Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 TURUAN ANG IYONG MGA ANAK

Ang Diyos ay Nasasaktan—Kung Paano Natin Siya Mapasasaya

Ang Diyos ay Nasasaktan—Kung Paano Natin Siya Mapasasaya

Napaiyak ka na ba dahil sa sobrang sakit? * Malamang na naranasan na nating lahat iyan. Pero kung minsan, hindi lang katawan natin ang puwedeng masaktan. Puwede ring masaktan ang ating damdamin. Baka may nagsabi ng masama tungkol sa atin na hindi naman totoo. Talagang masakit iyon, hindi ba?— Nasasaktan din ang Diyos kapag may sinasabing kasinungalingan tungkol sa kaniya. Pag-usapan natin ito at tingnan kung paano natin mapasasaya ang Diyos sa halip na saktan siya.

Sinasabi ng Bibliya na may ilang tao na nagsabing mahal nila ang Diyos pero ‘pinagdamdam nila siya.’ Oo, ‘sinaktan nila’ ang Diyos! Kaya talakayin natin kung bakit nasasaktan si Jehova kapag hindi natin sinusunod ang utos niya.

Si Jehova ay labis na sinaktan ng unang dalawang tao na nilalang niya sa lupa. Sila ay inilagay ng Diyos sa Paraiso sa lupa na tinawag na “hardin ng Eden.” Sino ang dalawang ito?— Oo, si Adan at, nang maglaon, si Eva. Tingnan natin kung ano ang ginawa nila kung kaya nasaktan si Jehova.

Pagkatapos silang mailagay ni Jehova sa hardin ng Eden, sinabi niya sa kanila na pangalagaan iyon. Sinabi rin niya na maaari silang magkaanak at mabuhay magpakailanman sa hardin. Pero bago magkaanak sina Adan at Eva, may masamang nangyari. Alam mo ba kung ano iyon?— Inimpluwensiyahan ng isang anghel si Eva, at pagkatapos ay si Adan, na magrebelde kay Jehova. Tingnan natin kung ano ang nangyari.

Pinangyari ng anghel na ito na parang nagsasalita ang ahas, o serpiyente. Nagustuhan ni Eva ang narinig niya—sinabi ng ahas na siya ay “magiging tulad ng Diyos.” Kaya sinunod niya ang sinabi nito sa kaniya. Alam mo ba kung ano iyon?

 Kumain si Eva ng bunga ng punungkahoy na sinabi ni Jehova kay Adan na huwag kainin. Bago lalangin ng Diyos si Eva, sinabi niya kay Adan: “Mula sa bawat punungkahoy sa hardin ay makakakain ka hanggang masiyahan. Ngunit kung tungkol sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain mula roon, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.”

Alam ni Eva ang utos na iyon. Pero patuloy siyang tumingin sa punungkahoy, at nakita niyang iyon ay “mabuting kainin at na iyon ay kapana-panabik sa mga mata . . . Kaya siya ay nagsimulang kumuha ng bunga niyaon at kinain iyon.” Pagkatapos, binigyan din niya si Adan, at “nagsimula itong kumain niyaon.” Bakit kaya ginawa iyon ni Adan?— Dahil mas mahal na ni Adan si Eva kaysa kay Jehova. Mas pinili niyang pasayahin si Eva kaysa pasayahin ang Diyos. Pero ang pagsunod kay Jehova ay mas mahalaga kaysa sa pagsunod kaninuman!

Natatandaan mo ba ang ahas, o serpiyente, na nakipag-usap kay Eva? Kung paanong napalalabas ng isang tao na parang nagsasalita ang isang puppet, may isa na nagpangyaring parang nagsasalita ang ahas. Kanino kayang boses ang nasa likod ng serpiyente?— Boses ito ng “orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.”

Alam mo ba kung paano mo mapasasaya si Jehova?— Magagawa mo iyan kung lagi kang susunod sa kaniya. Sinasabi ni Satanas na kaya niyang pasunurin ang lahat ng tao sa gusto niya. Kaya hinihimok tayo ni Jehova: “Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” Tinutuya, o nililibak, ni Satanas si Jehova. Sinasabi niya na kaya niyang italikod sa paglilingkod sa Diyos ang lahat ng tao. Kaya pasayahin mo si Jehova sa pamamagitan ng pagsunod at paglilingkod sa kaniya! Sisikapin mo bang gawin iyan?

^ par. 3 Kapag binabasa mo ito sa isang bata, ang gatlang pagkatapos ng tanong ay nagsisilbing paalaala sa iyo na huminto at hintayin ang kaniyang sagot.