BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
“Binago ng Pangakong Paraisong Lupa ang Buhay Ko”
-
ISINILANG: 1974
-
BANSANG PINAGMULAN: LATVIA
-
DATING SUMASALI SA MAPANGANIB NA KARERA NG MOTORSIKLO
ANG AKING NAKARAAN:
Ipinanganak ako sa Riga, ang kabisera ng Latvia. Kami ng ate ko ay pinalaki ng aming nanay. Kahit na Katoliko si Nanay, nagsisimba lang kami kapag may relihiyosong mga kapistahan. Naniniwala ako sa Diyos, pero bilang isang kabataan, marami akong pinagkakaabalahan sa buhay.
Habang lumalaki ako, napansin ni Nanay na hilig kong kalas-kalasin ang mga bagay-bagay at saka buuin itong muli. Dahil maraming bagay sa bahay na maaari kong kalasin, lagi siyang nag-aalala na iwan akong mag-isa. Kaya binigyan niya ako ng isang laruang yari sa metal na gusto kong buuin, at saka kalasin. Nakatulong naman iyan sa isa ko pang hilig—ang pagmomotorsiklo. Isinali ako ni Nanay sa isang karera ng motorsiklo na tinatawag na Zelta Mopēds (Ang Gintong Moped). Nagsimula akong makipagkarera gamit ang moped at, nang maglaon ay gamit ang motorsiklo.
Madali akong matuto at di-nagtagal ay naging matagumpay ako sa mabilis at mapanganib na isport na ito. Tatlong beses akong naging kampeon sa iba’t ibang karera ng motorsiklo sa Latvia, at dalawang beses naman akong nanalo sa Baltic States Championship.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Sa kasikatan ng aking karera, nakilala ng kasintahan kong si Evija (na napangasawa ko nang maglaon) ang mga Saksi ni Jehova. Nakakita siya ng ilan sa kanilang mga literatura, na may kupon para sa mga gustong mag-aral ng Bibliya. Pinunan niya ang kupon at inihulog ito sa koreo. Di-nagtagal, pinuntahan siya ng dalawang Saksi, at nagsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa kanila. Okey lang iyon sa akin, pero nang panahong iyon, wala akong kainte-interes sa relihiyon.
Nang maglaon, niyaya ako ng mga Saksi na maupo at makinig sa Bible study ni Evija. Pumayag naman ako, at nagustuhan ko ang aking narinig. Lubhang nakaantig sa aking puso ang pangako ng Bibliya tungkol sa isang paraisong lupa. Halimbawa, ipinakita nila sa akin ang Awit 37:10, 11, na nagsasabi: “Kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” Talagang tumagos sa puso ko ang pangakong iyon.
Patuloy na sumidhi ang interes ko sa espirituwal na mga bagay. Naunawaan ko na marami palang kasinungalingang itinuturo tungkol sa Diyos. Sa kabaligtaran, humanga ako sa mga turo ng Bibliya dahil ang mga ito ay makatuwiran at maliwanag.
Habang patuloy akong nag-aaral ng Bibliya, natutuhan ko kung gaano kahalaga para kay Jehova ang buhay. (Awit 36:9) Nakaapekto iyon sa aking pagsali sa mga karera—ayaw ko nang isapanganib ang aking buhay. Sa halip, gusto ko na itong gamitin para luwalhatiin si Jehova. Kaya hindi na mahalaga sa akin ang katanyagan, karangalan, at ang labis na katuwaang nadarama ko sa karera ng motorsiklo.
Naunawaan ko na mayroon akong pananagutan sa Tagapagbigay ng buhay
Noong 1996, dumalo ako sa isang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Tallinn, Estonia, malapit sa istadyum kung saan madalas akong sumali sa karera ng motorsiklo. Sa kombensiyong iyon, nakita ko ang maraming tao mula sa iba’t ibang bansa na sama-samang nagtitipon nang nagkakaisa at payapa. Halimbawa, nang mawala ang pitaka ng isa sa mga Saksi, inakala ko na hindi na niya ito makikita pa. Pero di-nagtagal, nakita ito ng isang Saksi at ibinalik ito nang walang bawas. Hindi ako makapaniwala! Ngayon, naunawaan ko na ang mga Saksi ay talagang namumuhay ayon sa matataas na pamantayan ng Bibliya. Kami ni Evija ay patuloy na sumulong sa aming pag-aaral, at noong 1997, nabautismuhan kami bilang mga Saksi ni Jehova.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Ang ilan sa mga kaibigan ko ay patay na dahil sa kanilang magulo at walang disiplinang buhay sa karera ng motorsiklo. Sa pag-aaral ko ng Bibliya, naunawaan kong mayroon akong pananagutan sa Tagapagbigay ng buhay, si Jehova. Iyan marahil ang nagligtas ng aking buhay.
Sa loob ng apat na taon, kami ni Evija ay nagkaroon ng pribilehiyong maglingkod bilang buong-panahong mga ministro sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Riga. Ngayon, masaya kami sa pagpapalaki ng aming anak na babae, si Alise, at sa pagtulong sa kaniya na patuloy na mahalin si Jehova. Nagkapribilehiyo rin akong gumugol ng isang araw bawat linggo sa translation office, magkumpuni ng mga kotse at iba pang bagay. Masaya ako dahil nagagamit ko ang mga kasanayang natutuhan ko noong bata pa ako! Oo, kinakalas ko pa rin ang mga bagay-bagay at muli itong binubuo.
Lubha kong pinahahalagahan ang pribilehiyong mangaral tungkol sa tanging tunay na Diyos kasama ng aking pamilya. Dahil ito sa mga natutuhan ko mula sa Bibliya. Oo, binago ng pangakong paraisong lupa ang buhay ko!