Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | POSIBLE BANG MABUHAY KAPAG NAMATAY NA?

May Pag-asa Ba ang mga Patay?

May Pag-asa Ba ang mga Patay?

Mabubuhay bang muli ang mga patay?

ANG SAGOT NG BIBLIYA: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Jesus] at lalabas.”Juan 5:28, 29.

Malinaw, inihula ni Jesus na sa ilalim ng kaniyang Kaharian, mawawalan ng laman ang mga libingan. “Namangha ako nang una kong mabasa ang Juan 5:28, 29,” ang sabi ni Fernando, na binanggit sa naunang artikulo. “Nagkaroon ako ng tunay na pag-asa, at naging positibo ang pananaw ko sa hinaharap.”

Noong sinaunang panahon, ang tapat na lalaking si Job ay umasa na pagkamatay niya, bubuhayin siyang muli ng Diyos. Nagtanong si Job: “Kung ang isang [tao] ay mamatay mabubuhay pa ba siyang muli?” At may pagtitiwala siyang sumagot: “Sa lahat ng mga araw ng aking sapilitang pagpapagal [habang nasa libingan] ay maghihintay ako, hanggang sa dumating ang aking kaginhawahan. Ikaw ay tatawag, at ako ay sasagot sa iyo.”—Job 14:14, 15.

Ang pagkabuhay-muli ni Lazaro ay nagbibigay sa atin ng pag-asa sa hinaharap

Ang pagkabuhay-muli ay hindi rin bago kay Marta na kapatid ni Lazaro. Nang mamatay si Lazaro, sinabi ni Jesus kay Marta: “Ang iyong kapatid ay babangon.” Sumagot siya: “Alam kong babangon siya sa pagkabuhay-muli sa huling araw.” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nananampalataya sa akin, kahit na mamatay siya, ay mabubuhay.” (Juan 11:23-25) Kaagad na binuhay-muli ni Jesus si Lazaro! Ang kapana-panabik na ulat na iyon ay isang patikim ng mas malaking mangyayari sa hinaharap. Isip-isipin ang magaganap na pagkabuhay-muli sa buong mundo!

May bubuhayin bang muli tungo sa langit?

ANG SAGOT NG BIBLIYA: Ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay naiiba sa walong iba pa na napaulat sa Bibliya. Ang walong iyon ay binuhay-muli dito sa lupa. Pero kung tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus, mababasa natin: [Si] Jesu-Kristo . . . ay nasa kanan ng Diyos, sapagkat pumaroon siya sa langit.” (1 Pedro 3:21, 22) May iba pa bang bubuhaying muli tungo sa langit bukod kay Jesus? Ganito ang patiunang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Kung ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling darating at tatanggapin ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumoon din kayo.”—Juan 14:3.

Umakyat sa langit si Kristo at naghanda para sa pagdating ng ilan sa kaniyang mga alagad. Ang bilang ng mga bubuhaying muli tungo sa langit ay aabot nang 144,000. (Apocalipsis 14:1, 3) Pero ano ang gagawin doon ng mga tagasunod ni Jesus?

Marami silang gagawin! Sinasabi sa atin ng Kasulatan: “Maligaya at banal ang sinumang may bahagi sa unang pagkabuhay-muli; sa mga ito ay walang awtoridad ang ikalawang kamatayan, kundi sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ng Kristo, at mamamahala sila bilang mga hari na kasama niya sa loob ng isang libong taon.” (Apocalipsis 20:6) Ang mga binuhay-muli tungo sa langit ay mamahala sa lupa bilang mga hari at saserdote na kasama ni Kristo.

Sino ang iba pang bubuhaying muli pagkatapos nila?

ANG SAGOT NG BIBLIYA: Nakaulat sa kinasihang Kasulatan ang mga pananalitang ito ni apostol Pablo: “Ako ay may pag-asa sa Diyos, na siyang pag-asa na pinanghahawakan din ng mga taong ito, na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”Gawa 24:15.

Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos na bilyon-bilyong namatay ang bubuhaying muli

Sino-sino ang makakabilang sa mga “matuwid” na binanggit ni Pablo? Isaalang-alang ang isang halimbawa. Sinabi sa tapat na si Daniel bago siya mamatay: “Magpapahinga ka, ngunit tatayo ka para sa iyong kahinatnan sa kawakasan ng mga araw.” (Daniel 12:13) Saan bubuhaying muli si Daniel? “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) At inihula ni Jesus: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Bubuhaying muli si Daniel at ang iba pang tapat na mga tao para muling tumira sa lupa nang walang hanggan.

Sino-sino naman ang makakabilang sa binanggit ni Pablo na “di-matuwid”? Sila ang bilyon-bilyon na namatay nang hindi nagkaroon ng pagkakataong maunawaan ang katotohanan sa Bibliya at masunod ito. Kapag binuhay silang muli, makikilala nila at mapahahalagahan si Jehova * at si Jesus. (Juan 17:3) Ang lahat ng maglilingkod sa Diyos ay may pag-asang mabuhay hangga’t nabubuhay si Jehova—walang hanggan.

Ang lahat ng maglilingkod sa Diyos ay may pag-asang mabuhay nang walang hanggan na may mabuting kalusugan at lubos na kaligayahan

Ano ang magiging kalagayan sa lupa?

ANG SAGOT NG BIBLIYA: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:4) “Magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon.”—Isaias 65:21.

Isip-isipin ang mamuhay sa gayong kalagayan kasama ng mga mahal mo sa buhay na binuhay-muli! Pero ang tanong, Paano ka nakatitiyak na magkakaroon nga ng pagkabuhay-muli?

^ par. 15 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.