Alam Mo Ba?
Ang mga Judio ba na dumating sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E. ay talagang “mula sa bawat bansa na nasa silong ng langit”?
Bukod sa ulat ng Bibliya sa Gawa 2:5-11, iniulat din ni Philo, Judiong manunulat noong unang siglo, na napakaraming tao ang dumating sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E.
Ganito ang isinulat ni Philo tungkol sa mga naglalakbay sa Jerusalem: “Di-mabilang na mga tao ang dumaragsa mula sa kung saan-saang lunsod, ang iba’y naglalakbay sa lupa at ang iba’y sa dagat, mula sa silangan at kanluran at hilaga at timog, sa tuwing may kapistahan.” Sumipi rin siya mula sa liham na ipinadala ni Agripa I, apo ni Herodes na Dakila, kay Emperador Caligula ng Roma. Ganito ang isinulat ni Agripa tungkol sa Jerusalem: “[Ang] Banal na Lunsod . . . ang kabisera hindi lang ng lalawigan ng Judea kundi ng karamihan ng mga lalawigan, dahil sa mga kolonyang ipinangalat nito sa kalapit na mga lupain sa pana-panahon.”
Inilista ni Agripa ang mga lugar kung saan nagkaroon ng mga kolonyang Judio, kasali na ang malalayong lugar ng Mesopotamia, Hilagang Aprika, Asia Minor, Gresya, at mga isla ng Mediteraneo. “Bagaman hindi espesipikong binabanggit sa listahang iyon ang tungkol sa paglalakbay sa Jerusalem,” ang sabi ng iskolar na si Joachim Jeremias, “nauunawaan na iyon, yamang isang utos sa lahat ng adultong Judio ang maglakbay roon para sumamba.”—Deuteronomio 16:16.
Saan tumutuloy ang libo-libong tao na pumupunta sa Jerusalem para ipagdiwang ang mga kapistahang Judio?
Tatlong kapistahan ang ginaganap sa Jerusalem taon-taon—ang Paskuwa, Pentecostes, at ang Kapistahan ng mga Kubol. Noong unang siglo, daan-daang libong Judio, mula sa buong Israel at sa iba’t ibang lupain, ang naglalakbay patungong Jerusalem para daluhan ang mga iyon. (Lucas 2:41, 42; Gawa 2:1, 5-11) Lahat ng manlalakbay na ito ay kailangang maghanap ng matutuluyan.
May mga nagpapalipas ng gabi sa bahay ng kanilang mga kaibigan at ang iba naman ay sa mga bahay-tuluyan. Marami ang nagtatayo ng mga tolda sa loob o sa labas ng mga pader ng lunsod. Noong huling gabi ni Jesus sa Jerusalem, tumuloy siya sa katabing lunsod, ang Betania.—Mateo 21:17.
May ilang istraktura malapit sa templo na maraming paliguan (bath basin). Ang mga gusaling ito ay sinasabing naging tuluyan ng mga manlalakbay kung saan puwede silang maglinis ng sarili bago pumasok sa templo. Nakasaad sa isang inskripsiyong makikita sa isa sa mga gusaling ito na si Theodotus, isang saserdote at lider ng sinagoga roon, “ang nagtayo ng sinagoga para sa pagbabasa ng Torah at . . . bukod diyan, ng tuluyan, at mga silid, at instalasyon ng tubig para sa mga estranghero na nangangailangan ng matutuluyan.”