Mawawala Pa Ba ang Terorismo?
Kapag may nangyaring pag-atake ng terorista, baka maisip mo: ‘Wala bang pakialam ang Diyos? Bakit nangyayari ito? Mawawala pa kaya ang terorismo? a Takot na takot pa rin ako—ano’ng gagawin ko?’ Sinasagot ng Bibliya ang mga tanong na iyan.
Ano ang tingin ng Diyos sa terorismo?
Galit ang Diyos sa karahasan at terorismo. (Awit 11:5; Kawikaan 6:16, 17) Ganiyan din si Jesus, ang kinatawan ng Diyos. Nang maging marahas ang mga alagad, pinagsabihan sila ni Jesus. (Mateo 26:50-52) May mga taong gumagawa ng karahasan at ikinakatuwirang para iyon sa Diyos, pero hindi iyon gusto ng Diyos. Ang totoo, hindi nga niya pinapakinggan ang panalangin nila.—Isaias 1:15.
Nagmamalasakit ang Diyos sa lahat ng nagdurusa, pati na sa mga biktima ng terorismo. (Awit 31:7; 1 Pedro 5:7) Ipinapakita din sa Bibliya na aalisin ng Diyos ang karahasan.—Isaias 60:18.
Ang ugat ng terorismo
Ipinapaliwanag ng Bibliya kung bakit may terorismo: “Ang tao ay namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito.” (Eclesiastes 8:9) Noon pa man, ginagamit na ng mga taong nasa kapangyarihan ang terorismo para kontrolin o apihin ang iba. Dahil dito, gumagamit din ng terorismo ang mga inaapi.—Eclesiastes 7:7.
Mawawala na ang terorismo
Nangangako ang Diyos na aalisin niya ang takot at karahasan at na gagawin niyang payapa ang buong lupa. (Isaias 32:18; Mikas 4:3, 4) Ito ang gagawin ng Diyos:
Aalisin ang ugat ng terorismo. Papalitan ng Diyos ang mga gobyerno ng tao ng kaniyang gobyerno, na mamamahala sa buong mundo. Ang Tagapamahala ng gobyernong ito, si Jesu-Kristo, ay magiging patas sa lahat at aalisin niya ang pang-aapi at karahasan. (Awit 72:2, 14) Sa panahong iyon, wala nang terorismo. ‘Mag-uumapaw ang kaligayahan ng mga tao dahil sa lubos na kapayapaan.’—Awit 37:10, 11.
Aalisin ang lahat ng epekto ng terorismo. Pagagalingin ng Diyos ang mga tao mula sa epekto ng terorismo—pisikal man o emosyonal. (Isaias 65:17; Apocalipsis 21:3, 4) Nangako pa nga siya na bubuhayin ang mga patay at titira sila sa isang payapang mundo.—Juan 5:28, 29.
Ipinapakita ng Bibliya na malapit nang kumilos ang Diyos. Pero baka maitanong mo, ‘Bakit hindi pa alisin ng Diyos ang terorismo?’ Para malaman ang sagot, panoorin ang video na Bakit Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?
a Ang “terorismo” ay karaniwan nang tumutukoy sa pagbabanta o paggamit ng karahasan—lalo na sa mga karaniwang tao. Ginagawa nila ito para manakot at magkaroon ng pagbabago sa politika, relihiyon, o lipunan. Pero kung ang isang partikular na gawain ay maituturing na terorismo o hindi, iba-iba ang tingin diyan ng mga tao.