Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naghihinanakit Ka Ba sa Diyos?

Naghihinanakit Ka Ba sa Diyos?

“BAKIT ako pa? Bakit hinayaan ng Diyos na mangyari ito sa akin?” Iyan ang gumugulo sa isip ng 24-anyos na si Sidnei, taga-Brazil, nang maaksidente siya sa isang slide sa swimming pool. Mula noon, permanente na siyang natali sa wheelchair.

Madaling maghinanakit ang mga tao sa Diyos kapag nagdurusa sila dahil sa aksidente, sakit, pagkamatay ng mahal sa buhay, likas na sakuna, o digmaan. Hindi na ito bago. Ang patriyarkang si Job ay dumanas ng sunod-sunod na kalamidad. Sinisi niya ang Diyos dahil akala niya, kagagawan ito ng Diyos, anupat sinabi niya: “Tinawagan kita, O Diyos, ngunit walang tugon. Tumayo ako, ngunit tumingin ka lamang. Pinagmalupitan mo ako, tinugis na walang awa ng malakas mong kamay.”Job 30:20, 21, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

Hindi alam ni Job kung saan nanggaling ang mga problema niya ni kung bakit nangyari ito sa kaniya o kung bakit ito ipinahintulot. Mabuti na lang at ipinaliliwanag sa atin ng Bibliya kung bakit nangyayari ang gayong mga bagay at kung paano natin haharapin ang mga ito.

NILAYON BA NG DIYOS NA MAGDUSA ANG TAO?

Kung tungkol sa Diyos, sinasabi ng Bibliya: “Sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.” (Deuteronomio 32:4) Kung gayon, makatuwiran bang isipin na gugustuhin ng “matuwid at matapat” na Diyos na magdusa ang mga tao o na gagamitin man niya ang mga kalamidad para parusahan o ituwid sila?

Sa kabaligtaran, sinasabi ng Bibliya: “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Sa katunayan, natutuhan natin sa Bibliya na binigyan ng Diyos ang tao ng magandang pasimula. Binigyan niya sina Adan at Eva ng magandang tahanan, lahat ng pangangailangan sa buhay, at makabuluhang gawain. Sinabi sa kanila ng Diyos: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” Tiyak na walang dahilan sina Adan at Eva na maghinanakit sa Diyos.Genesis 1:28.

Pero malayong-malayo na sa pagiging perpekto ang kalagayan ng buhay sa ngayon. Ang totoo, sa buong kasaysayan, malala na ang kalagayan ng tao. Tama ang paglalarawang ito: “Ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama hanggang ngayon.” (Roma 8:22) Ano ang nangyari?

BAKIT NAGDURUSA ANG TAO?

Para maunawaan kung bakit nagdurusa ang tao, balikan natin ang pinagmulan nito. Sa panghihikayat ng isang rebelyosong anghel, na nang maglaon ay tinawag na Satanas na Diyablo, tinanggihan nina Adan at Eva ang pamantayan ng Diyos ng tama at mali, na siyang kahulugan ng utos sa kanila na huwag kumain mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” Sa pagsasabi kay Eva na hindi sila mamamatay kung susuway sila sa Diyos, pinararatangan ng Diyablo na sinungaling ang Diyos. Pinaratangan din ni Satanas ang Diyos na pinagkakaitan nito ang kaniyang mga sakop ng karapatang magpasiya kung ano ang mabuti at masama. (Genesis 2:17; 3:1-6) Ipinahihiwatig ni Satanas na mas mapapabuti ang tao kung wala sila sa ilalim ng pamamahala ng Diyos. Nagbangon ito ng isang napakahalagang usapin—May karapatan bang mamahala ang Diyos?

Ibinangon ng Diyablo ang isa pang usapin. Pinaratangan niya ang mga tao na naglilingkod lang ang mga ito sa Diyos dahil sa makasariling motibo. Tungkol sa tapat na si Job, sinabi ng Diyablo sa Diyos: “Hindi ka ba naglagay ng bakod sa palibot niya at sa palibot ng kaniyang sambahayan at sa palibot ng lahat ng kaniyang pag-aari sa buong paligid? . . . Ngunit, upang mapaiba naman, iunat mo ang iyong kamay, pakisuyo, at galawin mo ang lahat ng kaniyang pag-aari at tingnan mo kung hindi ka niya susumpain nang mukhaan.” (Job 1:10, 11) Bagaman ang mga sinabi ni Satanas ay patungkol kay Job, ipinahihiwatig niya na lahat ng tao ay naglilingkod sa Diyos dahil sa makasariling motibo.

ANG SOLUSYON NG DIYOS

Ano kaya ang pinakamabuting paraan para malutas nang minsanan ang lahat ng mahalagang usaping iyon? Ang Diyos, na marunong-sa-lahat, ang may pinakamabuting solusyon—isa na hindi tayo bibiguin. (Roma 11:33) Nagdesisyon siya na hayaang pamahalaan ng tao ang kanilang sarili sa loob ng ilang panahon at patunayan ng mga resulta nito kung kaninong pamamahala ang pinakamagaling.

Ang miserableng kalagayan ngayon sa lupa ay malinaw na katibayan na bigong-bigo ang pamamahala ng tao. Hindi lang bigo ang mga gobyerno ng daigdig na magdala ng kapayapaan, katiwasayan, at kaligayahan kundi dinala rin nila ang lupa sa bingit ng pagkawasak. Pinatutunayan nito ang mahalagang katotohanang binabanggit sa Bibliya: “Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Tanging ang pamamahala ng Diyos ang makagagarantiya ng nagtatagal na kapayapaan, kaligayahan, at kasaganaan sa tao, dahil iyan ang layunin ng Diyos.Isaias 45:18.

Kung gayon, paano babaguhin ng Diyos ang kalagayan ng tao na kaayon ng layunin niya? Tandaan na tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Oo, sa takdang panahon ng Diyos, sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, aalisin niya ang lahat ng dahilan ng pagdurusa. (Daniel 2:44) Lilipas na ang kahirapan, sakit, at kamatayan. Kung tungkol sa mahihirap, sinasabi ng Bibliya na “ililigtas [ng Diyos] ang dukha na humihingi ng tulong.” (Awit 72:12-14) Ang Bibliya ay nangangako sa mga maysakit: “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” (Isaias 33:24) Kung tungkol sa mga patay na nasa alaala ng Diyos, sinabi ni Jesus: “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay . . . lalabas.” (Juan 5:28, 29) Talagang nakaaantig-damdamin na mga pangako iyan!

Kung patitibayin natin ang ating pananampalataya sa mga pangako ng Diyos, matutulungan tayo nito na madaig ang anumang hinanakit natin sa kaniya

KUNG PAANO MADARAIG ANG HINANAKIT

Mga 17 taon pagkatapos maaksidente, sinabi ni Sidnei, na nabanggit sa simula ng artikulong ito: “Hindi ko kailanman sinisi ang Diyos na Jehova sa nangyaring aksidente, pero inaamin ko na noong una, naghihinanakit ako sa kaniya. May mga araw na talagang nalulungkot ako at umiiyak kapag naiisip ko ang aking kapansanan. Gayunman, naunawaan ko mula sa Bibliya na ang aksidenteng iyon ay hindi parusa ng Diyos. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, ‘ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa ating lahat.’ Ang pananalangin kay Jehova gayundin ang pagbabasa ng espesipikong mga teksto ay nagpatibay ng pagtitiwala ko sa Diyos at nakatulong sa akin na manatiling positibo.”Eclesiastes 9:11; Awit 145:18; 2 Corinto 4:8, 9, 16.

Kung isasaisip natin ang dahilan kung bakit ipinahihintulot ng Diyos ang pagdurusa at kung paano niya malapit nang alisin ang mga epekto nito, matutulungan tayo nito na madaig ang anumang hinanakit natin sa Diyos. Nakatitiyak tayo na ang Diyos ang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” Walang sinuman na nananampalataya sa kaniya at sa kaniyang Anak ang mabibigo.Hebreo 11:6; Roma 10:11.