Tanong ng mga Mambabasa
May mga Babaing Ministro ba ang mga Saksi ni Jehova?
Oo, milyun-milyon ang mga babaing ministro ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo. Sila ay isang malaking bilang ng mángangarál ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ganito ang hula sa Awit 68:11 hinggil sa kanila: “Si Jehova ang nagbibigay ng pananalita; ang mga babaing naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.”
Pero ibang-iba ang ginagawa ng mga babaing ministro ng mga Saksi ni Jehova kaysa sa ginagawa ng mga babaing klero ng ibang relihiyon. Sa anong paraan?
Magkaiba ang kanilang mga tagapakinig. Ang mga babaing klero, partikular na ng Sangkakristiyanuhan, ay gumaganap ng papel ng isang lider sa loob ng kanilang mga kongregasyon, at ang pangunahin nilang tagapakinig ay mga miyembro ng kanilang relihiyon. Ang pangunahing tagapakinig naman ng mga babaing ministro ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang pangangaral ay nasa labas ng kanilang kongregasyon—ang mga taong nakakausap nila sa kanilang pagbabahay-bahay at sa ibang lugar.
Magkaiba rin ang mga gawain sa kongregasyon ng mga babaing ministro ng mga Saksi ni Jehova at ng mga babaing ministro ng ibang relihiyon. Ang mga babaing klero ng Sangkakristiyanuhan at ng ibang relihiyon ay nangangasiwa at nagtuturo ng mga doktrina sa kanilang mga miyembro. Pero ang mga babaing ministro ng mga Saksi ni Jehova ay hindi nagtuturo sa kongregasyon kapag may bautisadong lalaki. Ang mga lalaki lang na inatasang magturo ang gumagawa nito.—1 Timoteo 3:2; Santiago 3:1.
Sa Bibliya, mga lalaki lang ang binanggit na binigyan ng pananagutang mangasiwa sa kongregasyon. Pansinin ang parisang ibinigay ni apostol Pablo nang sumulat siya sa kaniyang kapuwa tagapangasiwang si Tito: “Sa dahilang ito ay iniwan kita sa Creta, upang . . . makapag-atas ka ng matatandang lalaki sa bawat lunsod.” Idinagdag ni Pablo na ang bawat lalaking inatasan ay dapat na “malaya sa akusasyon, asawa ng isang babae.” (Tito 1:5, 6) Ganiyan din ang tagubiling ibinigay ni Pablo sa liham niya kay Timoteo: “Kung ang sinumang lalaki ay umaabot sa katungkulan ng tagapangasiwa, siya ay nagnanasa ng isang mainam na gawa. Ang tagapangasiwa kung gayon ay dapat na di-mapupulaan, asawa ng isang babae, . . . kuwalipikadong magturo.”—1 Timoteo 3:1, 2.
Bakit lalaki lang ang puwedeng mangasiwa sa kongregasyon? Sinabi ni Pablo: “Hindi ko pinahihintulutan ang babae na magturo, o magkaroon ng awtoridad sa lalaki, kundi tumahimik. Sapagkat si Adan ang unang inanyuan, pagkatapos ay si Eva.” (1 Timoteo 2:12, 13) Dahil unang nilalang ang lalaki kaysa sa babae, nagpapahiwatig ito na layunin ng Diyos na iatas sa lalaki ang pagtuturo at pangangasiwa.
Tinutularan ng mga ministro ni Jehova ang kanilang Lider, si Jesu-Kristo. Ganito ang isinulat ng alagad na si Lucas tungkol sa ministeryo ni Jesus: “Naglakbay siya sa bawat lunsod at sa bawat nayon, na ipinangangaral at ipinahahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” Nang maglaon, isinugo ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod para sa gayunding gawain: “Dumaan sila sa teritoryo sa bawat nayon, na ipinahahayag ang mabuting balita.”—Lucas 8:1; 9:2-6.
Sa ngayon, ang mga ministro ni Jehova—lalaki at babae—ay aktibong nakikibahagi sa gawaing inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.