Paano Mo Makokontrol ang Pag-inom ng Alak?
May mga tao na napaparami ng inom ng alak kapag stress sila, malungkot, o nababagot. Mas napapadalas na ba ang pag-inom mo? Kung oo, paano mo makokontrol ang pag-inom mo ng alak para hindi ito mauwi sa paglalasing, o sobra at madalas na pag-inom? Pag-isipan ang mga impormasyon na makakatulong sa iyo para makontrol mo ang pag-inom ng alak.
Ano ang katamtamang dami ng pag-inom ng alak?
Ang sabi ng Bibliya: “Huwag kang maging gaya ng malalakas uminom ng alak.”—Kawikaan 23:20.
Pag-isipan ito: Hindi naman ipinagbabawal ng Bibliya ang katamtamang pag-inom ng alak. (Eclesiastes 9:7) Pero may sinasabi ito tungkol sa pagkakaiba ng katamtamang pag-inom, sobrang pag-inom, at paglalasing. (Lucas 21:34; Efeso 5:18; Tito 2:3) Kahit hindi nauuwi sa paglalasing ang sobrang pag-inom, may masama pa rin itong epekto sa desisyon mo, kalusugan, o kaugnayan sa iba.—Kawikaan 23:29, 30.
Sinasabi ng maraming awtoridad na may pagkakaiba ang katamtamang dami ng pag-inom at sobrang pag-inom. At ibinabase nila ito sa bawat serving na kayang inumin ng isang tao sa isang araw at kung ilang araw siya umiinom sa isang linggo. a Pero iba-iba ang tolerance o reaksiyon ng katawan ng bawat tao sa alak. Kaya may mga pagkakataon na mas mabuting huwag na lang uminom ng alak. Ayon sa World Health Organization:
“Halimbawa, masasabing sobra ang isa o dalawang serving ng pag-inom:
Kapag nagmamaneho o nag-o-operate ng makina.
Kapag buntis o nagbe-breast feed.
Kapag may isang partikular kang gamot na iniinom.
Kapag may isang partikular kang sakit.
Kapag hindi mo kayang kontrolin ang pag-inom mo.”
Kung paano mo malalaman na sobra na ang pag-inom mo ng alak
Ang sabi ng Bibliya: “Suriin natin at siyasatin ang landasin natin.”—Panaghoy 3:40.
Pag-isipan ito: Maiiwasan mo ang masasamang epekto ng alak kung regular mong susuriin ang dalas at dami ng pag-inom mo at babaguhin ito kung kinakailangan. Tingnan ang mga senyales na nagpapakitang wala ka nang kontrol sa pag-inom.
Kailangan mong uminom para maging masaya. Pakiramdam mo kailangan mong uminom para marelaks o magsaya. Umiinom ka para makalimutan mo ang mga problema mo.
Lumalakas ka nang uminom. Mas madalas ka nang uminom. Mas matapang na rin ang iniinom mo. At dumarami ang inom mo kasi hindi ka na tinatamaan ng alak.
Dahil sa pag-inom, nagkakaproblema ka na sa bahay at trabaho. Halimbawa, nauubos ang pera mo dahil sa alak.
Pagkatapos mong uminom, gumagawa ka na ng mga maling desisyon, gaya ng pagmamaneho, paglangoy, o pag-o-operate ng makina.
Nag-aalala ang iba dahil sa pag-inom mo. At kapag sinasabi nila iyon sa iyo, itinatanggi mo. Itinatago mo sa iba ang pag-inom mo at hindi mo sinasabi kung gaano talaga karami ang naiinom mo.
Nahihirapan kang huminto sa pag-inom. Sinusubukan mo namang bawasan ang pag-inom o huminto, pero hindi mo magawa.
Limang tip para makontrol ang pag-inom ng alak
1. Magplano.
Ang sabi ng Bibliya: “Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay.”—Kawikaan 21:5.
Subukan ito: Pumili ng mga araw sa isang linggo kung kailan ka lang iinom. Pagkatapos, limitahan ang dami ng iinumin mo sa mga araw na iyon. At magtakda ng kahit dalawang araw kada linggo na hindi ka iinom.
“Kung may iskedyul ka ng mga araw na hindi ka iinom, mas malamang na hindi mo na hanap-hanapin ang alak,” ang sabi ng isang alcohol education charity na nasa U.K.
2. Sundin ang iyong plano.
Ang sabi ng Bibliya: “Tapusin na ninyo ang sinimulan ninyo.”—2 Corinto 8:11.
Subukan ito: Alamin kung ano ang karaniwang serving ng inuming de-alkohol para malaman mo kung paano mo lilimitahan ang iinumin mo. Maghanap ng inuming walang alkohol na magugustuhan mo at tiyakin mo na may stock ka nito.
“Malaki ang nagagawa ng maliit na mga pagbabago para mabawasan ang problema mo dahil sa pag-inom ng alak,” ang sabi ng U.S. National Institute on Alcohol Abuse and Alcoholism.
3. Maging determinado.
Ang sabi ng Bibliya: “Tiyakin ninyo na ang inyong ‘Oo’ ay oo at ang inyong ‘Hindi’ ay hindi.”—Santiago 5:12.
Subukan ito: Maging handang tumanggi sa mabait na paraan at ipakitang determinado ka. Lalo na kapag inaalok kang uminom sa panahong hindi mo naman planong uminom.
“Kapag tumanggi ka agad, mas malamang na hindi ka matuksong uminom,” ang sabi ng U.S. National Institute on Alcohol Abuse and Alcoholism.
4. Magpokus sa pakinabang.
Ang sabi ng Bibliya: “Mas mabuti ang wakas ng isang bagay kaysa sa pasimula nito.”—Eclesiastes 7:8.
Subukan ito: Ilista ang mga dahilan kung bakit gusto mong makontrol ang pag-inom ng alak. Halimbawa, mapapaganda nito ang pagtulog mo, kalusugan mo, at kaugnayan mo sa iba, at makakatipid ka pa. Kung ipapakipag-usap mo sa iba ang desisyon mong kontrolin ang pag-inom mo, magpokus sa mga pakinabang imbes na sa hirap na nararanasan mo.
5. Humingi ng tulong sa Diyos.
Ang sabi ng Bibliya: “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Filipos 4:13.
Subukan ito: Kung nag-aalala ka dahil hindi mo na makontrol ang pag-inom mo, humingi ng tulong sa Diyos sa panalangin. Humingi sa kaniya ng lakas at pagpipigil sa sarili. b At alamin kung anong praktikal na payo ang mababasa mo sa Bibliya. Kapag humingi ka ng tulong sa kaniya, makokontrol mo ang pag-inom mo ng alak.
a Halimbawa, sinasabi ng U.S. Department of Health and Human Services na nagiging sobra na ang pag-inom kapag “4 o higit pang serving ng anumang inuming de-alkohol ang naiinom sa isang araw o 8 o higit pa kada linggo ng mga babae. Para naman sa mga lalaki 5 o higit pa kada araw o 15 o higit pa kada linggo.” Iba-iba ang karaniwang serving ng inuming de-alkohol depende sa bansa. Kaya magpunta sa isang eksperto sa kalusugan para malaman mo kung gaano karaming alak lang ang puwede mong inumin.
b Kung hindi mo makontrol ang pag-inom mo ng alak, humingi ng tulong sa mga eksperto sa kalusugan.