Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

Tatlong Tanong na Bumago sa Buhay Ko

Tatlong Tanong na Bumago sa Buhay Ko
  • ISINILANG: 1949

  • BANSANG PINAGMULAN: ESTADOS UNIDOS

  • DATING NAGHAHANAP NG LAYUNIN SA BUHAY

ANG AKING NAKARAAN:

Lumaki ako sa Ancram, isang maliit na bayan sa upstate New York, E.U.A. Maraming bakahan dito. Sa katunayan, mas maraming baka rito kaysa sa mga tao.

Ang pamilya ko ay nagsisimba sa nag-iisang simbahan sa bayan. Tuwing Linggo ng umaga, sina-shine ni Lolo ang sapatos ko, pagkatapos ay pupunta na ako sa Sunday school dala ang maliit na puting Bibliya na bigay sa akin ni Lola. Kaming magkakapatid ay tinuruang maging masipag sa trabaho, magalang at matulungin sa kapuwa, at maging mapagpasalamat sa mga biyayang tinatanggap namin.

Nang lumaki na ako, bumukod ako at naging isang guro. Marami akong tanong tungkol sa Diyos at sa buhay. Matatalino ang ilan sa mga estudyante ko. Ang iba naman ay hindi gaanong matalino pero napakasipag. Ang ilan ay may pisikal na kapansanan, samantalang napakahusay naman ng pangangatawan ng iba. Naisip ko na parang di-patas ang buhay. Kung minsan sinasabi ng mga magulang ng di-gaanong maabilidad na mga estudyante ang gaya ng, “Ito ang kalooban ng Diyos para sa anak ko.” Bakit kaya pinahihintulutan ng Diyos ang ilang sanggol na isilang na may kapansanan? Wala namang ginawang masama ang mga sanggol.

Naitanong ko rin, ‘Ano ang dapat kong gawin para magkaroon ng layunin ang buhay ko?’ Ang bilis lumipas ng panahon. Lumaki ako sa isang mahusay na pamilya, nag-aral sa magagaling na paaralan, at ngayon ay may trabahong gusto ko. Pero parang may kulang pa rin. Maaari nga akong makapag-asawa, magkaroon ng magandang bahay at mga anak, magtrabaho hanggang magretiro, at saka tumira sa nursing home. Pero ganito na lang ba ang buhay?

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Isang tag-araw, nag-tour ako sa Europe kasama ng ilang kapuwa ko guro. Nagpunta kami sa Westminster Abbey, Notre-Dame de Paris, at sa Vatican, pati na rin sa maraming maliliit na simbahan. Saanman ako magpunta, itinatanong ko ang mga katanungan ko. Pag-uwi ko sa Sloatsburg, New York, nagpunta rin ako sa ilang simbahan. Pero walang nakapagbigay sa akin ng kasiya-siyang sagot.

Minsan, nilapitan ako ng isang 12-anyos na estudyante at tinanong ako ng tatlong tanong. Una, tinanong niya ako kung alam ko bang isa siyang Saksi ni Jehova. Ang sabi ko, “Oo.” Ikalawa, gusto ko raw bang higit na makilala ang mga Saksi ni Jehova. Sumagot ako uli ng oo. Ikatlo, tinanong niya kung saan ako nakatira. Nang sabihin ko ang aking adres, nalaman namin na magkalapit lang pala ang aming bahay. Wala akong kamalay-malay na ang tatlong tanong na iyon mula sa isang batang babae ang babago sa buhay ko.

Di-nagtagal, nagbisikleta siya papunta sa bahay ko at nag-aral kami ng Bibliya. Tinanong ko sa kaniya ang mga itinanong ko sa maraming lider ng relihiyon. Di-tulad nila, ipinakita niya sa akin ang malinaw at kasiya-siyang sagot mula sa sarili kong Bibliya—mga sagot na ngayon ko lang nakita!

Tuwang-tuwa ako at nasiyahan sa natututuhan ko mula sa Bibliya. Malaki ang naging epekto sa akin nang mabasa ko ang 1 Juan 5:19, na nagsasabi: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” Natuwa ako nang malaman ko na si Satanas pala at hindi ang Diyos ang dahilan ng lahat ng pagdurusang nakikita natin—at na aalisin ng Diyos ang lahat ng problema. (Apocalipsis 21:3, 4) Nalaman kong kapag malinaw na ipinaliwanag ang Bibliya, mauunawaan natin ito. Bagaman ang Saksing nakikipag-aral sa akin ay 12 anyos lang, nasabi kong ang katotohanan ay katotohanan kahit sino pa ang magsabi nito.

Gayunman, gusto ko pa ring malaman kung ginagawa ba ng mga Saksi ang ipinangangaral nila. Halimbawa, itinuro ng batang iyon na dapat makita sa mga tunay na Kristiyano ang mga katangiang gaya ng matiisin at mabait. (Galacia 5:22, 23) Minsan, sinubukan ko kung naipakikita nga niya ang mga ito. Sinadya kong dumating nang hulí sa aming pag-aaral. Inisip ko: ‘Hihintayin kaya niya ako? Magagalit kaya siya dahil hulí ako?’ Pagdating ko, nakita ko siyang naghihintay sa harap ng bahay namin. Sinalubong niya ako at sinabi: “Uuwi na po sana ako at sasabihin ko kay Nanay na tawagan namin ang mga ospital at mga pulis para malaman kung ayos ba kayo, kasi hindi naman po kayo nahuhulí sa pag-aaral natin. Nag-aalala po ako sa inyo!”

Sa isa pang pagkakataon, tinanong ko siya ng inaakala kong mahirap na tanong para sa isang 12 anyos. Gusto kong malaman kung basta lang siya magbibigay ng sagot. Pagkatanong ko, tiningnan niya ako at sinabi: “Ang hirap po ng tanong ninyo. Isusulat ko po ito at itatanong sa aking mga magulang.” Gaya nga ng nangyari, nang sumunod naming pag-aaral, dala niya ang isyu ng Ang Bantayan na sumasagot sa tanong ko. Ito ang nakaakit sa akin sa mga Saksi—ang mga publikasyon nila ay nagbibigay ng sagot mula sa Bibliya at nasasagot nito ang lahat ng tanong ko. Ipinagpatuloy ko ang pakikipag-aral sa batang ito, at makalipas ang isang taon, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova. *

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Nang masagot ang mga tanong ko, gusto kong ibahagi ito sa lahat. (Mateo 12:35) Sa simula, tutol ang pamilya ko sa aking bagong paniniwala. Pero nang maglaon, nagbago rin ang kanilang saloobin. Bago mamatay si Nanay, nag-aral siya ng Bibliya. Bagaman namatay siya bago pa man mabautismuhan, alam kong nagpasiya na siyang maglingkod kay Jehova.

Noong 1978, napangasawa ko si Elias Kazan na isa ring Saksi. Kami ni Elias ay inanyayahan noong 1981 na maging miyembro ng pamilyang Bethel sa Estados Unidos. * Nakalulungkot, apat na taon pa lang kaming naglilingkod sa Bethel, namatay si Elias. Bagaman biyuda na, patuloy akong naglingkod sa Bethel, kaya naman nanatili akong abala at nagdulot ito ng kaaliwan sa akin.

Noong 2006, napangasawa ko si Richard Eldred, miyembro din ng pamilyang Bethel. Isang pribilehiyo para sa amin ni Richard na patuloy na maglingkod sa Bethel. Dahil nalaman ko ang katotohanan tungkol sa Diyos, kumbinsido akong nasumpungan ko hindi lang ang mga sagot na hinahanap ko kundi pati na ang tunay na layunin ng buhay—at lahat ng ito ay nagsimula lang sa tatlong tanong ng batang babaeng iyon.

^ par. 16 Lahat-lahat, limang guro ang natulungan ng batang babaeng ito at ng kaniyang mga kapatid na mag-aral ng Bibliya at sumamba kay Jehova.

^ par. 18 Ang “Bethel,” na nangangahulugang “bahay ng Diyos,” ang tawag ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga tanggapang pansangay sa buong daigdig. (Genesis 28:17, 19) Inaasikaso ng mga miyembro ng pamilyang Bethel ang iba’t ibang atas na sumusuporta sa gawaing pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova.