Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Syriac na Peshitta—Mahalaga sa Kasaysayan ng mga Unang Salin ng Bibliya

Syriac na Peshitta—Mahalaga sa Kasaysayan ng mga Unang Salin ng Bibliya

Sa loob ng siyam na araw noong 1892, ang kambal na sina Agnes Smith Lewis at Margaret Dunlop Gibson ay naglakbay sa disyerto sakay ng kamelyo. Pumunta sila sa Monasteryo ng St. Catherine sa paanan ng Bundok Sinai. Bakit susuungin ng magsisingkuwenta anyos na magkapatid na ito ang gayong peligrosong paglalakbay sa Silangan? Titibay ang paniniwala mo sa pagiging tumpak ng Bibliya kapag nalaman mo ang sagot.

Si Agnes Smith Lewis at ang Monasteryo ng St. Catherine

BAGO bumalik sa langit, inatasan ni Jesus ang mga alagad niya na magpatotoo tungkol sa kaniya “sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Lakas-loob at buong sigasig itong ginawa ng mga alagad. Pero sinalansang ang pangangaral nila sa Jerusalem, at pinatay si Esteban. Marami sa alagad ni Jesus ang nagpunta sa Antioquia sa Sirya, isa sa pinakamalaking siyudad sa Imperyo ng Roma na mga 550 kilometro sa hilaga ng Jerusalem.Gawa 11:19.

Sa Antioquia, patuloy na ipinangaral ng mga alagad ang “mabuting balita” tungkol kay Jesus, at maraming di-Judio ang naging mánanampalatayá. (Gawa 11:20, 21) Bagaman Griego ang karaniwang wika sa loob ng lunsod, Syriac naman ang karaniwang sinasalita sa labas ng lunsod at mga probinsiya.

ISINALIN SA SYRIAC ANG MABUTING BALITA

Habang dumarami noong ikalawang siglo ang mga Kristiyanong nagsasalita ng Syriac, kinailangang isalin ang mabuting balita sa kanilang wika. Kaya lumilitaw na ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay unang naisalin sa wikang Syriac, hindi sa Latin.

 Noong mga 170 C.E., tinipon ng Siryanong manunulat na si Tatian (c. 120-173 C.E.) ang apat na kanonikal na Ebanghelyo, at nakabuo ng akda sa wikang Griego o Syriac. Tinawag itong Diatessaron, salitang Griego na nangangahulugang “sa pamamagitan ng apat [na Ebanghelyo].” Nang maglaon, sumulat si Ephraem na Siryano (c. 310-373 C.E.) ng isang komentaryo tungkol sa Diatessaron, na nagpapatunay na karaniwan itong ginagamit noon ng mga Kristiyanong Siryano.

Napakahalaga sa atin ng Diatessaron. Bakit? Sinasabi kasi ng ilang iskolar noong ika-19 na siglo na ang mga Ebanghelyo ay isinulat noon lang ikalawang siglo, sa pagitan ng 130 C.E. at 170 C.E. Kaya hindi raw mapananaligan ang nilalaman nito tungkol sa buhay ni Jesus. Pero pinatutunayan ng mga natagpuang manuskrito ng Diatessaron na noon pa mang kalagitnaan ng ikalawang siglo, malawakan nang ginagamit ang mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Kaya malinaw na mas maagang naisulat ang mga ito. Bukod diyan, noong tinitipon ni Tatian ang Diatessaron, hindi siya gumamit ng apokripal na mga ebanghelyo. Ibinatay lang niya ito sa kinikilalang apat na Ebanghelyo. Maliwanag na ang apokripal na mga ebanghelyo ay hindi itinuturing na mapananaligan o kanonikal.

Ang Pentateuch sa Syriac na Peshitta noong 464 C.E., ang ikalawang pinakamatandang manuskrito ng teksto ng Bibliya

Sa pagsisimula ng ikalimang siglo, isang salin ng Bibliya sa wikang Syriac ang karaniwang ginagamit sa hilagang Mesopotamia. Malamang na ginawa ito noong ikalawa o ikatlong siglo C.E. Kasama rito ang lahat ng aklat ng Bibliya maliban sa 2 Pedro, 2 at 3 Juan, Judas, at Apocalipsis. Ito ang Peshitta, ibig sabihin, “Simple” o “Malinaw.” Ang Peshitta ang isa sa pinakamatanda at pinakamahalagang patotoo sa mga naunang pagkopya ng Bibliya.

Kapansin-pansin, isang manuskrito ng Peshitta ang may nakasulat na petsang 459/460 C.E. Ito ang pinakamatandang manuskrito ng Bibliya na may tiyak na petsa. Noong mga 508 C.E., nagkaroon ng rebisyon ang Peshitta at kasama rito ang limang nawawalang aklat. Tinatawag itong Philoxenian Version.

MARAMI PANG MANUSKRITONG SYRIAC ANG NATAGPUAN

Hanggang noong ika-19 na siglo, halos lahat ng kilalang kopya ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa wikang Griego ay mula noong ikalimang siglo o pagkaraan nito. Kaya partikular na interesado ang mga iskolar ng Bibliya sa gayong mga unang bersiyon gaya ng Latin na Vulgate at Syriac na Peshitta. Iniisip noon ng ilan na ang Peshitta ay rebisyon ng mas matandang bersiyon ng Syriac. Pero walang nalalamang gayong bersiyon. Yamang ang Bibliyang Syriac ay noon pang ikalawang siglo ginawa, ang sinasabing bersiyon ay makapagbibigay ng higit pang impormasyon hinggil sa mga naunang kopya ng Bibliya, at tiyak na napakalaking tulong nito sa mga iskolar ng Bibliya! Talaga kayang may mas matandang bersiyon ng Syriac? Matatagpuan kaya ito?

Ang palimpsest na tinatawag na Sinaitic Syriac. Makikita sa gilid ang bakas ng dating kopya ng mga Ebanghelyo

Oo! Sa katunayan, dalawang manuskritong Syriac ang natagpuan. Ang una ay manuskrito noong ikalimang siglo. Kabilang ito sa maraming manuskritong Syriac na inilagak sa British Museum noong 1842 mula sa isang monasteryo sa Nitrian Desert sa Ehipto. Tinawag itong Curetonian Syriac, yamang natagpuan at inilathala ito ni William Cureton, ang assistant na tagapag-ingat ng mga manuskrito sa museo. Nasa mahalagang dokumentong ito ang apat na Ebanghelyo, ayon sa pagkakaayos na Mateo, Marcos, Juan, at Lucas.

Ang ikalawang manuskrito na umabot sa ating panahon ay ang Sinaitic Syriac. Natagpuan ito ng kambal na binanggit sa pasimula ng artikulong ito. Bagaman si Agnes ay hindi tapós sa unibersidad, walong wika ang alam niya, isa rito ang Syriac. Noong 1892, natagpuan ni Agnes ang isang napakahalagang bagay sa Monasteryo ng St. Catherine sa Ehipto.

 Sa isang madilim na silid, nakita niya ang manuskritong Syriac. Ayon sa isinulat niya, “lumang-luma ito, napakarumi, at halos magkadikit-dikit na ang mga pahina dahil hindi ito nabuklat” sa loob ng daan-daang taon. Isa itong manuskritong palimpsest. * Binura ang orihinal na mga nakasulat dito at muling sinulatan ng tekstong Syriac tungkol sa mga santa. Pero napansin ni Agnes ang bakas ng mga dating nakasulat, pati ang mga salitang “ni Mateo,” “ni Marcos,” o “ni Lucas” sa itaas ng pahina. Natagpuan ni Agnes ang halos kumpletong Syriac codex ng apat na Ebanghelyo! Naniniwala ngayon ang mga iskolar na isinulat ito noong huling bahagi ng ikaapat na siglo.

Ang Sinaitic Syriac ay itinuturing na isa sa pinakamahalagang manuskrito ng Bibliya na natuklasan, gaya ng mga manuskritong Griego na Codex Sinaiticus at Codex Vaticanus. Pinaniniwalaan ngayon na ang mga manuskritong Curetonian at Sinaitic ang natitirang kopya ng mga naunang Ebanghelyong Syriac na ginawa noong huling bahagi ng ikalawang siglo o pasimula ng ikatlong siglo.

ANG SALITA NG ATING DIYOS AY MANANATILI MAGPAKAILANMAN

Makatutulong ba ang mga manuskritong ito sa mga estudyante ng Bibliya ngayon? Oo! Kuning halimbawa ang tinatawag na mahabang konklusyon ng Ebanghelyo ni Marcos, na kasunod ng Marcos 16:8 sa ilang Bibliya. Makikita ito sa Greek Codex Alexandrinus ng ikalimang siglo, sa Latin na Vulgate, at sa iba pang salin. Pero ang dalawang mapananaligang manuskritong Griego ng ikaapat na siglo—Codex Sinaiticus at Codex Vaticanus—ay parehong nagtatapos sa Marcos 16:8. Wala rin ang mahabang konklusyong ito sa Sinaitic Syriac, na isa pang patunay na idinagdag lang ito nang dakong huli at wala sa orihinal na Ebanghelyo ni Marcos.

Ito pa ang isang halimbawa. Noong ika-19 na siglo, halos lahat ng salin ng 1 Juan 5:7 ay may dagdag na huwad na turo ng Trinidad. Gayunman, wala ito sa pinakamatatandang manuskritong Griego, at wala rin ito sa Peshitta. Pinatutunayan nito na ang idinagdag sa 1 Juan 5:7 ay isang pagpilipit sa teksto ng Bibliya.

Gaya ng ipinangako ng Diyos na Jehova, iningatan niya ang kaniyang Banal na Salita. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Ang luntiang damo ay natuyo, ang bulaklak ay nalanta; ngunit kung tungkol sa salita ng ating Diyos, iyon ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.” (Isaias 40:8; 1 Pedro 1:25) Ang bersiyon na nakilalang Peshitta ay nagkaroon ng maliit pero mahalagang papel sa tumpak na paghahatid ng mensahe ng Bibliya sa lahat ng tao.

^ par. 15 Ang salitang Griego na pa·lim’pse·stos ay nangangahulugang “kinayod muli.”