TANONG NG MGA MAMBABASA . . .
Ano ang Katotohanan Tungkol sa Pasko?
Milyon-milyong tao sa buong mundo ang nagdiriwang ng Pasko sa iba’t ibang kadahilanan. Ang ilan ay nasisiyahang makasama ang mga kaibigan at pamilya. Ang iba ay nagiging palaisip sa Diyos o abala sa pagtulong sa mahihirap o nangangailangan. Kapuri-puri naman ang mga gawang ito, pero kapag naugnay na sa Pasko, nababahiran ito ng negatibong mga aspekto ng kapistahan.
Una, marami ang naniniwala na ang Pasko ay pagdiriwang ng kapanganakan ni Jesus. Pero ayon naman sa mga istoryador, walang nakaaalam sa petsa ng kaniyang kapanganakan. Sinasabi ng The Christian Book of Why na “ang sinaunang mga Kristiyano ay tumangging magtakda ng isang petsa na magtatanda sa kapanganakan ni Jesus” dahil gusto nilang “ihiwalay ang kanilang mga sarili mula sa lahat ng mga gawaing pagano.” Kapansin-pansin, walang sinasabi ang Bibliya na ipinagdiwang ni Jesus ang kapanganakan niya o ng sinuman. Sa halip, inutusan niya ang mga tagasunod niya na alalahanin ang kaniyang kamatayan.—Lucas 22:19.
Ikalawa, maraming iskolar ang nagsasabi na halos lahat ng kaugalian sa Pasko ay nag-ugat sa mga di-Kristiyano at pagano. Kabilang na rito ang Santa Klaus, paggamit ng mistletoe at Christmas tree, pagpapalitan ng regalo, pagsisindi ng kandila, pagsisiga ng troso (Yule log), pagsasabit ng mga bungkos o putong na pandekorasyon, at pangangaroling. Tungkol sa ilang kaugaliang ito, iniulat ng aklat na The Externals of the Catholic Church: “Alam ba ninyo na kapag tayo ay nagbibigay o tumatanggap ng mga regalo kung Pasko, at nagsasabit ng luntiang mga bungkos o putong sa ating mga tahanan at simbahan, nagdiriwang na pala tayo ng paganong kaugalian?”
“Alam ba ninyo na kapag tayo ay nagbibigay o tumatanggap ng mga regalo kung Pasko, at nagsasabit ng luntiang mga bungkos o putong sa ating mga tahanan at simbahan, nagdiriwang na pala tayo ng paganong kaugalian?” —The Externals of the Catholic Church
Pero baka maisip mo, ‘Ano naman ang masama sa pagsunod sa mga kaugaliang ito?’ Isaalang-alang ang ikatlong dahilan. Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang pagsasama ng paganong kaugalian at ng dalisay na pagsamba. Sa pamamagitan ng propeta Niyang si Amos, sinabi ng Diyos na Jehova sa Kaniyang masuwaying mga mananamba sa sinaunang Israel: “Kinapopootan ko, itinatakwil ko ang inyong mga kapistahan . . . Alisin mo sa akin ang kabagabagan ng iyong mga awit.”—Amos 5:21, 23.
Bakit gayon na lang kabigat ang pananalitang binigkas ni Jehova? Pansinin ang ginagawa ng mga tao sa hilagang kaharian ng Israel noon. Ang kanilang unang hari na si Jeroboam ay naglagay ng mga ginintuang guya sa mga lunsod ng Dan at Bethel at inudyukan ang bayan na sambahin ang mga ito sa halip na sambahin ang Diyos na Jehova sa templo sa Jerusalem. Nagsagawa rin ang hari ng mga kapistahan at nag-atas ng mga saserdote na tutulong sa mga tao sa pagdiriwang nito.—1 Hari 12:26-33.
Parang mabuti naman ang layunin ng mga Israelita. Tutal, ginagawa naman nila ang lahat ng iyon para sambahin ang Diyos at palugdan siya. Maliwanag na ipinakikita ng mabigat na pananalita ng Diyos na iniulat ni Amos at ng iba pang mga propeta kung ano ang nadarama ng Diyos sa gayong mga gawain. Sa pamamagitan ni propeta Malakias, sinabi ng Diyos: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Malakias 3:6) Hindi ba sinasabi niyan sa atin kung ano ang nadarama ng Diyos sa maraming pagdiriwang ng Pasko sa ngayon?
Nang malaman ng milyon-milyon ang mga katotohanang nabanggit, nagpasiya silang huwag nang magdiwang ng Pasko. Nakadarama na sila ng tunay na kasiyahan at kagalakan na makasama ang kanilang mga kaibigan at pamilya, at makatulong sa mahihirap at nangangailangan anumang panahon sa buong taon.