bago siya isinilang sa lupa. (Juan 8:23) Siya ang unang nilalang ng Diyos. Tumulong siya sa paglalang ng lahat ng iba pang bagay. Siya lamang ang tuwirang nilalang ni Jehova kaya siya ay tinatawag na “bugtong” na Anak ng Diyos. Nagsilbi ring Tagapagsalita ng Diyos si Jesus, kaya tinatawag din siyang “ang Salita.”—Juan 1:1-3, 14; basahin ang Kawikaan 8:22, 23, 30; Colosas 1:15, 16.
2. Bakit pumarito sa lupa si Jesus?
Isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa lupa sa pamamagitan ng paglilipat ng buhay ni Jesus mula sa langit tungo sa bahay-bata ng birheng Judio na si Maria. Kaya si Jesus ay walang amang tao. (Lucas 1:30-35) Pumarito sa lupa si Jesus (1) para ituro ang katotohanan tungkol sa Diyos, (2) magpakita ng halimbawa sa paggawa ng kalooban ng Diyos, at (3) ibigay ang kaniyang sakdal na buhay bilang “pantubos.”—Basahin ang Mateo 20:28; Juan 18:37.
3. Bakit natin kailangan ng pantubos?
Ang pantubos ay halagang ibinabayad upang mapalaya ang isang tao mula sa pagkaalipin. Ang kamatayan at pagtanda ay hindi bahagi ng orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Paano natin nalaman iyan? Sinabi ng Diyos sa unang taong si Adan na kung hindi siya susunod—na tinatawag na kasalanan sa Bibliya—siya ay mamamatay. Kung hindi nagkasala si Adan, hindi sana siya namatay. Kahit nabuhay si Adan nang daan-daang taon, nagsimula siyang mamatay nang araw na suwayin niya ang Diyos. (Genesis 2:16, 17; 5:5) Ipinasa ni Adan sa lahat ng kaniyang inapo ang kasalanan at ang parusa nitong kamatayan. Sa gayon, ang kamatayan ay “pumasok” sa sanlibutan sa pamamagitan ni Adan. Kaya kailangan natin ng pantubos.—Basahin ang Roma 5:12; 6:23.
4. Bakit kailangang mamatay si Jesus?
Sino ang maaaring magbayad ng pantubos upang mapalaya tayo sa kamatayan? Kapag tayo ay namatay, bayád na tayo sa ating mga kasalanan. Pero hindi mababayaran ng sinumang di-sakdal na tao ang mga kasalanan ng iba.—Basahin ang Awit 49:7-9.
Yamang si Jesus ay walang minanang di-kasakdalan mula sa isang amang tao, namatay siya, hindi dahil sa kaniyang kasalanan, kundi para sa mga kasalanan ng iba. Bilang kapahayagan ng pambihirang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, isinugo niya ang kaniyang Anak para mamatay alang-alang sa atin. Nagpakita rin si Jesus ng pag-ibig sa atin nang sumunod siya sa kaniyang Ama at ibigay ang kaniyang buhay para sa ating mga kasalanan.—Basahin ang Juan 3:16; Roma 5:18, 19.
5. Ano ang ginagawa ngayon ni Jesus?
Nang pagalingin ni Jesus ang mga maysakit, buhayin ang mga patay, at ibigay ang kaniyang buhay para mailigtas ang mga tao mula sa kasalanan at kamatayan, ipinakita niya kung ano ang gagawin niya sa hinaharap para sa lahat ng masunuring tao. (Lucas 18:35-42; Juan 5:28, 29) Pagkamatay ni Jesus, binuhay-muli siya ng Diyos bilang isang espiritu. (1 Pedro 3:18) Pagkatapos ay naghintay si Jesus sa kanan ng Diyos hanggang sa ibigay sa kaniya ni Jehova ang kapangyarihang mamahala bilang Hari sa buong lupa. (Hebreo 10:12, 13) Namamahala na ngayon si Jesus bilang Hari sa langit, at inihahayag ng kaniyang mga tagasunod sa lupa ang mabuting balita sa buong daigdig.—Basahin ang Daniel 7:13, 14; Mateo 24:14.
Hindi na magtatagal, gagamitin ni Jesus ang kaniyang kapangyarihan bilang Hari upang wakasan ang lahat ng pagdurusa at yaong mga nagdudulot nito. Tatamasahin ng milyun-milyong nananampalataya at sumusunod kay Jesus ang buhay sa isang paraisong lupa.—Basahin ang Awit 37:9-11.