Alam Mo Ba?
Bakit binabali ang mga binti ng mga kriminal na ibinabayubay?
Tungkol sa pagbabayubay kay Jesus at sa dalawang kriminal sa mga pahirapang tulos, sinasabi ng ulat ng Ebanghelyo na hiniling ng mga Judio kay Pilato na “ipabali ang . . . mga binti” ng mga nakabayubay.—Juan 19:31.
Ayon sa kautusan ng mga Judio, ang katawan ng kriminal na ibinabayubay pagkatapos ilapat ang hatol na kamatayan ay “hindi dapat manatili nang buong magdamag sa tulos.” (Deuteronomio 21:22, 23) Lumilitaw na sinunod ng mga Judio ang utos na ito para doon sa mga hinatulan ng Roma na mamatay sa tulos. Ang pagbali sa binti ng mga kriminal ay magpapabilis sa kanilang kamatayan para mailibing sila bago ang Sabbath paglubog ng araw.
Sa ganitong mga pagbabayubay, ang hinatulan ay ipinapako sa tulos sa kaniyang mga kamay at paa. Kapag itinayo ang tulos, bibitin ang kaniyang buong bigat sa mga pakong iyon, at makararanas siya ng napakatinding kirot. Para makahinga, kailangan niyang iangat ang kaniyang katawan sa pamamagitan ng mga paa niyang nakapako. Kapag binali ang mga buto ng kaniyang binti, hindi na niya ito magagawa. Mamamatay siya agad dahil hindi na siya makahinga, kung hindi man dahil sa hindi na makadaloy ang dugo sa kaniyang katawan.
Paano ginagamit sa sinaunang digmaan ang panghilagpos bilang sandata?
Ang panghilagpos ang sandatang ginamit ni David para patayin si Goliat. Lumilitaw na natutong gumamit ng sandatang ito ang kabataang si David noong mga taóng nagpapastol siya.—1 Samuel 17:40-50.
Makikita ang panghilagpos sa mga sining ng Ehipto at Asirya mula pa noong panahon ng Bibliya. Ang sandatang ito ay yari sa isang malapad na piraso ng balat o tela na nakakabit sa dalawang istrap o tali. Inilalagay ng tagapaghilagpos sa malapad na pirasong telang ito ang makinis o bilog na bato na sinlaki ng isang maliit na dalandan at may timbang na 250 gramo. Tapos paiikutin niya ito sa itaas ng kaniyang ulo at saka bibitiwan ang isang tali. Hihilagpos ang bato nang pagkalakas-lakas at eksakto sa target.
Maraming panghilagpos na ginamit sa mga sinaunang digmaan ang nahukay sa Gitnang Silangan. Maiaasinta ng isang bihasang mandirigma ang bato sa bilís na 160 hanggang 240 kilometro bawat oras. Pinagdedebatihan ng mga iskolar kung ang layo na natatarget ng panghilagpos at ang bilís nito ay gaya ng sa pana.—Hukom 20:16.