Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

DEA/G. Dagli Orti/De Agostini via Getty Images

Si Huldrych Zwingli at ang Paghahanap Niya ng Katotohanan sa Bibliya

Si Huldrych Zwingli at ang Paghahanap Niya ng Katotohanan sa Bibliya

 Sa ngayon, puwedeng tingnan ng mga taong relihiyoso kung nakabase sa Bibliya ang mga paniniwala nila o hindi. Pero hindi ganiyan ang sitwasyon noong pasimula ng 16th century. Bakit? Wala kasing Bibliya sa sarili nilang wika ang maraming tao noon. Kaya hindi nila maikumpara ang naririnig nilang itinuturo ng Simbahan sa mismong sinasabi ng Bibliya. Halos wala ring naitutulong ang mga klero, o lider ng relihiyon. “Tiwali ang Simbahan sa Switzerland,” ang sabi ng aklat na History of the Christian Church. “Ang mga klero ay walang alam, naniniwala sa mga pamahiin, at imoral.”

 Nang mga panahong iyon, sinimulan ni Huldrych Zwingli na hanapin ang katotohanan mula sa Bibliya. Ano ang nalaman niya? Paano niya iyon sinabi sa iba? At ano ang matututuhan natin sa naging buhay niya at mga paniniwala?

Sinimulan ni Zwingli ang Paghahanap

 Noong kaka-20 taóng gulang pa lang ni Zwingli, gusto na niyang maging paring Katoliko. Gaya ng iba pang gustong magpari, kailangan niyang mag-aral ng pilosopiya, mga tradisyon ng simbahan, at mga akda ng “mga Ama ng Simbahan”—pero hindi kasama ang mismong Bibliya.

 Kailan unang nalaman ni Zwingli ang katotohanan? Noong nag-aaral siya sa isang unibersidad sa Basel, Switzerland, dumalo siya sa mga lecture ni Thomas Wyttenbach. Kontra si Wyttenbach sa kaayusan ng Simbahan tungkol sa indulhensiya. a Sinabi ng isa sa mga sumulat tungkol sa buhay ni Zwingli na “natutuhan [ni Zwingli] kay [Wyttenbach] na minsanang namatay si Kristo para sa ating mga kasalanan.” (1 Pedro 3:18) Nang maintindihan niya na ang pantubos ni Jesus lang ang paraan para mapatawad ang kasalanan ng mga tao, tinanggihan ni Zwingli ang turo na kayang magpatawad ng mga lider ng relihiyon kapalit ng pera. (Gawa 8:20) Pero itinuloy pa rin ni Zwingli ang pag-aaral niya, at naging pastor ng Katoliko noong 22 siya.

 Noong mga 20 taóng gulang si Zwingli, nag-aral siya ng Greek para maintindihan niya ang orihinal na wika ng tinatawag ng karamihan na Bagong Tipan. Pinag-aralan din niya ang mga akda ni Erasmus. Nalaman niya sa mga iyon na si Jesus lang ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, gaya ng itinuturo sa Bibliya. (1 Timoteo 2:5) Kaya mula noon, pinagdudahan na ni Zwingli ang turo ng mga Katoliko tungkol sa paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga santo.

 Lalo pang nagsikap si Zwingli na alamin ang katotohanan noong mga 30 taóng gulang siya. Pero army chaplain din siya noon sa sunod-sunod na mga digmaan sa Europe para masakop ang Italy. Noong 1515, nakita niyang pinapatay ng mga Katoliko ang kapuwa nila Katoliko sa digmaan ng Marignano. Pagkalipas ng ilang taon, mano-manong kinopya at kinabisa pa nga ni Zwingli ang malaking bahagi ng Griegong Kasulatan. Noong 1519, nakatira si Zwingli sa Zurich, ang sentro ng politika sa Switzerland. Habang nandoon siya, nakita niya na kailangang alisin ng Simbahan ang lahat ng turo na hindi ayon sa Kasulatan. Pero paano niya makukumbinsi ang iba?

“Ngayon Lang Kami Nakarinig ng Ganitong Turo”

 Naniniwala si Zwingli na tatanggihan ng mga tao ang maling turo ng simbahan kapag nalaman nila ang katotohanan mula sa Bibliya. Kaya noong maging pari siya sa kilalang simbahan ng Grossmünster sa Zurich, sinimulan niya ang pangangaral at sinabi nang deretsahan: Hindi na siya magbabasa mula sa Latin lectionary b gaya ng matagal nang ginagawa ng mga klero. Sa halip, mangangaral siya tungkol sa Ebanghelyo mula mismo sa Bibliya. Iisa-isahin niya ang mga kabanata mula simula hanggang dulo. Hindi na niya gagamitin ang mga turo ng mga Ama ng Simbahan para ipaliwanag ang Kasulatan. Hahayaan niyang magpaliwanag ang mismong Kasulatan. At nagawa niya iyon kasi gumamit siya ng iba pang mga teksto para ipaliwanag ang mga tekstong mahirap maintindihan.​—2 Timoteo 3:16.

Sergio Azenha/Alamy Stock Photo

Ang Grossmünster church sa Zurich

 Idiin ni Zwingli sa pangangaral niya na makakatulong ang Bibliya sa buhay ng mga tao. Itinuro niya ang mga pamantayan ng Bibliya sa moral. Ipinangaral din niya na hindi dapat sambahin ang nanay ni Jesus na si Maria, na hindi dapat manalangin sa mga santo, na pinagkakakitaan lang ang mga indulhensiya, at na imoral ang mga klero. Ano ang reaksiyon ng mga tao? Sinabi ng ilan pagkatapos ng unang sermon niya: “Ngayon lang kami nakarinig ng ganitong turo.” Isinulat pa ng isang istoryador tungkol sa mga Katolikong nakikinig kay Zwingli: “Ang mga taong umiwan sa simbahan dahil sa galit sa kalokohan at imoralidad ng mga pari ay dumalo na ulit.”

 Noong 1522, sinubukan ng mga klero na gamitin ang mga politiko sa Zurich para patigilin ang mga kumokontra sa mga turo ng simbahan. Dahil doon, tinawag na erehe si Zwingli. Ayaw niyang ikompromiso ang mga paniniwala niya kaya nagbitiw siya sa pagiging paring Katoliko.

Ang Ginawa ni Zwingli

 Kahit hindi na pari si Zwingli, nangangaral pa rin siya para kumbinsihin ang iba sa mga paniniwala niya. Nakilala siya sa pangangaral kaya nagkaroon siya ng impluwensiya sa mga politiko ng Zurich. Dahil doon, isinulong niya ang mga reporma sa relihiyon sa Zurich. Halimbawa, noong 1523, kinumbinsi niya ang mga hukom sa Zurich na ipagbawal ang pagtuturo ng anumang doktrina na hindi sinusuportahan ng Kasulatan. Noong 1524, kinumbinsi rin niya sila na ipagbawal ang idolatriya. Sinuportahan ng mga mangangaral doon at ng mga tao ang mga mahistrado sa malawakang pagsira sa mga altar, idolo, imahen, at relikya. “Bukod sa pagnanakaw ng mga Viking sa mga bahay ng pagsamba, noon lang nasaksihan ng Western Church ang ganoon katinding sinasadyang pagsira,” ang sabi sa aklat na Zwingli—God’s Armed Prophet. Noong 1525, nakumbinsi rin niya ang mga nasa awtoridad na gawing ospital ang mga ari-arian ng simbahan at na payagang mag-asawa ang mga monghe at madre. Isinulong din niya na sa halip na Misa, gayahin na lang ang simpleng selebrasyon na mababasa sa Bibliya. (1 Corinto 11:23-25) Sinabi ng mga istoryador na dahil sa mga ginawa ni Zwingli, nagkaisa ang mga lider ng relihiyon at politika sa Zurich. Nabigyang-daan din nito ang Repormasyon at ang bagong relihiyong Protestante.

Ang 1536 na edisyon ng Zurich Bible, World Headquarters ng mga Saksi ni Jehova, Warwick, New York

 Ang pagsasalin ni Zwingli ng Bibliya ang pinakamahalagang ginawa niya. Noong mga 1520’s, pinangunahan niya ang isang grupo ng mga iskolar para isalin ang Bibliya sa simpleng paraan. Babasahin nila ang bawat teksto mula sa orihinal na Hebreo at Griego, pati na sa ibang mga kilalang salin gaya ng Greek Septuagint at Latin Vulgate. Pagkatapos, pag-aaralan nila ang bawat teksto at isusulat ang pagkaunawa nila. Dahil sa ganitong pagpapaliwanag at pagsasalin ng Salita ng Diyos, nabuo nila ang isang-tomong edisyon ng Zurich Bible ng 1531.

 Nagsikap si Zwingli para itaguyod ang mga paniniwala niya. Pero naging matapang siya at hindi niya nirespeto ang mga paniniwala ng iba. Halimbawa, noong 1525, kasama siya sa paglilitis sa mga Anabaptist, na hindi sang-ayon sa paniniwala niya na dapat binyagan ang mga sanggol. Hindi siya tumutol nang maglabas ang korte ng hatol na kamatayan sa mga kumokontra sa pagbibinyag. Kinumbinsi rin niya ang mga lider ng politika na gamitin ang puwersa ng hukbo para tanggapin ng iba ang mga paniniwala niya. Pero kumontra sa mga reporma niya ang ilang lugar sa Switzerland na may maraming Katoliko kaya nagkaroon ng civil war. Nang makipaglaban ang mga sundalo mula Zurich, sumama si Zwingli, at doon siya namatay sa edad na 47.

Kung Paano Nakilala si Zwingli

 Maraming nagawa si Huldrych Zwingli na bumago sa kasaysayan kahit hindi siya kasing kilala ng mga Protestant Reformer na sina Martin Luther at John Calvin. Mas direkta niyang kinontra ang mga turo ng simbahang Romano Katoliko kung ikukumpara kay Luther. At dahil sa mga ginawa ni Zwingli, mas madali nang tinanggap ng mga tao si Calvin. Dahil dito, tinawag si Zwingli na Third Man of the Reformation.

 May maganda at di-magandang epekto ang mga ginawa ni Zwingli. Para mapalaganap ang mga paniniwala niya, ginamit niya ang politika at sumama sa digmaan. Hindi niya natularan si Jesu-Kristo, na tumangging makibahagi sa politika at nagturo sa mga alagad niya na mahalin ang mga kaaway nila, hindi patayin.​—Mateo 5:43, 44; Juan 6:14, 15.

 Pero nakilala si Zwingli na isang masikap na estudyante ng Bibliya na pursigidong ibahagi sa iba ang mga natutuhan niya. Marami siyang pinag-aralang katotohanan sa Bibliya at tinulungan niya ang iba na ganoon din ang gawin.

a Ang indulhensiya ay isang decree na inilalabas ng mga lider ng simbahan. Sinasabing makakabawas ito o makakapag-alis pa nga ng parusa sa isang tao sa purgatoryo pagkamatay niya.

b Ang lectionary ay isang aklat ng mga pilíng teksto sa Bibliya na binabasa sa buong taon.