Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Ano ang ibig sabihin ng salitang “bating” na binabanggit sa Bibliya?

Bahagi ng inukit na larawan ng isang bating sa Asirya

Minsan, maaaring tumukoy ang salitang ito sa isang lalaking kinapon. Noong panahon ng Bibliya, kinakapon ang lalaki bilang parusa o kapag naging bihag o alipin. Ang pinagkakatiwalaang mga lalaki na kinapon ang nangangasiwa sa tirahan ng mga babae, o harem, sa bahay ng mga maharlika. Halimbawa, ang mga bating na sina Hegai at Saasgaz ang tagapag-alaga ng mga asawa at mga babae ni Haring Ahasuero ng Persia, na ipinalalagay na si Jerjes I.Esther 2:3, 14.

Pero hindi lahat ng bating na nasa Bibliya ay aktuwal na kinapon. Sinasabi ng ilang iskolar na tumutukoy rin ang salitang ito sa isang opisyal na nanunungkulan sa korte ng hari. Malamang na ito ang diwa ng pagiging bating ni Ebed-melec, na kasama ni Jeremias, at ng Etiope na pinangaralan ng ebanghelisador na si Felipe. Tiyak na si Ebed-melec ay isang mataas na opisyal dahil direkta niyang nakakausap si Haring Zedekias. (Jeremias 38:7, 8) At ang Etiope na “pumaroon sa Jerusalem upang sumamba” ay inilarawang tagapamahala ng kayamanan ng isang maharlika.Gawa 8:27.

Bakit ibinubukod ng mga pastol ang tupa mula sa kambing noong panahon ng Bibliya?

Nang ilarawan ni Jesus ang darating na panahon ng paghuhukom, sinabi niya: “Kapag ang Anak ng tao ay dumating sa kaniyang kaluwalhatian, . . . pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa’t isa, kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing.” (Mateo 25:31, 32) Bakit pinagbubukod ng pastol ang mga hayop na ito?

Karaniwan nang pinapastulan at hinahayaang manginaing magkasama kung araw ang tupa at kambing. Pero sa gabi, tinitipon ang mga ito sa mga kulungang nagsasanggalang sa kanila mula sa mababangis na hayop, magnanakaw, at sa lamig. (Genesis 30:32, 33; 31:38-40) Inilalagay ang mga ito sa magkaibang kulungan para protektahan ang maaamong tupa, lalo na ang mga tupang babae at mga kordero, mula sa mas agresibong mga kambing. Ibinubukod din ng pastol ang tupa mula sa kambing kapag “pinararami, ginagatasan, at ginugupitan,” ayon sa aklat na All Things in the Bi­ble. Kaya ang ilustrasyon ni Jesus ay pamilyar sa mga tagapakinig niya na gaya ng mga pastol sa sinaunang Israel.