Makakaasa Ka sa Isang Magandang Kinabukasan
Naniniwala ka bang gaganda ang buhay natin sa hinaharap? Ganiyan ang iniisip ng marami kahit nakakaranas tayo ng matitinding problema sa ngayon. Pero makakaasa ba talaga tayo na gaganda pa ang buhay natin? Oo! Nangangako ang Bibliya na magkakaroon tayo ng magandang kinabukasan.
Anong pag-asa ang ipinapangako ng Bibliya?
Sinasabi ng Bibliya na ang mga tao ay makakaranas ng matitinding problema. Pero ipinapangako ng Bibliya na matatapos din ito. Tingnan ang ilang halimbawa.
Problema: Walang tirahan
Ang sabi ng Bibliya: “Magtatayo sila ng mga bahay at titira sa mga iyon.”—Isaias 65:21.
Ang mangyayari sa hinaharap: Magkakaroon ang mga tao ng sariling bahay.
Problema: Walang trabaho at kahirapan
Ang sabi ng Bibliya: “Lubusan silang masisiyahan sa mga gawa ng kanilang mga kamay.”—Isaias 65:22.
Ang mangyayari sa hinaharap: Magkakaroon ng kasiya-siyang trabaho ang lahat ng tao.
Problema: Kawalang-katarungan
Ang sabi ng Bibliya: “May mga prinsipeng mamamahala para sa katarungan.”—Isaias 32:1.
Ang mangyayari sa hinaharap: Mawawala na ang kawalang-katarungang resulta ng pagkakaiba-iba ng lahi o katayuan sa buhay, at wala nang magiging mahirap. Patas na ang tingin sa lahat.
Problema: Malnutrisyon at gutom
Ang sabi ng Bibliya: “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; mag-uumapaw ito sa tuktok ng mga bundok.”—Awit 72:16.
Ang mangyayari sa hinaharap: Magiging sagana sa masusustansiyang pagkain ang lahat ng tao. Walang matutulog nang gutóm at wala na ring magiging malnourished.
Problema: Krimen at karahasan
Ang sabi ng Bibliya: “Uupo ang bawat isa sa kanila sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos, at walang sinumang tatakot sa kanila.”—Mikas 4:4.
Ang mangyayari sa hinaharap: Magiging ligtas at panatag ang lahat dahil mawawala na ang masasama, at “ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa.”—Awit 37:10, 29.
Problema: Digmaan
Ang sabi ng Bibliya: “Walang bansa na magtataas ng espada laban sa ibang bansa, at hindi na rin sila mag-aaral ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Ang mangyayari sa hinaharap: Magkakaroon ng kapayapaan sa buong lupa. (Awit 72:7) Wala nang mamamatayan ng mahal sa buhay at wala na ring magiging refugee dahil sa digmaan.
Problema: Sakit at kapansanan
Ang sabi ng Bibliya: “Walang nakatira doon ang magsasabi: ‘May sakit ako.’”—Isaias 33:24.
Ang mangyayari sa hinaharap: Hindi na magkakasakit o magkakaroon ng kapansanan ang mga tao. (Isaias 35:5, 6) Ipinapangako pa nga ng Bibliya na “mawawala na ang kamatayan.”—Apocalipsis 21:4.
Problema: Pagkasira ng kapaligiran
Ang sabi ng Bibliya: “Ang ilang at ang tuyong lupain ay magsasaya, at ang tigang na kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.”—Isaias 35:1.
Ang mangyayari sa hinaharap: Magiging paraiso ang buong lupa at titira dito ang mga tao, gaya ng layunin ng Diyos.—Genesis 2:15; Isaias 45:18.
Mahirap bang paniwalaan na matutupad ang pangako ng Bibliya?
Sa umpisa, baka ganiyan nga ang maisip mo. Pero maganda kung susuriin mo pa ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa hinaharap. Bakit? Ibang-iba ang mga pangako sa Bibliya kumpara sa mga pangako at prediksiyon ng mga tao. Galing sa Diyos ang mga pangako sa Bibliya. Ito ang mga dahilan kung bakit mas nakakahigit ang mga pangako ng Diyos:
Mapagkakatiwalaan ang Diyos. Sinasabi ng Bibliya na “hindi makapagsisinungaling” ang Diyos. (Tito 1:2) At ang Diyos lang ang may kakayahang magsabi kung ano ang mangyayari sa hinaharap. (Isaias 46:10) Mababasa sa Bibliya ang maraming halimbawa na laging natutupad ang mga inihula ng Diyos. Para sa higit pang impormasyon, panoorin ang video na Paano Tayo Nakakasiguro na Totoo ang Sinasabi ng Bibliya?
Kaya ng Diyos na lutasin ang mga problema natin. Sinasabi ng Bibliya na may kapangyarihan ang Diyos na gawin “ang lahat ng gusto niyang gawin.” (Awit 135:5, 6) Ibig sabihin, walang makakapigil sa Diyos sa pagtupad sa mga pangako niya. At gusto niya rin tayong tulungan dahil mahal niya tayo.—Juan 3:16.
Baka maisip mo, ‘Kung gusto tayong tulungan ng Diyos at kaya naman niyang gawin iyon, bakit napakarami nating problema?’ Para malaman ang sagot, panoorin ang video na Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?
Paano ito matutupad?
Gagamitin ng Diyos ang kaniyang Kaharian—isang gobyerno sa langit—para tuparin ang mga pangako niya. Pinili niya si Jesu-Kristo para maging Hari ng Kahariang iyan, at binigyan niya si Jesus ng awtoridad na pamahalaan ang lupa at ang mga tao. Noong nandito si Jesus sa lupa, nagpagaling siya ng maysakit, nagpakain ng mga nagugutom, nagpatigil ng bagyo, at bumuhay pa nga ng patay. (Marcos 4:39; 6:41-44; Lucas 4:40; Juan 11:43, 44) Ipinakita niya ang mga gagawin niya bilang Hari ng Kaharian ng Diyos.
Para malaman kung paano ka pa matutulungan ng Kaharian ng Diyos, panoorin ang video na Ano ang Kaharian ng Diyos?
Kailan ito mangyayari?
Malapit na! Paano natin nasabi? Nagbigay ang Bibliya ng palatandaan na malapit nang mamahala dito sa lupa ang Kaharian ng Diyos. (Lucas 21:10, 11) Nakikita na natin ngayon ang palatandaang iyan.
Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Kailan Mamamahala sa Lupa ang Kaharian ng Diyos?”
Paano ka matutulungan ng pag-asang ito ngayon pa lang?
Sinabi ng isang manunulat ng Bibliya na ang pag-asa natin ay parang “angkla ng buhay natin.” (Hebreo 6:19) Dahil sa angkla, hindi natitinag ang isang barko kahit may bagyo. Ganiyan din ang nagagawa sa atin ng pag-asa sa Bibliya kapag may mga problema. Kapag may pag-asa tayo, magiging panatag at masaya tayo, makakapag-isip tayo nang maayos, at may magandang epekto ito sa kalusugan natin.—1 Tesalonica 5:8.