Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ka Naaapektuhan ng Kulay?

Paano Ka Naaapektuhan ng Kulay?

Habang tumitingin ka sa paligid, sabay na gumagana ang iyong mata at utak para kumuha ng impormasyon. Nakikita mo ang isang prutas at pinag-iisipan mo kung kakainin mo ito. Tumitingin ka sa langit at nasasabi mong hindi uulan ngayon. Nakikita mo ang mga salitang binabasa mo ngayon at inuunawa mo ang kahulugan nito. Ang totoo, naaapektuhan ka ng kulay. Talaga?

Ipinaaalam sa iyo ng nakikita mong kulay ng prutas kung ito ay hinog na at masarap. Sinasabi sa iyo ng kulay ng langit at ulap ang lagay ng panahon. Mas madaling mabasa ng iyong mata ang mga salita sa artikulong ito dahil magkaiba ang kulay ng mga salita at ng background. Oo, maaaring hindi mo napapansin, pero lagi mong ginagamit ang kulay para tulungan kang kumuha ng impormasyon tungkol sa daigdig sa palibot mo. At may epekto rin sa iyong damdamin ang kulay.

ANG EPEKTO NG KULAY SA DAMDAMIN

Habang namimilí ka sa isang tindahan, napalilibutan ka ng iba’t ibang produkto na dinisenyo para matawag ang pansin mo. Alam mo man ito o hindi, maingat na pinipili ng mga advertiser ang mga kulay at kombinasyon ng kulay para bumagay sa kung ano ang hilig, kasarian, at edad mo. Alam din ng mga nagdidisenyo ng bahay at ng damit, pati na ng mga dalubhasa sa sining na ang mga kulay ay nakaaapekto sa damdamin.

Dahil sa kultura at kaugalian, iba-iba ang interpretasyon ng mga tao sa mga kulay. Halimbawa, sa mga taga-Asia, ang pula ay nangangahulugan ng suwerte at pagsasaya, samantalang sa ilang bahagi naman ng Aprika, ang pula ay kulay ng pagdadalamhati. Pero sa kabila ng kanilang kinalakhan, ang mga tao ay may magkakatulad na damdamin sa ilang partikular na kulay. Isaalang-alang natin ang tatlong kulay at kung paano ito maaaring makaapekto sa iyo.

Ang PULA ay litaw na litaw. Kadalasang iniuugnay ito sa lakas, digmaan, at panganib. Punung-puno ng damdamin ang kulay na ito at maaari itong magpabilis ng metabolismo, ng paghinga, at magpataas ng presyon ng dugo.

Sa Bibliya, ang salitang Hebreo para sa “pula” o “mapula” ay nagmula sa isang salita na nangangahulugang “dugo.” Ginagamit ng Bibliya ang matingkad na pula, o iskarlata, upang ilarawan ang mapamaslang na patutot na nakadamit ng purpura at iskarlata na nakasakay sa “isang kulay-iskarlatang mabangis na hayop na punô ng mapamusong na mga pangalan.”Apocalipsis 17:1-6.

Kabaligtaran naman ang epekto ng pula sa BERDE, na nagpapabagal ng metabolismo at nagpapakalma. Ito ay nakagiginhawang kulay at madalas na iniuugnay sa kapayapaan. Gumagaan ang ating pakiramdam kapag nakikita natin ang berde o luntiang mga hardin at dalisdis ng burol. Sinasabi ng ulat ng Genesis tungkol sa paglalang na ang Diyos ay naglaan ng luntiang damo at pananim para sa mga tao.Genesis 1:11, 12, 30.

Ang PUTI ay madalas na iniuugnay sa liwanag, kaligtasan, at kalinisan. Ito rin ay iniuugnay sa mga katangian ng kabutihan, kawalang-sala, at kadalisayan. Ang puti ang kulay na pinakamadalas banggitin sa Bibliya. Sa mga pangitain, ang mga tao at anghel ay nakadamit ng puti, na nagdiriin sa katuwiran at espirituwal na kalinisan. (Juan 20:12; Apocalipsis 3:4; 7:9, 13, 14) Sumasagisag sa matuwid na pakikipagdigma ang mga  puting kabayo na ang mga nakasakay ay nakadamit ng puti at malinis na lino. (Apocalipsis 19:14) Ginagamit ng Diyos ang kulay na puti upang idiin na handa siyang magpatawad ng mga kasalanan: “Bagaman ang mga kasalanan ninyo ay maging gaya ng iskarlata, ang mga ito ay mapapuputing gaya ng niyebe.”Isaias 1:18.

ANG KULAY BILANG PANTULONG SA MEMORYA

Ang paggamit ng Bibliya sa kulay ay nagpapakitang alam ng Diyos ang epekto nito sa damdamin ng tao. Halimbawa, inihula ng aklat ng Bibliya na Apocalipsis ang nararanasan natin ngayon, kabilang na ang digmaan, taggutom, at di-likas na kamatayan dahil sa kakapusan ng pagkain at salot. Upang matandaan ito, ipinakikita sa atin ng isang pangitain ang mga nakasakay sa mga kabayo—hindi lang ordinaryong mga kabayo kundi mga kabayo na may kulay.

Ang una ay isang kabayong puting-puti, na sumasagisag sa matuwid na pakikipagdigma ni Kristo Jesus. Sumunod ay isang kabayong kulay-apoy na lumalarawan sa digmaan sa pagitan ng mga bansa. Pagkatapos nito ay isa namang malagim na kabayong itim, na lumalarawan sa taggutom. Sumunod, makikita ang isang “kabayong maputla; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may pangalang Kamatayan.” (Apocalipsis 6:1-8) Ang kulay ng bawat kabayo ay nakaaapekto sa ating damdamin, depende sa isinasagisag ng kabayo. Madali nating matatandaan ang mga kabayong ito na may kulay at ang itinuturo nila tungkol sa ating panahon.

Maraming halimbawa sa Bibliya ng paggamit ng kulay para maging buháy na buháy ang mga paglalarawan. Oo, may-kahusayan itong ginagamit ng Maylalang ng liwanag, kulay, at ng mata bilang pantulong sa pagtuturo para madaling maunawaan at matandaan ng mga mambabasa ang mga larawan. Ang kulay ay tumutulong sa atin na kumuha ng impormasyon. Nakaaapekto ito sa ating damdamin. Nakatutulong ito para matandaan natin ang mahahalagang ideya. Ang kulay ay isang maibiging regalo ng ating Maylalang para masiyahan tayo sa buhay.