TAMPOK NA PAKSA | MAY NAITUTULONG BA ANG PANALANGIN?
Panalangin—Ang Magagawa Nito Para sa Iyo
Bago ka gumawa ng anumang bagay, natural lang na maisip mo, ‘Ano’ng mapapala ko rito?’ Hindi kaya pagiging makasarili kung iyan ang itatanong mo pagdating sa panalangin? Hindi naman. Natural lang na gusto nating malaman kung may maitutulong ito sa atin. Kahit ang mabuting taong si Job ay nagtanong: “Kung tatawagin ko siya, sasagot ba siya sa akin?”—Job 9:16.
Sa naunang mga artikulo, tinalakay natin ang katibayan na ang panalangin ay hindi lang basta isang relihiyosong rutin o isang uri ng mental na terapi. Ang tunay na Diyos ay talagang nakikinig sa panalangin. Kung mananalangin tayo sa tamang paraan at para sa tamang mga bagay, makikinig siya. Sa katunayan, hinihimok niya tayo na lumapit sa kaniya. (Santiago 4:8) Ano, kung gayon, ang maitutulong sa atin ng panalangin kung magiging bahagi ito ng ating buhay? Tingnan natin ang ilang pakinabang.
Kapayapaan ng isip.
Kapag may problema ka, labis ka bang nababalisa? Hinihimok tayo ng Bibliya na “manalangin . . . nang walang lubay” kapag may problema tayo at “ipaalam ang [ating] mga pakiusap sa Diyos.” (1 Tesalonica 5:17; Filipos 4:6) Tinitiyak sa atin ng Bibliya na kung mananalangin tayo sa Diyos, “ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa [ating] mga puso at sa [ating] mga kakayahang pangkaisipan.” (Filipos 4:7) Maaari tayong magkaroon ng kapayapaan ng isip kung sasabihin natin sa ating Ama sa langit ang mga ikinababahala natin. Sa katunayan, hinihimok niya tayong gawin iyan. “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo,” ang sabi sa Awit 55:22.
“Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo.”—Awit 55:22
Nararanasan na ng maraming tao sa buong daigdig ang kapayapaang ito. Sinabi ni Hee Ran, taga-South Korea: “Gaano man kabigat ang mga problema
ko, kapag nasabi ko na ito sa panalangin, gumagaan na ang pakiramdam ko at para bang kaya ko na itong mabata.” Sinabi naman ni Cecilia, taga-Pilipinas: “Bilang isang ina, labis akong nag-aalala sa mga anak kong babae at sa nanay ko na hindi na ako nakikilala ngayon. Pero sa tulong ng panalangin, nakapagpapatuloy ako sa buhay nang hindi masyadong nag-aalala. Alam kong tutulungan ako ni Jehova na maalagaan sila.”Kaaliwan at lakas sa panahon ng pagsubok.
Napapaharap ka ba sa matinding stress, dahil marahil sa masasaklap na karanasan o mga kalagayang nagsasapanganib ng buhay? Ang pananalangin sa “Diyos ng buong kaaliwan” ay makapagdudulot ng malaking ginhawa. Ayon sa Bibliya, siya ang “umaaliw sa [atin] sa lahat ng [ating] kapighatian.” (2 Corinto 1:3, 4) Halimbawa, nang lubhang mabagabag si Jesus, “iniluhod [niya] ang kaniyang mga tuhod at nagsimulang manalangin.” Ang resulta? “Nagpakita sa kaniya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas siya.” (Lucas 22:41, 43) Ang tapat na si Nehemias ay pinagbantaan ng masasamang tao na gusto siyang pahintuin sa paggawa ng gawain ng Diyos. Nanalangin siya: “Ngayon ay palakasin mo ang aking mga kamay.” Ipinakikita ng kasunod na mga pangyayari na talagang tinulungan siya ng Diyos na madaig ang kaniyang takot at magtagumpay sa kaniyang gawain. (Nehemias 6:9-16) Ikinuwento ni Reginald, taga-Ghana, ang karanasan niya tungkol sa panalangin: “Kapag nananalangin ako, lalo na kung may problema, para bang nasasabi ko ang problema ko sa isa na kayang tumulong sa akin at nagpapatibay na hindi ako dapat mag-alala.” Oo, kapag nanalangin tayo sa Diyos, bibigyan niya tayo ng kaaliwan.
Karunungan mula sa Diyos.
May mga desisyon tayo na habambuhay na makaaapekto sa atin at sa mga mahal natin sa buhay. Paano tayo makagagawa ng matatalinong pasiya? Sinasabi ng Bibliya: “Kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan [lalo na sa panahon ng pagsubok], patuloy siyang humingi sa Diyos, sapagkat siya ay saganang nagbibigay sa lahat at hindi nandurusta; at ibibigay ito sa kaniya.” (Santiago 1:5) Kung hihingi tayo ng karunungan sa Diyos, maaari niyang gamitin ang kaniyang banal na espiritu para patnubayan tayong makagawa ng matatalinong desisyon. Sa katunayan, maaari nating espesipikong hingin ang banal na espiritu dahil tinitiyak sa atin ni Jesus na “ang Ama sa langit ay magbibigay ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya!”—Lucas 11:13.
Maging si Jesus ay humingi ng tulong sa kaniyang Ama sa paggawa ng mahahalagang desisyon. Ayon sa Bibliya, nang pumili siya ng 12 lalaki na maglilingkod bilang mga apostol niya, “nagpatuloy siya sa pananalangin sa Diyos nang buong gabi.”—Lucas 6:12.
Gaya ni Jesus, marami ngayon ang napapatibay kapag nakita nilang sinagot ng Diyos ang hiling nila na tulungan silang makagawa ng matatalinong desisyon. Sinabi ni Regina, taga-Pilipinas, ang iba’t ibang problemang nakaharap niya, gaya ng pagsuporta sa kaniyang sarili at sa kaniyang pamilya nang mabiyuda siya, pagkawala ng trabaho, at pagpapalaki ng mga anak. Ano ang tumulong sa kaniya na makagawa ng matatalinong desisyon? Sinabi niya, “Umasa ako sa tulong ni Jehova sa pamamagitan ng panalangin.” Sinabi naman ni Kwabena, taga-Ghana, kung bakit siya humingi ng tulong sa Diyos, “Nawalan ako ng trabaho sa konstruksiyon na may malaking suweldo.” Tungkol sa kung ano ang posible niyang gawin, sinabi niya, “Patuloy akong nanalangin kay Jehova na gabayan ako sa paggawa ng tamang desisyon.” Sinabi pa niya, “Kumbinsido akong tinulungan ako ni Jehova na makapili ng trabahong tutulong sa akin na mapaglaanan ang espirituwal at pisikal na mga pangangailangan ko.” Mararanasan mo rin ang patnubay ng Diyos kung ipananalangin mo ang mga bagay na makaaapekto sa kaugnayan mo sa kaniya.
Ilan lamang ito sa mga bagay na magagawa sa iyo ng panalangin. (Para sa iba pang halimbawa, tingnan ang kahong “ Mga Pakinabang ng Panalangin.”) Subalit para makamit mo ang mga pakinabang na ito, dapat mo munang makilala ang Diyos at alamin ang kaniyang kalooban. Kung iyan ang gusto mo, hinihimok ka naming hilingin sa mga Saksi ni Jehova na tulungan kang mag-aral ng Bibliya. * Maaaring ito ang unang hakbang para mapalapít ka sa “Dumirinig ng panalangin.”—Awit 65:2.
^ par. 14 Para sa higit pang impormasyon, makipag-ugnayan sa mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o magpunta sa aming website na www.mt1130.com/tl.