Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

“Makikilala Nga ng mga Bansa na Ako ay si Jehova”

“Makikilala Nga ng mga Bansa na Ako ay si Jehova”

ANO ang madarama mo kung pagbintangan ka ng isang krimeng hindi mo naman ginawa? At paano pa nga kung ang krimeng iyon ay nagdulot ng matinding pagdurusa sa iba, pati na sa maraming inosenteng tao? Tiyak na gusto mong linisin ang iyong pangalan! Alam mo bang ganiyan ang nangyari kay Jehova? Sa ngayon, isinisisi ng marami sa Diyos ang kawalang-katarungan at pagdurusa sa daigdig. Gusto rin bang linisin ni Jehova ang kaniyang pangalan? Tiyak iyon! Pansinin ang sinabi sa aklat ng Ezekiel.​—Basahin ang Ezekiel 39:7.

“Hindi ko na pahihintulutang lapastanganin ang aking banal na pangalan,” ang sabi ni Jehova. Kapag isinisisi ng mga tao sa Diyos ang kawalang-katarungan, nilalapastangan nila ang kaniyang pangalan. Paano? Sa Bibliya, ang “pangalan” ay kadalasang tumutukoy sa reputasyon. Sinasabi ng isang reperensiya na ang pangalan ng Diyos ay tumutukoy sa “kung ano ang pagkakilala sa kaniya​—ang pagsisiwalat niya tungkol sa kaniyang sarili; sumasagisag din ito sa kaniyang katanyagan, at pagkatapos ay sa kaniyang dangal.” Kasama sa pangalan ni Jehova ang kaniyang reputasyon. Ano ba ang pagkakilala kay Jehova pagdating sa kawalang-katarungan? Kinamumuhian niya ito! At naaawa siya sa mga biktima nito. * (Exodo 22:22-24) Kapag sinasabi ng mga tao na ang Diyos ang may kagagawan sa mismong mga bagay na kinamumuhian niya, dinudungisan nila ang kaniyang reputasyon. Sa gayon, ‘pinakikitunguhan nila nang walang galang ang kaniyang pangalan.’​—Awit 74:10.

Pansinin na dalawang beses ginamit ni Jehova ang pananalitang “aking banal na pangalan.” (Talata 7) Sa Bibliya, ang pangalan ni Jehova ay maraming beses na iniugnay sa mga salitang “banal” at “kabanalan.” Ang salitang “banal” ay nagpapahiwatig ng pagiging hiwalay; nagpapahiwatig din ito ng kalinisan at kadalisayan. Ang pangalan ni Jehova ay banal dahil ang Diyos na nagtataglay nito ay banal​—lubusang hiwalay sa anumang kasalanan at karumihan. Naiintindihan mo na ba kung bakit nagdudulot ng napakalaking upasala sa “banal na pangalan” ni Jehova ang mga sumisisi sa kaniya?

Ang layunin ni Jehova na linisin ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian ang pangunahing paksa ng Bibliya. Ang paksang iyan ay idiniin sa aklat ng Ezekiel, na paulit-ulit na nagsabing “makikilala nga ng mga bansa na ako ay si Jehova.” (Ezekiel 36:23; 37:28; 38:23; 39:7) Pansinin na “makikilala” ng mga bansa na siya ay si Jehova. Sa ibang salita, kikilos si Jehova para mapilitan ang mga bansa sa daigdig na kilalanin siya gaya ng pagpapakilala niya sa kaniyang sarili​—si Jehova, ang Soberanong Panginoon na ang pangalan ay sumasagisag sa lahat ng banal, dalisay, at malinis.

Ang madalas uliting pangako na “makikilala nga ng mga bansa na ako ay si Jehova” ay mabuting balita para sa lahat ng nasasabik makita ang wakas ng kawalang-katarungan at pagdurusa. Malapit nang tuparin ni Jehova ang pangakong iyan at malapit na rin niyang linisin ang kaniyang pangalan mula sa lahat ng upasala. Aalisin niya ang kasamaan at ang mga nagtataguyod nito, pero iingatan niyang buháy ang mga kumikilala at gumagalang sa kaniyang pangalan at sa isinasagisag nito. (Kawikaan 18:10) Hindi ka ba nauudyukan nitong alamin kung paano mapapalapít kay Jehova, ang banal na Diyos na “maibigin sa katarungan”?​—Awit 37:9-11, 28.

Pagbabasa ng Bibliya para sa Setyembre:

Ezekiel 39-48Daniel 1-3

^ par. 2 Tingnan ang artikulong “Maging Malapít sa Diyos​—Maibigin sa Katarungan,” sa Ang Bantayan, isyu ng Nobyembre 1, 2008.