Pamumuhay Ayon sa Iyong Kinikita—Paano?
Pamumuhay Ayon sa Iyong Kinikita—Paano?
“KAPAG maiksi ang kumot, matutong mamaluktot.” Ayon sa kasabihang ito, kailangang pagkasyahin ng isa kung ano ang mayroon siya.
Mukhang simple lang ito. Pero ibang usapan naman kung paano ito isasagawa at makatutulong sa iyo. Maiiwasan ng mga tao na magkaproblema sa pera kung sisikapin lamang nila itong sundin. Ngunit paano? Saan tayo makasusumpong ng maaasahang mga payo? Ang Bibliya ay mapagkukunan ng impormasyong makatutulong sa bagay na ito. Tingnan natin sandali ang mga payo nito.
Mga Simulain sa Bibliya na Makatutulong sa Iyo
Maraming praktikal na simulain ang Bibliya na makatutulong sa iyo na pangasiwaan ang iyong pera. Susuriin natin ang ilan. Makikita mong malaking tulong ang mga ito.
Magplano, o magbadyet. Para mapangasiwaang mabuti ang pera, kailangan mong malaman kung gaano kalaki ang perang pumapasok at kung saan ito napupunta. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan, ngunit ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.” (Kawikaan 21:5) Ang ilan ay gumagamit ng sobre. May sobre para sa “Pagkain,” “Upa sa Bahay,” o “Damit.” Anuman ang iyong pamamaraan, ang mahalaga ay alam mo kung saan napupunta ang pera mo, anupat laging inuuna ang mga kailangan bago ang luho.
Huwag mainggit. Marami sa papaunlad na mga bansa ang naghahangad ng mga bagay na taglay ng mga nasa industriyalisadong mga bansa. Maraming tao ang natutuksong magkaroon ng mga bagay na ipinagyayabang ng kanilang kapitbahay. Maaari itong maging bitag. Baka naman inutang lang iyon ng kapitbahay. Kaya bakit mo gagayahin ang isa sa kaniyang kahibangan at sa kalauna’y mabaon din sa utang? Nagbababala ang Bibliya: “Ang taong may matang mainggitin ay nagpupunyaging magkamit ng mahahalagang pag-aari, ngunit hindi niya nalalaman na ang kakapusan ay darating sa kaniya.”—Kawikaan 28:22.
Panatilihing simple ang iyong buhay. Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na panatilihing “simple” ang kanilang Mateo 6:22) Kung sisikapin mong bumili ng hamón, pero ang kaya mo lang ay tuyo o daing, baka magkaproblema ka sa pera. Ayon sa isang report ng Asian Development Bank, halos sangkatlo ng mga tao sa Pilipinas at mahigit kalahati ng mga nasa India ang namumuhay sa kita na mas mababa pa sa $1.35 (U.S.) kada araw. Kapag kakarampot lamang ang kinikita ng isa, makabubuting magpokus siya sa mga pangangailangan niya. Pero kahit sa mas mayayamang bansa, makatutulong din ang simulaing iyan para maiwasan ang maraming problema sa pera.
mata. (Maging kontento. Kaayon ito ng payo na panatilihing simple ang iyong buhay. Ganito ang payo ng Bibliya sa 1 Timoteo 6:8: “Sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, [maging] kontento na tayo sa mga bagay na ito.” Ang ilan sa pinakamaliligayang tao sa daigdig ay hindi naman mayaman; pero masaya sila sa taglay nila—materyal na mga bagay at pagmamahal ng pamilya at mga kaibigan.—Kawikaan 15:17.
Huwag mangutang kung hindi kailangan. Totoo ang sinasabi ng Bibliya: “Ang mayaman ang namamahala sa mga dukha, at ang nanghihiram ay lingkod ng taong nagpapahiram”! (Kawikaan 22:7) Bagaman may mga pagkakataong hindi maiiwasang mangutang, ang mga nangungutang para lamang mabili ang gusto nila ay karaniwan nang nababaon sa utang, lalo na ang mga gumagamit ng credit card. Sinasabi ng magasing Time: “Kapag nakahawak na tayo ng credit card, nawawala na ang katinuan natin.” Ganito ang sabi ni Eric, taga-Pilipinas: “Kapag gumagamit ako ng credit card, karaniwan nang mas malaki ang gastos ko kaysa kapag pera ang hawak ko. Nasisira tuloy ang badyet ko kapag bayarán na.” Isa ngang katalinuhan na mag-ingat sa paggamit ng credit card!—2 Hari 4:1; Mateo 18:25.
Mag-ipon muna bago bumili. Itinuturing na makaluma ang pag-iipon muna bago bumili, pero sa katunayan, isa ito sa pinakamatalinong paraan para hindi magkaproblema sa pera. Dahil dito, marami ang nakaiiwas sa pangungutang at sa di-magandang epekto nito, gaya ng mataas na interes, na lalong nagpapabigat sa bayarin. Sa Bibliya, ang langgam ay inilalarawan na ‘marunong’ dahil nag-iipon ito ng “laang pagkain sa pag-aani” para sa hinaharap.—Kawikaan 6:6-8; 30:24, 25.
Matuto Mula sa Iba
Lahat ng sinuri nating payo mula sa Bibliya ay mahusay na simulain, pero talaga nga kayang natutulungan nito ang mga tao na mamuhay ayon sa kanilang kinikita? Tingnan natin ang karanasan ng ilang sumunod sa mga payong ito at nagtagumpay.
Aminado si Diosdado, may apat na anak, na mas humirap ang buhay dahil sa kamakailang krisis sa ekonomiya. Gayunman, alam niyang makatutulong ang pagbabadyet. “Binabadyet ko kahit ang kaliit-liitang sentimo ng aking kinikita,” ang sabi niya. “Inililista ko kung saan
napupunta ang pera ko.” Ganiyan din si Danilo. Nalugi ang maliit na negosyo nilang mag-asawa. Pero nakakaraos pa rin sila dahil sa maingat na pagbabadyet. Sinabi niya: “Alam namin kung magkano ang pumapasok buwan-buwan, at kung magkano ang lumalabas. Saka namin pinag-uusapan kung magkano ang puwede naming gastusin.”Para masunod ng ilan ang kanilang badyet, binabawasan nila ang kanilang gastusin. Si Myrna, isang biyuda na may tatlong anak, ay nagsabi: “Sa halip na sumakay, naglalakad na lang kami papunta sa mga Kristiyanong pagpupulong.” Itinuro ni Myrna sa kaniyang mga anak ang kahalagahan ng pamumuhay nang simple. Sinabi niya: “Sinikap kong maging mabuting halimbawa sa pagsunod sa simulain ng 1 Timoteo 6:8-10, na nagpapakitang mahalagang maging kontento sa taglay ng isa.”
Gayon din ang ginawa ni Gerald, na may dalawang anak. Sinabi niya: “Sa aming pampamilyang pag-aaral ng Bibliya, pinag-uusapan namin ang karanasan ng mga Kristiyanong nagpokus sa mahalagang bagay, sa kanilang kaugnayan sa Diyos. Maganda ang resulta dahil ang mga bata ay hindi humihiling ng mga bagay na hindi naman talaga mahalaga.”
Si Janet ay isang dalaga at buong-panahong nagboboluntaryo bilang guro ng Bibliya sa Pilipinas. Nawalan siya ng trabaho kamakailan, pero patuloy siyang namumuhay ayon sa kung ano ang mayroon siya. “Disiplina sa sarili at pagiging mapamaraan ang sekreto ko,” ang sabi niya. “Sa halip na magpunta sa mall, pumupunta ako sa mga tindahang mas mura ang paninda. Bakit naman ako bibili ng mahal, kung makabibili naman ako ng mura? Iniiwasan ko ring maging padalus-dalos sa pagbili.” Mahalaga rin para kay Janet ang pag-iimpok. “Kung may sobra ako, kahit kaunti,” ang sabi niya, “itinatabi ko ito para sa di-inaasahang mga gastusin.”
Tungkol sa credit card, sinabi ni Eric, na binanggit kanina: “Ginagamit ko lang ang credit card ko kapag may emergency.” Sinabi naman ni Diosdado: “Para makontrol ko ang aking sarili, iniiwan ko na lang sa opisina ang aking credit card.”
Maaari Kang Mamuhay Ayon sa Iyong Kinikita
Oo, napatunayan ng marami na bagaman ang Bibliya ay isang aklat na pangunahin nang tungkol sa kaugnayan sa Diyos, may mga payo rin ito na makatutulong sa atin may kaugnayan sa paggamit ng pera. (Kawikaan 2:6; Mateo 6:25-34) Kung ikakapit mo ang mga simulain sa Bibliya na tinalakay sa artikulong ito at matututo ka mula sa iba na nakinabang sa mga ito, magagawa mo ring mamuhay ayon sa iyong kinikita. Sa paggawa nito, maiiwasan mo ang mga problema at kabalisahang nararanasan ng milyun-milyon sa ngayon.
[Blurb sa pahina 10]
‘Pinag-uusapan namin kung magkano ang puwede naming gastusin’
[Blurb sa pahina 11]
“Sa halip na sumakay, naglalakad na lang kami papunta sa mga Kristiyanong pagpupulong”
[Blurb sa pahina 11]
‘Iniiwasan kong maging padalus-dalos sa pagbili’