Bakit Napakaraming Pagdurusa?
Para maintindihan kung bakit napakaraming pagdurusa at kung bakit hindi ito maalis sa kabila ng mga pagsisikap ng tao, kailangan nating malaman ang tunay na mga dahilan nito. Iba-iba at komplikado ang mga dahilan. Pero mabuti na lang at matutulungan tayo ng Bibliya na malaman ang mga ito. Tatalakayin natin sa artikulong ito ang limang pangunahing dahilan kung bakit napakaraming pagdurusa. Maingat na suriin kung ano ang sinasabi ng Bibliya at kung paano tayo matutulungan ng Salita ng Diyos na maunawaan ang tunay na dahilan ng problemang ito.
MGA EPEKTO NG MASAMANG GOBYERNO
“Kapag ang balakyot ang may hawak ng pamamahala, ang bayan ay nagbubuntunghininga,” ang sabi ng Bibliya.
Ang kasaysayan ay punô ng mga diktador na namahalang may kamay na bakal. Nagdulot ito ng napakaraming pagdurusa sa kanilang nasasakupan. Sabihin pa, hindi naman ganiyan ang lahat ng tagapamahala. Maaaring hangad ng ilan ang ikabubuti ng kanilang kapuwa. Pero kapag nasa kapangyarihan na sila, kadalasang nabibigo ang kanilang mga pagsisikap dahil sa alitan at pag-aagawan sa kapangyarihan. O maaari nilang abusuhin ang kanilang kapangyarihan para sa kanilang kapakanan, sa ikapipinsala naman ng mga tao. “Ang kasaysayan ay isang ulat ng mga pagsisikap na nabigo, ng mga ambisyon na hindi natupad,” ang sabi ng dating kalihim ng estado ng Estados Unidos na si Henry Kissinger.
Binabanggit din ng Bibliya: “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Hindi taglay ng di-sakdal na mga tao ang karunungan at malawak na pananaw na kailangan para magtagumpay sa lahat ng kanilang gawain. Kung hindi maitutuwid ng mga tao ang kanilang sarili, paano nila maitutuwid ang isang bansa? Nakikita mo ba kung bakit walang kakayahan ang mga tagapamahalang tao na alisin ang pagdurusa? Sa katunayan, kadalasan nang ang masamang gobyerno, o pamamahala, ang dahilan ng pagdurusa!
IMPLUWENSIYA NG HUWAD NA RELIHIYON
“Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa,” ang sabi ni Jesus.
Ang mga lider ng bawat relihiyon at denominasyon ay nagtuturo ng pag-ibig at pagkakaisa. Pero ang totoo, nabigo silang ituro sa kanilang mga tagasunod ang masidhing pag-ibig na makapag-aalis ng mga pagtatangi. Imbes na tulungan ang mga ito na maglinang ng pag-ibig, kadalasan nang pinalalala pa ng relihiyon ang pagkakabaha-bahagi, pagkapanatiko, at alitan sa gitna ng mga tao at bansa. Sa konklusyon ng kaniyang aklat na Christianity and the World Religions, isinulat ng teologong si Hans Küng: “Ang pinakapanatiko at pinakamalupit na mga labanan sa pulitika ay yaong mga naimpluwensiyahan, naudyukan, at may basbas ng relihiyon.”
Bukod diyan, hayagang kinukunsinti ng mga klerigo ng maraming relihiyon ang pakikipagtalik bago ang kasal, pangangalunya, at homoseksuwalidad. Nagbunga ito ng paglaganap ng sakit, aborsiyon, di-ninanais na pagbubuntis, at pagkasira ng pag-aasawa at pamilya, na nagdudulot ng matinding kirot at dalamhati.
DI-KASAKDALAN NG TAO AT SAKIM NA MGA PAGNANASA
“Ang bawat isa ay nasusubok kapag nahihila at naaakit ng sarili niyang pagnanasa. Pagkatapos ang pagnanasa, kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan.”
Dahil sa minanang di-kasakdalan, lahat tayo ay nagkakamali at kailangan nating paglabanan ang pagnanasang ‘gawin ang mga bagay na hinahangad ng laman.’ (Efeso 2:3) Lalo nang mahirap tanggihan ang maling pagnanasa kapag may pagkakataon tayong isagawa ito. Kung magpapadaig tayo sa nakapipinsalang pagnanasa, ang resulta ay maaaring kapaha-pahamak.
Isinulat ng awtor na si P. D. Mehta: “Ang karamihan ng pagdurusa ay dahil sa ating masamang pagnanasa, sa ating di-mapigil na paghahangad ng kaluguran at pagpapalayaw sa sarili, sa ating kasakiman at ambisyon.” Sinira ng mga pagnanasa at ng lahat ng uri ng pagkasugapa
IMPLUWENSIYA NG MASASAMANG ESPIRITU
Isinisiwalat ng Bibliya na si Satanas ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay” at na kasama niya ang makapangyarihang masasamang espiritu na tinatawag na mga demonyo.
Tulad ni Satanas, ang mga demonyo ay aktibong kumokontrol at nanliligáw sa mga tao. Kinilala ito ni apostol Pablo nang sabihin niya: “Tayo ay may pakikipagbuno, hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.”
Bagaman ang mga demonyo ay natutuwa sa panliligalig sa mga tao, hindi ito ang kanilang pangunahing layunin. Gusto nilang italikod ang mga tao sa Kataas-taasang Diyos, si Jehova. (Awit 83:18) Ang mga gawaing gaya ng astrolohiya, mahika, panggagaway, at panghuhula ay ilan lamang sa mga paraan ng mga demonyo upang dayain at kontrolin ang mga tao. Kaya binababalaan tayo ni Jehova sa mga panganib na iyon at nagbibigay siya ng proteksiyon sa lahat ng sumasalansang kay Satanas at sa mga demonyo.
NABUBUHAY TAYO SA “MGA HULING ARAW”
Mga dalawang libong taon na ang nakalilipas, inihula ng Bibliya: “Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.”
Para ipakita kung bakit mapanganib ang mga panahong ito, sinasabi pa ng Bibliya: “Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, . . . mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” Tiyak na ang isang pangunahing dahilan ng lahat ng pagdurusa sa ngayon ay dahil nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.”
Pagkatapos isaalang-alang ang mga dahilan, nakita natin kung bakit hindi kayang wakasan ng mga tao ang pagdurusa, sa kabila ng kanilang mabubuting intensiyon. Kung gayon, saan tayo makahihingi ng tulong? Dapat tayong umasa sa ating Maylalang, na nangangakong ‘sisirain ang mga gawa ng Diyablo’ at ng kaniyang mga tagasunod. (1 Juan 3:8) Tatalakayin sa susunod na artikulo kung ano ang gagawin ng Diyos para alisin ang lahat ng dahilan ng pagdurusa.