Paano Ka Makakapag-adjust Kapag Nabawasan ang Iyong Kita?
Mas maliit na ba ang kita mo ngayon kaysa noon dahil sa isang krisis sa ekonomiya? Mabilis na naaapektuhan ang ekonomiya kapag may mga pandemic, likas na sakuna, kaguluhan sa politika, at giyera. Talagang nakaka-stress kapag biglang bumaba ang kinikita mo. Pero matutulungan ka ng karunungang mula sa Bibliya para makagawa ng praktikal na mga hakbang.
1. Tanggapin ang iyong sitwasyon.
Prinsipyo sa Bibliya: “Natutuhan ko ang sekreto kung paano maging kontento . . . , sagana man o kapos.”—Filipos 4:12.
Kahit na mas kaunti na ang pera mo ngayon, matututuhan mo ring makapag-adjust sa sitwasyon mo. Kung sisikapin mong tanggapin agad ang realidad, mas madaling makakagawa ng paraan ang pamilya mo para maharap ang sitwasyon.
Alamin ang mga iniaalok na tulong ng gobyerno o ng ibang ahensiya na mayroon sa inyo. Asikasuhin agad iyon, kasi karaniwan nang limitadong panahon lang ang ibinibigay sa pag-a-apply sa mga iyon.
2. Magtulungan bilang isang pamilya.
Prinsipyo sa Bibliya: “Nabibigo ang plano kapag hindi napag-uusapan, pero nagtatagumpay ito kapag marami ang tagapayo.”—Kawikaan 15:22.
Ipaliwanag ang sitwasyon sa asawa mo at sa mga anak mo. Kung pag-uusapan ninyo iyon, maiintindihan ng buong pamilya ang sitwasyon ninyo at malalaman nila kung ano ang puwede nilang gawin. Kung ang bawat isa ay magtitipid at iiwasang mag-aksaya, mas magkakasya ang pera ninyo.
3. Magbadyet.
Prinsipyo sa Bibliya: ‘Umupo at kuwentahin ang gastusin.’—Lucas 14:28.
Kapag kailangan mong pagkasyahin ang pera ninyo, mahalagang malaman ang lahat ng pinagkakagastusan ninyo. Una, ilista ang inaasahan ninyong kita bawat buwan ngayong nagbago na ang kalagayan ninyo. Pagkatapos, ilista ang mga pinagkakagastusan ninyo bawat buwan, pati na ang mga gastusin na alam mong kailangang alisin. Isama rin sa listahang ito ang halagang gusto mong itabi para sa mga di-inaasahang gastusin o pangyayari.
Tip: Huwag mong kalimutang isama sa listahan kahit ang maliliit na gastusin. Baka magulat ka kung gaano kalaki ang inaabot nito. Halimbawa, isang lalaki ang naglista ng mga gastusin niya. Nalaman niyang ilang daang dolyar din pala ang nagagastos niya sa chewing gum taon-taon.
4. Alamin kung alin sa mga gastusin mo ang priyoridad, at gumawa ng mga pagbabago.
Prinsipyo sa Bibliya: “[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.”—Filipos 1:10, talababa.
Ikumpara ang kita mo sa mga ginagastos mo, at tingnan kung ano ang puwede mong alisin o bawasan para magkasya ang kinikita mo ngayon. Pag-isipan ang sumusunod:
Transportasyon. Kung higit sa isa ang sasakyan mo, may puwede ka bang ibenta? At kung mayroon kang mamahaling kotse, puwede mo bang palitan ito ng mas matipid? Puwede ka bang mag-commute o mag-bike para hindi mo na kailanganing magkaroon ng sasakyan?
Libangan. Puwede mo bang kanselahin pansamantala ang mga subscription mo sa streaming, satellite, o cable TV? O baka makahanap ka ng mas murang alternatibo.
Tubig, Kuryente, at Iba Pa. Pag-usapan ninyong pamilya kung paano makakatipid sa tubig, kuryente, at gas. Ang pagpatay ng ilaw at ang paliligo nang mas mabilis ay parang maliit na bagay. Pero malaki ang maitutulong nito sa pagtitipid.
Pagkain. Iwasang kumain sa labas. Sa halip, magluto na lang sa bahay. Planuhin ang mga kakainin mo, bumili at magluto nang maramihan kung posible, at itabi ang mga natira. Gumawa ng listahan bago mamili para maiwasang bumili ng mga hindi kinakailangan. Bumili ng prutas at gulay kapag panahon ng pamumunga nito para mas makamura. Iwasang bumili ng di-masusustansiyang pagkain. Kung posible, magtanim ng gulay.
Mga Damit. Bumili ng damit kapag kailangan mo nang palitan iyon, hindi lang para makasunod sa uso. Maghanap ng mga sale o bumili ng mga gamit na secondhand na maayos pa naman. Kung posible at maganda naman ang panahon, isampay ang mga nilabhan imbes na mag-dryer para makatipid sa kuryente.
Mga Planong Bilhin. Bago bumili ng isang bagay, tanungin ang sarili: ‘Kaya ko bang bilhin ito? Kailangan ko ba talaga ito?’ O kaya naman, baka puwedeng hindi mo muna palitan ang mga appliances, gadyet, o sasakyan mo. May mga gamit ka bang hindi na kailangan o hindi na nagagamit at puwede nang ibenta? Kapag ginawa mo iyan, mas magiging simple ang buhay mo at madadagdagan pa ang kita mo.
Tip: Kapag biglang nabawasan ang kita mo, baka maisip mong itigil na ang mga bisyong magastos at nakakasamâ sa iyo, gaya ng paninigarilyo, pagsusugal, at sobrang pag-inom. Hindi lang iyan makakatulong sa pinansiyal—mapapabuti rin niyan ang buhay mo.
5. Maglaan ng panahon sa Diyos.
Prinsipyo sa Bibliya: “Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.”—Mateo 5:3.
Ito ang makatuwirang payo ng Bibliya: “Ang karunungan ay proteksiyon kung paanong ang pera ay proteksiyon, pero ito ang kahigitan ng kaalaman: Iniingatan ng karunungan ang buhay ng nagtataglay nito.” (Eclesiastes 7:12) Makikita ang karunungang iyan sa Bibliya, at marami na ang natulungan nito na maiwasan ang sobrang pag-aalala sa pera.—Mateo 6:31, 32.